Alas diyes na ng gabi pero hindi pa rin makatulog si Penny. Hindi man lang siya dalawin ng antok. Kanina pa siya biling-baliktad sa higaan niya pero hindi talaga siya makatulog. Masyado yata niyang iniisip yung nangyari sa school kanina. Ganito ba talaga kapag in love?
Ipinilig niya ang ulo.
Asa pa siya. Sa isang katulad niya na mataba at baduy ay malabong may magkagusto sa kaniya lalo na kung katulad ni Zyron. Hindi yung tipo niya ang magugustuhan nito. Ang daming magagandang babae nga ang nagkakandarapa dito pero hindi rin naman nito pinapansin ang mga iyon, siya pa kaya na pangit at mataba?
Napabuntong-hininga siya. Ipinasya niyang bumangon upang magtimpla ng gatas. Malamig ang panahon kaya naman naka-terno siya ng pantulog na peppa pig ang design.
Nang makapagtimpla siya ng gatas sa ibaba ay lumabas siya sa malaking terasa ng kanilang bahay. Doon ay naupo muli siya habang tahimik na nakatanaw sa kalangitan. Napangiti siya pagkakita sa mga bituin. Ang dami kasi niyon at parang isinabog na naman sa langit.
Ilang minuto siyang nasa ganoong ayos habang iniinom ang gatas nang bigla na lang may lumabas sa kabilang bahay na pag-aari din nila. Natanaw niya si Rocky. Sa lamig ng gabi ay nakuha pa nitong maghubad. Bakit gising pa rin ang gunggong na ito? Talaga bang gusto rin nitong sirain pati ang gabi niya? Nasira na nga ang araw niya dito kanina.
Mabilis na sumimangot ang mukha niya at waring hindi ito napansin. Nakatingin pa rin siya sa langit.
"Hindi ka na naman makatulog?" tanong nito sa kaniya. Alam niyang siya ang kinakausap nito pero hindi niya ito pinansin. Wari ay wala siyang narinig.
"Ang sungit mo naman. Galit ka ba sakin?" tanong pa ulit nito sa kaniya.
Sino ba naman ang hindi magagalit dito eh sinisiraan nito si Zyron sa ama niya? Ang lalaking pinakamamahal niya. Tsk!
"Ang cute ng damit mo ha? Bagay sayo," bigla ay sabi nito at tila may pang-aasar ang tinig ng pananalita nito. Napatingin siya sa damit niya. Alam niyang baboy ang design nito at sinasadya nito na asarin siya.
Tatalikod na sana siya upang mag-walk out pero muli itong nagsalita.
"Kung kailangan mo ng kausap puwede mo akong kausapin. Marunong din naman akong magseryoso sa buhay," anito sa kaniya. Natigilan tuloy siya. Naging seryoso kasi ang tono ng pananalita nito. Sa buong buhay niya ay ngayon lang may taong parang nagkainteres na makausap siya. Oo nga at may mga kaibigan siyang nakakasalamuha sa school nila pero wala siyang naituturing na best friend. Iyon bang masasabihan niya ng mga bagay-bagay sa buhay niya. Wala siyang ganoon dahil pakiramdam niya lahat ng tao ay naiinis sa kaniya at pinagtatawanan lang siya. Baka nga kung hindi sila ang may-ari ng school ay baka wala talagang kakausap sa kaniya doon.
Nakita niyang tumalon si Rocky sa pasimano ng terasa ng bahay na tinutuluyan nito at saka ito nagtungo sa kinaroroonan niya.
Napatitig siya sa hubad at burdadong katawan nito. Agad siyang umiwas ng tingin.
"M-magbihis ka nga," naiilang niyang sabi.
"Ah sorry," sabi naman nito at agad na nagbihis ng damit.
"Anong ginagawa mo dito? Matutulog na ako," sabi niya.
"Alam ko naman na kaya ka nandito ay dahil hindi ka makatulog," anito sa kaniya. Tama naman ito.
"Magkwentuhan muna tayo," dagdag pa nito.
Seryoso na ang mukha nito nang tingnan niya."Ano naman ang pagkukwentuhan natin aber?" mataray na tanong niya. Naupo ito sa pasimano ng bahay na kinatatayuan niya ngayon. Nagulat siya nang bigla siya nitong hinila sa braso.
BINABASA MO ANG
I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)
RomancePenny's dream is simple; it is to live a quiet and peaceful life. Until her father hires Rocky Yzmael Aragon to be her bodyguard. When her brother was killed in a riot, her father was traumatized which is why he hired a bodyguard for her. She was ir...