Chapter 36 - ออกซิเจน Oxygen

216 11 1
                                    

Medyo maaga akong gumising ngayong araw kasi espesyal ang araw na ito. Maliban sa huling araw ng pananatili namin rito, ito rin ang huling araw ng taon.

At ang pinakamahalaga sa lahat... ngayon rin ang kaarawan ng malaki kong husky na ngayon ay natutulog pa rin.

Dahan-dahan akong gumalaw saka tahimik na bumaba ng higaan. Pilit kong sinubukan na hindi magising si Solo kasi alam ko kung gaano kasensitibo itong husky ko kumpara sa iba. Mabuti na lang at naglakad-lakad pa kami kasama ang mga taga-baryo hanggang hatinggabi kaya mas pagod siya ngayon kaysa noong mga nakaraang araw.

Kadalasan, maagang gumigising ang mga tao rito. Maglakad-lakad lang sa paligid ng baryo, maririnig agad na gumagawa na sila ng sari-sarili nilang mga gawain. Pero ngayon kasi, may kakaiba. Nababalot ng katahimikan ang buong paligid rito. Para bang ni isa sa kanila ay hindi pa gising pero imposible rin naman iyon. Pumunta ako sa bahay ni Auntie Jit na nasa gitna ng baryo. Habang papalapit ako sa bahay niya, mas lumilinaw ang mga ingay na naririnig ko mula roon.

"Grandma, bagong taon na po. Ano pong madalas na ginagawa ng mga tao doon sa siyudad?"

"Ipinagdiriwang din nila tulad nitong gagawin natin..."

Saglit akong tumayo roon habang pinakikinggan ang pinag-uusapan nila. Narinig kong walang tigil sa pagtatanong ang mga bata kay Auntie Jit. Sumilip ako sa loob saka nakita ang mga bata na nakaupo nang pabilog saka nagtutulungang gawin ang kung ano man iyon.

"Ano pong ginagawa niyo?" Idinungaw ko ang ulo ko sa pintuan pero hindi muna agad ako pumasok ng bahay. Nag-waai sa akin ang mga bata bago bumalik sa ginagawa nila. Tumutulong pala sila sa paghahanda ng mga gulay.

"Gusto niyo bang kumain ng espesyal, teacher?" Lumingon si Auntie Jit sa akin at ngumiti saka itinuro ang mga sangkap na mas marami kumpara sa dami ng madalas niyang niluluto.

"Kahit hindi na po. Mas mabuti pong 'yung madali na lang iluto. Auntie, may maitutulong po ba ako?"

"Ayos lang, teacher. Sapat na ang itinulong sa akin nitong mga batang ito. Yung ibang mga pagkain naman, tumulong na rin ang ibang mga pamilya para doon. Pwede ka munang maglibot-libot muna, teacher."

Tumango ako saka nagpaalam sa mga bata bago lumabas. Sabi ni Auntie Jit, mayroon lang silang isang holiday kada taon at iyon ang Bagong Taon. Kadalasan, tuwing ika-31 ng Disyembre nila iyon ipinagdiriwang. Sabi nila, may piging sila rito pero nagluluto lang talaga sila ng mga pagkain saka pagsasalu-saluhan nila iyong lahat.

Kahapon, sabi ng mga taga-baryo sa amin ni Solo na pumunta kami rito saka samahan sila sa pagkain pagkatapos nilang magluto. Ang isa sa dahilan kung bakit maaga akong gumising ay dahil sa gusto kong tumulong sa paghahanda nila. Isa pa, dahil sa...

May kailangan akong gawin... Kapag hindi ko pa kasi nagawa iyon ngayong umaga, paniguradong hindi na ako magkakaroon pa ng pagkakataong makatakas sa husky ko.

Pupunta ako sa lugar kung saan minsan naming pinagmasdan ang buwan kasama si Nong Moon. May isang puno roon na nakahiwalay sa iba. Inilabas ko na ang mga gamit na inihanda ko bago pa man kami umalis ng Bangkok. Itinali ko ang ilang piraso ng mga papel sa isang mahabang tali sakan itinali iyon sa puno.

Hindi naman iyon mahirap gawinno masyadong espesyal, pero hinahangad ko na sana mapasaya siya ng simpleng bagay na ito.

Ilang saglit din akong nakatayo noon at nakangiti habang pinagmamasdan ang ginawa ko bago ko napagdesisyunang bumalik na. Sabi ni Auntie Jit, magsasama-sama raw ang lahat hanggang gabi at bihira lang din dumadaan ang mga tao sa lugar na ito. Sa tingin ko, wala namang dadaan rito saka makikita ang ginawa ko.

Maganda ang panahon ngayong araw. At siguro, dahil sa nasanay na ako sa klima rito, komportable na ako ngayon sa lamig na ito hindi tulad noong kakarating pa lang namin rito. O baka naman dahil sa espesyal ang araw ngayon kaya naman maganda ang pakiramdam ko ngayon.

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon