= P R O L O G U E =
Malakas ang bawat paghampas ng hangin na sinabayan pa nang walang tigil na pag-ulan. Katatapos lang ng isang bagyo, heto at may panibagong bagyo na naman.
"Ate, naiinip na ako,"
Mula sa pagkakadungaw sa bintana ay lumingon ako sa nagsalita. Hindi ko mapigilang mapangiti pagkakita ko sa tabatsoy na si Trii. Nakapangalumbaba s'ya sa kahoy na lamesa at hindi maipinta ang cute na cute na mukha.
"Ako din. Nakakainip ilang araw na tayong walang pasok," pagsang-ayon ko sa sinabi ng bunso kong kapatid. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, binaha na ang maraming lugar sa aming probinsya. Bakit ba kase favorite daanan ng bagyo at tag-ulan ang nananahimik na probinsya namin?
"Anong ulam natin mamayang gabi, ate?" Tanong n'ya at tiningnan ako habang nagniningning ang kanyang mga mata. Tsk. Alas-tres pa lang ng hapon pero pagkain na naman ang iniisip n'ya.
"Tinolang kabute," sabi ko saka umalis sa harapan ng bintana. Kinuha ko ang chess board sa ilalim ng lamesitang kahoy saka iyon inilagay sa ibabaw. Tatlo lang kaming magkasama sa maliit naming bahay. Ako, si Dimitrio o Trii at si Lola Demetria.
"Wow! Masarap 'yun ate, saan mo nakuha?" namimilog ang mga matang tanong pa ng bata.
"Sa may punsong malaki bago makarating ng ilog. Ang dami-dami ko ngang nakuha. Ibinigay ko kila Aling Tinay 'yung kalahati,"
Sumimangot ang anim na taong gulang na si Trii. Masama bang magbigay ako sa kapitbahay? Ilang beses akong napailing saka kinutusan ang kapatid ko ng mahina.
"Huwag ka ngang madamot. Nakalimutan mo na ba noong nilagnat ka? Hindi ba't si Aling Tinay ang nagbigay sa atin ng gamot para gumaling ka?" panenermon ko sa kanya. Nagyuko naman s'ya ng ulo.
"Kase naman ate, peborit ko 'yun eh," naka-pout pa s'ya habang nangangatwiran. Basta pagkain talaga ang dami n'yang alam na palusot.
"Hayaan mo at marami na ulit 'yun bukas. Kapag kumidlat mamaya at kumulog, maglalabasan 'yun," nakangiti kong sabi. Hindi ko rin alam kung ano ang koneksyon ng kulog at kidlat sa mga kabute. Basta nakasanayan na sa probinsya namin na kapag kumulog at kumidlat basta kapanahunan ng kabute, magsusulputan daw ang mga iyon.
"Gisingin mo ako ng maaga ate ha, sasamahan kitang manguha,"
Natatawa akong tumango. Inayos ko ang mga chess pieces sa board.
"Chess tayo,"
Kaagad namang naupo sa harapan ko si Trii. Sa edad sa sais, magaling na s'yang maglaro ng chess. Kagaya ko, kasama rin s'ya sa top five noong first at second grading. Grade 1 pa lang si Trii habang ako naman ay Grade 8. Palagi kaming sabay pumasok. Sinusundo naman s'ya ni lola kapag oras na nang pag-uwi n'ya dahil mas matagal ang uwi ko.
Nasa kalagitnaan na kami ng paglalaro nang bigla na lang sumigaw mula sa labas ng bahay ang lola kong parang nakalunok ng microphone. Nagkatinginan kami ni Trii. Pagkatapos ay sabay din kaming tumayo at tumakbo palabas ng bahay. Naku po naman! Ano na namang ginagawa ng lola kong iyon sa labas?! Alam naman n'yang may bagyo, baka nangahoy na naman ang matanda!
"Sabi ko sa'yo 'te parang may nakita akong lumabas kanina eh,"
Napakagat labi na lamang ako. Hindi ko pinansin ang sinabi ni Trii dahil wala naman akong napansing lumabas kanina. Saka ang pagkakatanda ko, natutulog lang si lola sa papag n'ya.
Sumugod na kami sa ulanan. Bahala na. Maligo na lang ulit mamaya.
"Delaila! Dimitrio!"
Napa-face palm na lang ako. Sa lahat pa naman ng ayokong marinig ay ang buo kong pangalan. Paulit-ulit ko ng pinaalalahanan ang lola ko na 'Iya' ang itawag sa akin, napakatigas talaga ng ulo. Tsk. Saang parte kase ng kagubatan n'ya napulot ang mga pangalan namin? Hindi porke't Demetria ang pangalan n'ya, isusunod n'ya rin sa kanyang pangalan ang mga pangalan namin. Kainaman naman ang lola ko eh, mapapakamot-ulo na lang. Napakahusay. Napangiwi ako saka binilisan pa ang pagtakbo.
BINABASA MO ANG
Her Gangster Attitude
Teen FictionBecause her grandmother is in dire condition, Maria Delaila Magtanggol gave up her young pride and accepted her mother's request to be a blood donor. Now, entering the world so new with a lot of trouble and problems coming her way... will she come o...