CHAPTER 42

185 6 0
                                    

Maulan ang umaga nang pumasok si Penny sa eskwelahan. Inalalayan siya ni Rocky bitbit ang payong hanggang sa makarating siya sa classroom niya. Kung may nakakita man sa kanila kanina ay malamang na isiping mag-jowa sila dahil sa sobrang dikit ng katawan nila ni Rocky sa isa't isa. Halos yakapin na nga siya ng mokong sa takot nitong mabasa siya ng ulan.

"May bagyo pa yata. Pambihira!" rinig niyang sambit nito at ipinagpag ang suot na sapatos sa basahan saka pumasok sa loob ng classroom niya.

"Dito muna ako sa loob ha?" dagdag pa nito. Nakangiting tumango lang siya kay Rocky.  Naroon na ang mga estudyante niya kaya naman nagsimula na siyang magturo sa harapan habang si Rocky ay nakaupo sa likuran at nakatingin sa kaniya. Dahil naiilang siya dito ay iniwasan na lang niya itong tingnan. Masyado na siyang nadadala sa karisma nito. Nabihag na nga talaga ni Rocky ang puso niya. Hindi naman kasi ito mahirap mahalin. Pagkatapos ng mga nangyari sa kanila noon, hindi niya akalain na mahuhulog ang loob niya sa lalaking ito na sobrang kinaiinisan niya noong una. Masyado talagang mapagbiro ang tadhana.

Lumipas ang ilang oras at tumila na ang ulan. Nakita niyang tumayo si Rocky sa upuan nito. Nagpaalam ito sa kaniya na may titingnan lang sa labas. Dahil kampante na siya ngayon na hindi na ito pasaway at wala na itong gagawing kalokohan ay hinayaan lang niya ito. Baka naiinip na ito sa oras ng klase niya.

"Babalik din ako agad," sabi nito sa kaniya. Tipid naman siyang tumango dito at sinundan na lamang ito ng tingin palabas.
Hindi niya alam kung saan man ito pupunta. Itinuloy niya ang pagtuturo sa mga bata.

Nang sumapit ang recess ay pinag-break na muna niya ang mga chikiting. Siya naman ay agad na hinanap si Rocky habang inililinga-linga ang paningin sa labas ng classroom niya. Nasaan na kaya ang lokong iyon? Hindi niya ito makita. Sabay pa naman sana silang magmimiryenda.

Naglakad na lang siyang mag-isa patungo sa canteen. Nadaanan niya ang ilang mga co-teachers niya at binati siya ng mga ito.

"Ma'am Penny, grabe naman ang ibinlooming mo. Ang payat mo na!" puna sa kaniya ng isang kapwa niya guro na si Sharlyn.
Hindi niya masyadong ka-close ang mga ito kaya tipid lang siyang ngumiti.

"Salamat. Nag-diet talaga ako," sagot naman niya.

"Bagay na bagay sayo. Ang ganda mo," sabi pa ng katabi nitong guro na si Mirasol. Sa ilang taon niyang pagtuturo dito sa school nila ay ngayon lang siya nakatanggap ng puri mula itsura niya, na maganda raw siya. Hindi siya nakakatanggap ng mga ganoong compliment noon. Masaya pala sa feeling at nakaka-proud. Ngumiti siya sa mga ito at muling nagpasalamat. Tumuloy na siya sa canteen. Naisip niya agad si Rocky, ito ang taong malaki ang naitulong sa kaniya. Si Rocky ang dahilan kung bakit mas minahal niya ang sarili. Iminulat nito na hindi naman talaga siya pangit. Kailangan lang niyang mag-ayos at iyon nga ang ginawa niya, dahil sa tulong nito ay mabilis siyang nakapagbawas ng timbang.

Pagkarating niya sa canteen ay naupo siya sa bakanteng table at umorder ng pagkain. Hindi masyadong marami ang inorder niya dahil inaalagaan na niya ang sarili. Halos kalahati na lang ng mga kinakain niya noon ang mga kinakain niya ngayon. Mabilis naman na isinerve sa kaniya ang order niyang pagkain. Ang ilang mga guro ay nakatingin sa kaniya. Pinag-uusapan siya at pinagbubulungan, ngunit hindi na tulad ng dati ang paraan ng pagsulyap ng mga ito sa kaniya. Ngayon kasi ay parang mababait at maaamong tupa na ang mga kapwa niya guro na malakas manlait sa kaniya noon.

"Hi Ma'am Penny!" Kumaway pa sa kaniya ang isa na akala mo naman talaga ay close na close sila. Kung hindi pa ito ang madalas na tumawa sa kaniya noon dahil sa looks niya. Ganunpaman ay hindi siya nagbalik ng kagaspangan ng ugali dito. Hindi naman kasi siya ganoong tao. Binigyan na lang niya ito ng pekeng ngiti.

Maya-maya ay nagulat na lang siya nang biglang may tumambad na bouquet ng red roses sa gilid niya. Napangiti siya sa isiping si Rocky iyon, pero nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niyang si Zyron ang nakatayo sa gilid niya at nag-aabot ng bulaklak. Agad na  napawi ang ngiti sa labi niya at napalitan iyon ng pagtataka.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon