CHAPTER 52

153 6 0
                                    

Alalang-alala si Penny nang dumating si Rocky habang susuray-suray. Kanina pa kasi niya ito hinihintay. Ang sabi nito ay sasaglit lang ito sa pwesto pero ilang oras na ay hindi pa ito bumabalik. Hinintay niya talaga itong makauwi dahil hindi siya mapakali buhat pa kanina.

"R-rocky? Anong nangyari sayo?" Dali niya itong dinaluhan dahil parang matutumba na ito habang pinipilit maglakad. Nang makalapit siya dito ay narealize niyang nakainom ito dahil amoy alak ito.

"Lasing ka ah? Bakit ka umuwi ng nakainom? Paano kung naaksidente ka?" Sunod-sunod ang tanong niya dito pero wala man lang itong sinagot kahit na isa sa mga sinabi niya.
Inalalayan niya ito hanggang sa loob ng bahay. Inihiga niya ito sa malaking sofa na naroon. Mapungay ang mga mata nito pero inaaninag siya. Kapagkuwan ay umiling-iling ito.

"P-patawad..." Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi nito. Bakit ito humihingi ng tawad sa kaniya? Sumobra na talaga ang kalasingan nito dahil kung ano-ano na ang sinasabi.

"Lasing ka, magpahinga ka na. Bakit ka ba kasi naglasing ha? Tsk!" Medyo naiinis siya dito dahil umuwi pa ito ng lasing. Bakit naman kaya ito hinayaan ng mga kaibigan nito na umuwi kahit nakainom? Paano kung may nangyaring masama dito? Napabuntonghininga na lamang siya habang pinagmamasdan ang lupaypay na katawan nito sa sofa. Kumuha siya ng maligamgam na tubig saka bimpo. Pinahiran niya ang katawan nito pati na ang mukha upang mahimasmasan ito.

"M-mahal... Ma—mahal na mahal kita Penny..." pabulong na sabi nito. Ngayon ay nakapikit na ang mga mata nito. Napatigil siya habang pinagmamasdan ito. Kahit naiinis siya dito ay napawi iyon dahil sa sinabi nito. Nakainom man ito ay hindi pa rin siya nito nakakalimutan.

"Hay, nako Rocky Yzmael Aragon. Pasalamat ka mahal kita eh!" wika niya dito at hinalikan ang tungki ng ilong nito. Bahagya niyang ibinukas ang suot nitong polo upang maging maluwag ang paghinga nito. Ilang minuto pa ay humihilik na ito. Hinayaan na niya itong makapagpahinga. Bukas na lang niya ito kakausapin at tatanungin kung bakit ito nagpakalango ng ganoon sa alak.

Pagkagising niya ng umaga ay nakita niyang nagmamadali ang Mommy at Daddy niya. May kailangan daw puntahan ang mga ito at importante daw iyon dahil tungkol iyon sa kaso ng Kuya niyang si Rust. May witness na daw na naglakas loob magsalita pagkatapos ng ilang taon nilang pangungulila sa hustisya. Iyon ang kailangan puntahan ng mga magulang niya upang kausapin. Gustohin man niyang sumama ay hindi pwede dahil may klase pa siya. Sigurado namang babalitaan siya agad ng mga magulang niya kung ano man ang mangyayari.

Nakagayak na siya at umalis na ang mga magulang niya. Natanaw niya si Rocky na nakatalikod habang nakatayo sa labas. May usok sa kinalalagyan nito kaya alam niyang nagyoyosi na naman ito. Napailing siya. Nagtatakang sinundan nito ng tingin ang sasakyan ng Mommy at Daddy niya na umalis.

"Love!" tawag niya dito. Mabilis naman na lumingon si Rocky sa kaniya. Kunot ang noo nito at mabilis na itinapon ang sigarilyong hawak.

"Umalis ang Mommy at Daddy mo?" anito sa kaniya.

"Ah oo, may kailangan daw silang kausapin. Hmm, madami tayong dapat pag-usapan ha. Umuwi ka ng lasing kagabi." Tinaasan niya ito ng isang kilay. Umiwas naman ito ng tingin. Tila may kakaiba sa kilos nito na hindi niya maipaliwanag. Para bang ang lungkot-lungkot ng mga mata nito.

"Ayos ka lang?" nagtatakang tanong niya dito.

"Ayos lang ako. Ahm, sorry nga pala kagabi kung umuwi ako ng lasing. Napatagay lang kami ng..." Bahagya itong natigilan saka naging mailap ang mga mata. Siya naman ay nanatiling nakakunot noo habang nakatingin dito.

"Ng mga kaibigan ko," tila hirap pa nitong dugtong sa sinasabi.

"Sana ay nagsabi ka man lang kahit sa text para hindi ako nag-aalala. Isa pa, ang dami kong missed calls sayo, wala kang sinagot kahit isa," sabi niya.

"N-nasa loob kasi ng sasakyan yung cellphone ko kaya hindi ko namalayan agad. Sorry talaga. Halika na baka ma-late ka pa." Kinuha nito ang bag niya. Nagtataka pa rin siya dito pero hindi na siya masyadong nagtanong. Lulan ng sasakyan ay tahimik lang siya, iniisip niya ang Daddy at Mommy niya, sana ay totoong makamit na nila ang hustisya. Kung sino man ang makausap ng mga ito, sana nga ay magsabi ito ng totoo dahil matagal na nilang inaasam ang hustisyang para sa kapatid niya.

"Pinunasan mo pala ako kagabi. Nakita ko yung bimpo at palanggana sa lababo. Salamat ha?" Naramdaman niyang hinawakan nito ang kamay niya kaya natigil siya sa pag-iisip. Napatingin siya sa kamay nilang dalawa na magkahawak.

"Ayoko ng mauulit pa na uuwi ka ng lasing, masyado mo akong pinag-aalala," sabi niya dito. Pinisil nito ang kamay niya.

"Hindi na mauulit, love." Ginawaran nito ng halik ang kamay niya. Napangiti siya.

"I love you..." bulong niya. Ngumiti si Rocky ngunit may kakaiba talaga sa mukha nito. Tila may malalim na iniisip.

"Love, paano kung malaman mong isa pala akong kriminal. Mahalin mo pa rin kaya ako?" bigla ay tanong nito sa kaniya. Natawa siya at hinampas ng mahina ang braso nito. Ang aga aga naman nitong nagjo-joke.

"Love naman! Hindi ka naman kriminal eh. Bakit ka nagtatanong ng ganyan?"

"Hmm, wala lang. Gusto ko lang malaman."

"Ibang tanong na lang. Ang labo ng tanong mo eh," natatawa niyang saad.

"Siguro iiwanan mo na ako no?" sabi pa nito at tumawa.

"Hmm, alam kong hindi ka ganoon. Mabuti kang tao, Rocky." Hinawakan niya ang pisngi nito. "Kaya nga mahal na mahal kita," dagdag pa niya. Talaga namang mabait ito kahit na hindi ganoon ang una niyang pagkakakilala dito. Nagbago na ang lahat ng iyon dahil sa mga pinakita ni Rocky sa kaniya.

Tipid itong ngumiti habang ang mga mata ay nakatutok sa daan.

"Salamat sa pagmamahal mo. Mahal na mahal din kita, love." Iniliko na nito ang sasakyan dahil nasa eskwelahan na sila. Kilala na ng guard ang sasakyan nila kaya agad sila nitong pinagbuksan ng gate. Bahagya pa nga itong yumuko nang businahan ito ni Rocky.

Pagkababa nila ng sasakyan ay hinatid siya ni Rocky sa classroom niya. Bitbit nito ang mga gamit niya.

Sumapit ang pagtuturo niya at si Rocky naman ay nagpaalam na tatambay lang muna sa labas upang magpahangin. Pero hindi siya mapakali kaya sinisilip-silip niya ito. Para kasing may mali talaga, nararamdaman niya sa kilos ni Rocky na tila may bumabagabag sa isipan nito. Abot nga ang pakawala nito ng usok, tila hindi na ito napahinga sa kakahithit ng sigarilyo. Malayo din ang tingin nito sa kawalan.
Hanggang mag-lunch break ay ganoon pa rin ito. Sabay silang kumain. Hinayaan na lang muna niya ito at hindi na pinilit tanungin pa kung may problema ba ito. Gusto niyang ito ang kusang magsabi sa kanya dahil nagtanong naman na siya dito kanina. Baka makulitan lang ito sa kanya kung magpilit pa siya na magtanong.

Saktong kakatapos nilang kumain nang tumawag sa cellphone ang Mommy niya.

"Hello Mommy? May balita na po ba?" tanong niya sa kabilang linya. Si Rocky ay nag-angat ng tingin sa kaniya habang umiinom ng tubig. Nakikinig lang ito sa kaniya habang kausap niya ang Mommy niya.

"Oo anak, nakausap na namin yung witness na matagal na raw nakukunsensiya. Alam na namin kung anong fraternity ang nasa likod ng pagkamatay ng kapatid mo. Pati mukha ng mga taong iyon ay kaya raw niyang ituro. Alam din niya kung saan matatagpuan ang mga ito."
Napalunok siya at nabuhayan ng loob dahil sa narinig.

"Talaga Mommy? Salamat naman sa diyos at mabibigyan na ng hustisya ang pagkamatay ni Kuya! Teka, ano hong pangalan ng fraternity na sinasabi ninyo?"

Biglang nasamid si Rocky sa iniinom pero hindi niya ito alintana dahil naghihintay siya sa sagot ng mommy niya.

"Dark Empire anak. Dark Empire ang pangalan ng fraternity na mortal daw kaaway ng kapatirang sinalihan ng kapatid mo."

Bigla siyang natigilan. Parang pamilyar sa kaniya ang pangalan ng fraternity na iyon. Kung sino man ang mga myembro nito ay kailangan nilang magbayad at managot sa nangyari sa kapatid niya. Sisiguraduhin niyang magbabayad ang mga taong nasa likod ng Dark Empire.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon