CHAPTER 56

160 4 0
                                    

Iyak ng iyak si Penny habang nakatanaw sa kawalan. Walang ibang laman ang puso niya kundi sakit, sama ng loob at galit. Bakit kailangan na mangyari ito? Bakit kailangang makilala niya si Rocky at mahulog ang loob niya dito tapos sa huli ay malalaman niyang kasama ito sa mga pumatay sa kapatid niya? Walang kasing sakit na malamang yung taong mahal mo pala ay isang kriminal, and worst ito pa yung may kinalaman sa pagkawala ng isa sa pinaka importanteng tao sa buhay niya.

Unti-unti na niyang narerealize lahat, noong araw na tulala ito at napapansin niyang kakaiba na ang kilos nito, tila hindi ito mapakali at malalim ang iniisip, noong nagbibiro ito kung paano kapag nalaman niyang kriminal ito, kaya pala bigla itong napatanong ng ganoon, akala niya ay nagjo-joke lang ito. Pero totoo na pala iyon. Hindi siya makapaniwala.

"Anak..."

Narinig niya ang tinig ng kaniyang ama. Nilapitan siya nito at hinawakan sa balikat. Nandito sila sa bahay nila at iniisip ang mga hakbang na gagawin upang matugis pa ang ilang mga sangkot sa pagkamatay ng Kuya niya. May hawak na folder ang ama niya at ibinigay nito iyon sa kaniya. Kinuha niya iyon at tiningnan ang laman. Mga papel kung saan naka-sketch ang mga taong pumatay sa kapatid niya. Napalunok na lamang siya at hindi na nabigla. Sila Jerson, Uno, at Leandro ang naroon, pati na rin si Rocky. Napatakip na lamang siya ng bibig. Pumatak muli ang luha sa mga mata niya. Nakasama niya pa ang mga taong ito at naging kaibigan. Hindi niya akalain na mamamatay tao pala ang mga ito. Ang laki niyang tanga. Mabuti na lang at hindi siya napahamak noong kasama niya ang mga ito. Siguro ay matagal na ring alam ng mga ito ang lahat ngunit hindi sinasabi sa kaniya. Siyempre, sinong kriminal nga ba naman ang aamin sa kasalanang ginawa?

"Mga hayop sila..." galit ngunit nanghihina na niyang litanya. Sa totoo lang ay wala na siyang lakas. Halos wala rin siyang tulog kagabi dahil hindi siya makatulog sa kakaisip ng mga nangyari. Naramdaman niyang hinagod ng ama niya ang likod niya.

"Hija, don't worry tinutugis na sila ng mga otoridad, hindi sila habambuhay makakapagtago," sabi ng ama niya. Naalala niya si Rocky. Nakakulong ito ngayon dahil ito pa lang ang tanging nahuli sa ngayon. Palaging sumasagi sa isipan niya ang mga pinagsamahan nila ni Rocky kaya mas lalo lang siyang nasasaktan. Paano nito nagawang magpanggap na mabuting tao sa kaniya? Ang hirap tuloy tanggapin ng lahat.

Mamaya ay pupunta siya sa kulungan upang kausapin ito. Gusto niyang sabihin lahat ng hinanakit niya at gusto rin niyang aminin nito kung nasaan ang iba pa nitong mga kasama. Nasisiguro niyang may alam ito kung saan nagtatago sila Jerson.

"Sana nga Dad mabigyan na natin ng hustisya si Kuya," malungkot niyang saad.

"Malapit na hija, malapit na malapit na."

Naramdaman niyang niyakap siya ng Daddy niya at hinalikan nito ang ulo niya.

Ang Mommy niya ay lumapit din sa kanila at nagyakapan silang tatlo. Tiningnan nila ang larawan ng Kuya niya.

"Anak kaunti na lang mabibigay na namin ang hustisyang para sayo..." wika ng Mommy niya. May luha rin na umaagos sa mga mata nito. Mas lalo lang siyang naiyak dahil doon.

———

Nakayuko si Rocky habang nasa loob ng selda. Kanina pa niya iniisip sila Jerson, nalaman niyang tumakas ang mga ito. Tinakasan nito ang kasalanan at siya ang hinayaang magdusa sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Halos bata pa lang sila ay magkaibigan na sila ni Jerson, hindi niya akalain na magagawa nito sa kaniya na pagdusahin siyang mag isa habang inililigtas nito ang sarili. Nagkamali nga siguro siya ng pagkakakilala dito kahit matagal na silang magkasama. Ngunit hindi lamang si Jerson ang iniisip niya, mas iniisip niya si Penny, kamusta na kaya ito? Ano kaya ang ginagawa nito ngayon? Iniisip kaya siya nito? Malamang ang sagot ay oo, iniisip siya nito dahil galit na galit ito sa kaniya.

"Mr. Aragon, may dalaw ka."

Saka lang siya napaangat ng mukha nang marinig niya ang tinig ng pulis at ang pagtunog ng pintuang bakal sa kulungan. Napatingin siya sa babaeng naroon at malungkot ang mga matang nakatingin sa kaniya.

"Penny..."

Mabilis siyang napatayo sa pagkakaupo. Pinayagan siyang lumabas ng pulis upang makausap si Penny.

Naupo silang dalawa sa harap ng isang lamesa at kinausap siya nito. Ramdam niya ang bigat ng tensyon sa pagitan nilang dalawa. Tinangka niyang hawakan ang kamay nitong nakapatong sa lamesa pero mabilis nitong inilayo iyon sa kaniya.

"Nasaan ang mga kasama mo? Bakit sila tumakas? Bakit hindi nila pagbayaran ang mga kasalanang ginawa nila?" Mahina lamang ang tinig nito ngunit naroon ang bigat.

Wala siyang alam kung nasaan sila Jerson. Maging siya ay tinakasan ng mga ito. Biktima lang din siya.

"Hindi ko alam kung nasaan sila. Penny, alam kong mahirap paniwalaan pero please makinig ka sana sa akin—"

"Anong sasabihin mo? Na wala kang kinalaman sa mga nangyari? Kasama ka sa mga itinuturo ng witness Rocky! Ano iyon gawa gawa lang niya ang lahat? Alam na alam niya kung sino sino kayo at kayo nila Jerson ang malalapit na magkakaibigan! Mga mukha ninyo ang nasa sketch niya!"

"Penny please pakinggan mo muna ako..." pagsusumamo niya.

"Sige magpaliwanag ka! Alam ko namang puro kasinungalingan lang ang sasabihin mo upang mailigtas ang sarili mo! Member ka ng Dark Empire hindi ba? Bakit hindi mo sinabi sa akin iyon? Ayaw mo talagang aminin ang kasalanan niyo!"

"Oo member ako ng Dark Empire inaamin ko iyon, pero maniwala ka sakin. Hindi ako ang pumatay sa kapatid mo—"

"Please Rocky, wag mo na dagdagan pa ang pagkamuhi ko sayo! Tama na ang pagsisinungaling!"

"Hindi ako nagsisinungaling Penny, wala ako nung naganap ang riot. Hindi ako kasama! Hindi ko magagawang pumatay ng tao. Oo siguro nga masama ang pagkakakilala mo sakin dahil gago ako, mukhang adik ang pormahan ko, basagulero ako, pero hindi ako ang pumatay sa kapatid mo!" Halos pumiyok siya nang sabihin ang mga katagang iyon. Ilang segundong katahimikan bago muling nagsalita si Penny.

"Sige nga sabihin mo sakin sino ang pumatay kay Kuya, sino?!"

"Si Jerson... Si Jerson ang nakapatay sa kapatid mo."

Napasabunot sa sariling buhok si Penny.

"At matagal mo ng alam pero hindi mo man lang sinabi sa amin? Rocky, tinanggap ka namin! Minahal kita! Tinuring kang pamilya ng pamilya ko! Alam mong matagal na naming gusto na mabigyan ng hustisya si Kuya pero bakit hindi mo sinabi sa amin ang lahat? Dahil ba kaibigan mo siya?!"

"Dahil mahal na mahal kita Penny! Kailan ko lang din nalaman ang lahat at sobrang mahal na mahal na kita, natakot akong sabihin sayo dahil alam ko na kahit hindi ako ang pumatay sa kapatid mo, kamumuhian mo pa rin ako dahil miyembro ako ng Dark Empire at kaibigan ko sila.  Penny, patawarin mo ako, natakot ako dahil mahal kita at hindi ko kayang mawala ka sakin..."

Napatayo si Penny sa pagkakaupo.
Umaagos ang luha sa mga mata nito. Pagalit nitong pinahid iyon.

"Selfish ka Rocky! Selfish ka! Sarili mo lang ang iniisip mo, hindi mo ako mahal! At tama ka, talagang hindi kita matatanggap dahil kinamumuhian kita! Pumunta lang ako dito para sabihin sayo na pinagsisisihan ko lahat ng namagitan sa atin!"

Matapos nitong sabihin ang mga katagang iyon ay iniwanan na siya nitong mag isa. Napayuko na lamang siya at napasabunot sa sarili niyang buhok. May luhang pumatak sa mga mata niya. Dumating na ang pinaka kinakatakot niya sa lahat. Hindi siya kayang tanggapin ni Penny at kinamumuhian na siya nito.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon