Papalapit na ang araw ng final exam namin. Ibig sabihin, nalalapit na rin ang oras na kailangan ko nang mag-internship. Pagkatapos ng exam, meron akong halos isang buwan para magpahinga bago pumasok sa isang buong termino ng internship. Akala ko magagamit ko ang mga libre kong oras na iyon para mabisita si Mae Yai, pero meron kasing problema...
Sa araw na matatapos na ang exam ko, balak ko sanang pumunta na agad kay Mae Yai, pero kailangan pang manatili rito ni Solo ng isang linggo pa para sa final practical exam niya.
"Huwag ka nang sumimangot, oh." Halata na naman sa mukha niyang masama ang loob niya.
"Bakit ba kasi hindi pwedeng sabay na lang tayo mag-exam, ehh."
"Ano bang magagawa ko roon, So? Isa pa... aalis rin naman ako, 'diba?"
"Ayokong umalis ka nang walang kasama."
Bumuntong-hininga na lang ako saka hindi na nagsalita pa. Alam na alam ko kung gaano siya nag-aalala para sa akin na bibiyahe ako papunta sa malayong lugar nang mag-isa, kasi ganoon rin ang mararamdaman ko kapag siya naman ang napunta sa ganoong sitwasyon.
"Wala namang mangyayaring masama sa'kin." Sigurado naman ako sa sinabi kong iyon pero parang hindi siya naniniwala sa akin.
"Guitar..." Ang lalim ng buntong-hininga ni Solo. Tinanggal niya ang seatbelt niya saka lumapit sa akin. Itim naman ang kulay ng bintana ng kotse ni Solo kaya hindi nakikita ng mga tao sa labas ang loob nito.
"Ano 'yun?"
"Alam mo ba sa sarili mo na ikaw 'yung tipo ng taong gustong-gusto alagaan ang ibang tao?" Seryosong tanong sa akin ni Solo. Nanatili lang ako sa posisyon ko saka nakatingin sa mukha niya. Siguro nga talaga, ganoon akong klase ng tao. Habang nagiging malapit ako sa isang tao, mas lalo ko siyang inaalagaan. At susubukan kong tulungan siya hangga't kaya ko. Ganito na ako simula pagkabata. Siguro, dahil noong nasa ampunan pa ako, ako ang nagsilbing kuya nilang lahat kaya lagi ko silang inaalagaan hanggang sa nasanay na lang ako.
"Alam ko naman iyon."
"Kung ganoon pala... alam mo bang hindi mo na inaalagaan ang sarili mo?"
"..."
Hindi ako nakapagsalita sa mga oras na iyon kasi hindi ko alam kung paano ko siya sasagutin. Sasabihin ko lang naman na 'hindi naman sa ganoon' pero bakit hindi ko masabi sa kanya. Sinubukan kong mag-isip pa ng iba pang dahilan para isagot sa kanya, pero wala pa rin talagang pumasok sa isip ko.
"Ikaw mismo ang nagsabi sa akin na alagaan ko ang sarili ko. Dapat ikaw rin... huwag mo namang pabayaan ang sarili mo, Guitar. Kapag ganitong bagay na ang pinag-uusapan, sa tingin mo lagi mo iyong kakayanin nang mag-isa..." Nakatitig lang si Solo sa mukha ko at walang bakas sa mukha niyang nagbibiro siya. "Nakalimutan mo na ba sa apat na taong lumipas, nag-aaral ka lang saka nagtratrabaho? Hindi ka pa nakakapunta sa ibang lugar nang mag-isa, kahit na isang beses, hindi pa... Tapos biglang ganito, paanong hindi ako mag-aalala para sa'yo?"
"..." Hindi ko intensyong magtunog na natatakot ang boses ko pero nang kinakausap niya ako nang kalmado tulad nito, hindi ko na rin napigilang mag-alala.
Tama naman ang mga sinabi ni Solo. Hindi ko pa rin nararanasang bumiyahe papunta sa malayong lugar nang mag-isa. Hindi ko rin alam kung magkano gagatusin saka kung ano ang mga sasakyan ko. Hindi naman sa pinapabayaan ko ang sarili ko, pero ako kasi yung tipong 'gustong gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa'.
"Paano kung mali ka nang nasakyan saka mapunta sa ibang lugar, ano nang mangyayari sa'yo doon? Wala ring internet ang phone mo. Noong gusto kong buksan ang linya ng internet sa phone mo, ang sabi mo huwag na at magastos lang iyon."
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...