Chapter 30 - ออกซิเจน Oxygen

274 15 0
                                    

Simple lang ang naging burol ni Mae Yai. Hindi naman iyon malaki na marami pang mga seremonya saka kaunting tao lang ang pumunta sa lamay. May dalawang tao na bumaba mula sa bundok para maging representantibo ng mga taong naninirahan doon. Nagmadaling pumunta si Khun Jay nang malaman niya ang balita at ang 3Kings naman, dumating sila sa araw na namayapa na si Mae Yai saka tumulong sila para asikasuhin ang burol niya.

Mabilis lumipas ang oras at araw na ng cremation ni Mae Yai. Pakiramdam ko talaga, walang buhay itong katawan ko. Hindi ako umiyak, ni isang beses. Wala lang talagang laman itong isip ko ngayon... para bang wala na akong dahilan pa para magpatuloy sa buhay.

Ginugol ko ang bawat araw na lumipas na nakaupo at tahimik na pinagmamasdan ang black and white na litrato ni Mae Yai. Kapag gabi na, tahimik ko lang na susundan ang 3Kings at si Khun Jay mula sa likuran pabalik sa hinandang tutuluyan namin para makapagpahinga. At dahil sa alam kong lahat sila, nakatingin sa akin na puno ng pag-aalala, lagi ko na lang silang nginingitian.

Araw-araw tumatawag si Solo sa akin. Hindi na niya ako pinilit na buksan ang camera saka nag-usap lang kaming dalawa. Sa tuwing tatanungin niya ang kalagayan ko, babalutin lang kami ng katahimikan nang hindi ibinababa ang tawag. Naisip niya sigurong baka nakatulog na ako kaya hindi siya nagsasalita pero sa totoo lang, hindi talaga ako nakatulog buong gabi. Nang mabalitaan ni Solo ang tungkol rito, sabi ni Khun Jay na halos isuko lahat ni Solo para lang puntahan ako rito. Noong mga oras na iyon, tinawagan ko agad siya at nakipag-usap sa normal na tono ng boses ko saka tumawa na para bang ayos lang ang lahat.

'Kapag hindi ka kumuha ng exam at pumunta agad rito, magagalit ako.'

'Ayos lang ako.'

'Tanggap ko nang wala na si Mae Yai.'

Naalala kong sinabi ko sa kanya ang mga salitang iyon. Iyon ang mga salitang plinano kong sabihin sa kanya at iyon nga din talaga ang mga nasabi ko sa kanya. Pero hindi ko alam kung bakit...

Sa tuwing mag-isa lang ako, ang naiisip ko...

So...

Gusto kong dito ka na sa tabi ko, So...

Pero pilit kong ibinabaon itong makasarili kong puso hangga't maaari. Hindi ako papayag na iwan ni Solo ang pag-aaral niya dahil lang sa akin...

Kaya ko itong tiisin...

Kailangang maging matatag ako.

Dalawang araw na lang, magkikita na ulit kami.

"Khun Gui."

"Khrap, Khun Jay?" Sumagot ako sa tawag na iyon ni Khun Jay mula sa labas ng pintuan saka lumingon ulit sa salamin para tingnan ang sarili ko.

Ang nakita kong repleksyon ko salamin, isang lalaking nakasuot ng isang itim na suit. Maayos naman ang buhok ko ngayon, kaya naman lalong nakikita sa mukha ko ang pamumutla at pagod na para bang anumang oras ay matutumba ako, at lalo iyong nagiging halata habang lumilipas ang araw.

Sinubukan kong ngumiti pero hindi iyon mukhang isang tunay na ngiti. Bahagya kong tinapik ang pisngi ko para bumalik ako sa wisyo saka sinubukang ngumiti ulit.

Hindi naman na masama...

"Ayos ka lang ba, Khun Gui?" Nag-aalalang tanong ni Khun Jay paglabas ko ng kwarto sa hotel na tinuluyan namin.

"Khrap." Ngumiti ako sa kanya tulad nang inensayo ko kanina. Hindi ko alam kung maganda o pangit ang kinalabasan kasi hindi niya maialis ang tingin sa akin.

"Mukhang may kakaiba sa iyo ngayon, Khun Gui."

"Sa tingin ko nga rin." Bahagya akong tumawa saka inayos ang kurbata sa leeg ko. "Kailangan ko nga palang pasalamatan si Pramuk para rito sa suit na ipinakiusap ko sa kanya... Gusto ko lang kasing magmukhang presentable habang inihahatid si Mae Yai sa huling pagkakataon."

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon