CHAPTER 03

423 9 2
                                    

Napabuga na lang hangin si Rocky matapos makilala ang anak ni Mr. Crisostomo.
Akala niya ay mabait dahil maamo ang mukha, iyon pala ay suplada.

Mukha ba siyang masamang tao? Tsk! Kung hindi lang maganda ang pasahod ng ama nito eh hindi niya naman papasukin ang pagiging bodyguard.
Ang laki-laki na kaya ng anak nito para bantayan pa. Literal na malaki. Pati pata malalaki eh. Pffft. Nakasalamin pa ito sa mata at may brace sa ngipin.

Napangisi na lang siya sa isang sulok habang nakatayo.

Nandito siya sa classroom ni Penny ngayon. Nagsisimula na kasi itong magturo sa mga batang estudyante nito. Nagtungo siya sa pintuan at tumayo doon.

Ang daming chicks sa school na ito. Puro magagandang guro at mga dalagang estudyante. Nag-eenjoy ang mga mata niya kanina pa.

Nawala ang ngisi sa labi niya nang bigla siyang mapalingon at nakita niyang nakatingin si taba sa kaniya. Ang sama ng tingin nito. Parang kakainin siya nito.

Teka, ano bang nagawa niya?

Humakbang ito papalapit sa puwesto niya.

"Puwede ba, huwag ka ngang humarang diyan sa pintuan," masungit na sabi nito.

"Ang sungit mo naman. Eh saan ako pupwesto? Ang bilin ng Daddy mo, huwag ka daw dapat mawala sa paningin ko," sagot niya rito. Principal sa school na ito ang Daddy ni Penny. Ganoon pala kayaman ang matandang iyon. Ito rin ang may-ari ng paaralan. Kaya naman pala pinagdidiskitahan ng mga masasamang loob eh dahil talagang mayaman.

"Humanap ka ng puwede mong pwestuhan wag lang riyan sa pintuan," anito sa kaniya. Tiningnan niya ito sa mga mata. Umangat ang isang kilay nito sa kaniya.

"Ano?" mataray na tanong nito.

"Aalis na nga eh!" mabilis na sabi niya at napapasong umalis.

Lumayo siya sa pintuan at nakakita ng isang bakanteng upuan sa tabi ng mga batang estudyante nito. Naupo siya roon.

"Ma'am, kaklase rin po ba namin siya?" tanong ng batang lalaki na tinabihan niya. Kumunot naman ang noo ni Penny at pinandilatan siya ng mga mata. Ang init talaga ng dugo ng babaeng ito sa kaniya. Daig pa ang naglilihi.

"Umalis ka riyan!" taboy na naman nito sa kaniya.

"Bakit ba? Sabi mo umalis ako sa pintuan eh!" reklamo niya dito.

"Oo nga pero sino ang nagsabi sayo na puwede kang maupo riyan?"

Napakamot na lang siya sa batok niya.

"Sige na po Ma'am dito na lang siya. Baka nangangawit na po siya kasi kanina pa siya nakatayo doon sa pintuan," sabi ng bata. Napangiti siya. Hulog ng langit ang batang ito. Tumingin sa kaniya ang bata kaya nag-thumbs siya dito. Ngumiti lang ito sa kaniya.

Bumuntong-hininga si Penny at nagpatuloy na lang ito sa pagtuturo sa mga estudyante. Pinagdo-drawing nito ng bahay ang mga bata. Pinapanood niya lang ito kahit ang totoo eh ang boring pala ng trabaho na pinasok niya bilang bodyguard nito. Bakit ba kasi siya pumayag sa matanda na 'yon?
Tiningnan niya yung bata sa tabi niya at bahagya itong siniko.

"Ang boring naman ng teacher natin? Ang easy ng pinapagawa niya. Bahay? Tsk! Ang dali lang nun. Alam mo para maiba naman at maging sikat ka, i-drawing mo na lang siya," bulong niya sa batang lalaki na katabi niya.

"P-po? Bakit ko po ido-drawing si Ma'am?"

"Eh wala namang kwenta yung bahay-bahayan na pinapagawa niya eh. Magaling ka ba? Kung magaling ka sige nga i-drawing mo nga siya?" paghahamon niya sa bata.

"Opo naman magaling ako. Sige, ido-drawing ko si Ma'am," bulong ng bata sa kaniya. Napangisi siya dito. Medyo nasa likod na bahagi sila kaya hindi sila nadidinig ng matabang masungit.

Ilang minuto ang lumipas at nakita niyang natapos na ang bata sa ginuguhit nito.

"Ito si Ma'am," sabi ng bata at ipinakita sa kaniya yung drawing nito sa papel.

"Si Ma'am ba 'yan? Hindi naman siya yan eh! Mapayat 'yan. Akina ako ang magdo-drawing," sabi niya at kinuha yung lapis at papel sa bata.

Gumuhit siya ng isang matabang babae at nilagyan ito ng ngusong parang katulad ng sa isang baboy. May salamin din ito sa mata katulad ni Penny. Kulot ang buhok at may brace sa ngipin. Humalakhak ang batang katabi niya nang ipakita niya dito ang drawing niya na may nakalagay pang 'PENNY THE PIGGY'

Narinig sila ni Penny kaya naman lumapit ito sa kanila habang kunot na kunot ang mga kilay.

"Kurt, are you done?" tanong nito sa bata.

"P-po Ma'am? Hindi pa po," sagot ng batang katabi niya at pilit na itinago ang papel na dinrowingan niya kanina. Sana ay hindi iyon mapansin ni Penny.

"Then what's the commotion here? Why are you laughing? Bakit hindi ka nagsusulat?" sunod-sunod na tanong ni Penny sa bata.

Napansin ni Penny ang papel na itinatago ng bata sa likod nito kaya naman nanlaki ang mga mata niya at napaiwas ng tingin.

"Ano 'yang tinatago mo sa likod mo?" tanong ni Penny.

Tumingin sa kaniya si Penny at katulad ng dati ay masama na naman ang tingin nito sa kaniya. Nginitian niya lang ito pero bumaling ulit ito ng tingin sa batang katabi niya. Sinenyasan niya ang bata na huwag ipakita ang papel kahit anong mangyari, ang kaso ay mabilis na nahablot ni Penny ang papel at nakita nito ang nakaguhit doon.

Lumalim ang kunot sa noo nito at masama ang tingin na ipinukol sa kaniya matapos makita ang papel.

"Sino ang gumawa nito?" tanong ni Penny sa galit na tinig.

Nag-aalangan na itinuro siya ng bata.

"H-ha? Ako? B-bakit ako?" wari ay walang alam na sabi niya.

"Sabi mo i-drawing ko si Ma'am kasi boring ang pinapagawa niya," sabi ng bata.

Napangiwi siya. Langyang bata ito, bigla siyang inilaglag.

Umuusok ang ilong ni Penny nang balingan siya ng tingin at inihampas nito sa mukha niya yung papel.

"Aray! Ano ba?"

"Walang hiya ka talaga! Pati bata ay tinuturuan mo ng kawalanghiyaan mo! Umalis ka dito ngayon din!" sigaw ni Penny sa kaniya.

"T-teka lang, ang sungit mo kasi eh- ah aray!"

"Layas!"

Hindi siya tinigilan ni Penny hangga't hindi siya nakakalabas ng classroom nito.

Padabog nitong isinarado ang pintuan matapos siyang mapalabas. Napailing na lang siya habang nakatayo sa labas ng classroom niya.

Sinilip niya yung bata sa bintana at ngumisi lang ito sa kaniya.

Loko tong bata na to ah!

Wala siyang nagawa kung hindi ang maghintay sa labas ng classroom ni Penny at tumayo doon hanggang tanghali. Pinagtitinginan na nga siya ng ilang mga dumadaan. Pero alam niya naman na nagugwapuhan lang ang mga ito sa kaniya.

Iba talaga kapag gwapo.

Nakahalukipkip siya habang nakatayo.

Napapito pa siya sa hangin nang may dumaan na dalaga sa harapan niya at nakasuot ng medyo maiksing palda. Napasipat siya doon habang hinahabol ng tingin ang makinis na hita nito.

Huwaw!

Yung Penny lang yata na 'yun ang matabang nakita niya sa school na ito. Balyena na masungit pa! Pero alang-alang sa fifty thousand a month eh babalewalain niya na lang ang kasungitan nito. Hindi naman ito ang amo niya kung hindi ang ama nito.

Tama. Napatango-tango na lang siya sa sarili habang hinihintay na lumabas si Penny sa classroom nito.


I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon