Chapter 13 - ออกซิเจน Oxygen

535 23 1
                                    

"Bilis! Bilisan niyo paaaa!"

"Lalangoy kayo o gagapang. Kapag natalo kayo, patay kayo sa'min."

Ang unang activity na ginawa nila sa beach ay 'yung flag capture. Hindi ko lang maintindihan kung ano ang iniisip nila at gusto nilang maglaro at mabasa umagang-umaga pa lang. Nakatayo lang ako at tumatawa kasama ang kaibigan ko habang pinagmamasdan ang sitwasyon nila saka hindi na naisipan pang makisali. Grabe na ang hiyawan nila sa dalampasigan kasi kung sino ang matatalo, mapaparusahan ang buong grupo. Alam nila kung anong klaseng parusa ang gagawin sa kanila, kaya normal lang sa mga bagong junior na matakot.

Ang patakaran kasi, may isa silang representstibo kada grupo na lalangoy sa dagat kung saan naroon ang limang bandila. Kada bandila, may nakasulat na numero at isa lamang sa mga iyon ang walang parusa. At para naman doon sa iba, may kanya kanya iyong parusa. Masasabing ang laro nila ngayon, nakadepende sa bilis ng pambato nila. Kapag kasi nakuha na ang bandila, kanila na iyon at hindi na pwedeng nakawin ng iba. Kaya ang iba, mapipilitan na lumangoy ulit saka kumuha na lang ng iba.

Nakatayo lang kami saka sama samang tumatawa habang nanonood. Magkasama kasi ang mga First at Second year, may kooperasyon na lang din ng mga taga-Music faculty. Plano kasi ng mga Second year na bullyhin ang mga First year kaya isinama sila sa activity saka mga Third year na ang namahala... ayon sa mga napagplanuhan nilang gagawin.

Ang kagandahan naman roon, naging mas malapit ang mga taga-Engineering at Music faculty hanggang sa nagmumurahan na sila.

"P'Gui... tubig oh."

Nginitian ko siya bilang paggalang. Hindi ko na din kasi alam kung anong sasabihin ko sa kanya.

Mukhang hindi siya nakinig sa mga sinabi ko sa kanya kahapon. Akala ko pa naman nainitindihan na niya kasi lumipat na siya ng ibang kwarto, pero ngayong umaga, heto na naman siya't pabalik-balik at paulit-ulit na nagtatanong. Masasabi kong mas nilalapitan niya ako ngayon.

"Salamat." Tinanggap ko 'yung bote ng tubig saka ibinalik ang tingin sa activity. Hindi sumagi sa isip kong buksan man lang iyon para uminom.

Natawa ako nang makita ko kung sino ang nanguna sa activity. Hawak ni Kao ang flag na may nakalagay na '1', nakasimangot siya at mukhang hindi masaya pero ang mga kagrupo niya, nagtatatalon sa tuwa maliban sa husky na nakasimangot rin at lalo pang sumimangot. Siguro dahil sa nakatayo ako sa kabila saka napalilibutan ako ng mga tao kaya hindi niya ako makita.

"Hindi mo ba iinumin 'yung tubig, P?"

At ito namang isang ito, hindi pa rin pala umaalis...

"Bakit nandito ka, K? Bakit 'di mo samahan 'yung mga kagrupo mo?" Sumimangot ako saka ngumiti para ipakita sa kanya na hindi ako natutuwa. Ang mga kaibigan niya kasi, tapos nang gawin ang activity pero narito siya para kausapin ako.

Hindi pa ako pinupuntahan ni Solo kaya siguro malakas ang loob niyang lapitan ako.

"Hindi naman ako kasali, P..." Sabi ni K habang tumatawa nang may halong kaunting pagkahiya.

"Kung hindi ka kasali, hindi ka na dapat pumunta rito. Bumalik ka na sa grupo mo." Medyo marahas pero kung hindi ko naman sasabihin sa ganoong paraan, baka lalo lang siyang masaktan paglaon. Kaya mas mabuting ganoon na nga lang, kahit na alam kong masasaktan pa rin siya.

Bumalik si K sa mga kaibigan niya at nakita kong tinapik ni Jo ang balikat niya. Marahil ay pinapagaan ni Jo ang pakiramdam ng kaibigan niya pero bumuntong-hininga lamang si K. Kung binigyan ko naman kasi siya ng pag-asa, maiintindihan kong lumalapit siya sa akin. Pero ngayon kasi, malinaw naman na hindi ko siya binigyan ng tyansa. Hindi ko lang maintindihan bakit hindi pa rin siya tumitigil.

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon