CHAPTER 25

179 4 0
                                    

"Ang cool ng mga magulang mo no?" nakangiting sabi ni Rocky sa gilid niya. Nandito sila sa labas ng bahay at nagpapahangin dahil kakatapos lang nilang kumain. Hindi pa umuuwi si Rocky sa kabilang bahay.

"Bakit mo naman nasabi?" tanong niya sa binata. Hindi niya kasi alam kung ano ang ibig nitong sabihin sa cool na iyon at kung paano nito nasabing cool ang mga magulang niya.

"Wala lang, naaastigan lang ako sa kanila ng Daddy mo. Halatang mahal nila ang isa't isa eh, at mahal ka rin nila. Suportado nila ang pag gi-gym mo tapos suportado rin nila kahit na mapalakas ang kain mo," natawa ito sa huling sinabi. Bahagya naman siyang napanguso dahil doon.

"Nang-aasar ka ba Rocky?" inis niyang tanong dito. Umangat ang dalawang kilay nito.

"Ha? Hindi ah! Bakit naman kita aasarin?" balik na tanong nito sa kaniya.

"Eh kasi parang iniinsulto mo ako dahil hindi ko napigilan ang pagkain ko kanina," saad niya. Napailing naman si Rocky.

"Hay Penny! Ikaw lang naman ang nag-iisip ng ganiyan. Sa totoo lang ay ano naman sa akin kung malakas ka pa rin kumain o kung hindi mabawasan ang timbang mo? Wala namang kaso yun eh. Kaya lang kita sinasamahan na mag-gym ay dahil alam kong sa paraan na iyon ay baka sakaling bumalik ang confidence mo," ani Rocky sa kaniya. Ganito ba nito kagusto na mangyari iyon?

"Bakit mo gusto yon?" tanong niya.

"Kasi ayaw ko ng nahihiya ka sa sarili mo kahit wala ka namang dapat ikahiya,"

"Mayroon,"

"Ano?"

"Yung timbang ko,"

"Exactly! Ayan ang ayaw ko sayo. Ikinahihiya mo ang sarili mo dahil lang sa mataba ka."

Natahimik siya sa sinabi ni Rocky. Tiningnan niya ito. Sakto naman na nakatingin din ito sa mukha niya. Kapagkuwan ay tumabi ito sa gilid niya at pareho silang nakaupo lang ngayon.

"Bakit ikaw? Bakit ang bait mo sakin? May nagustuhan ka ba sakin ha? Yung totoo?" sunod-sunod na tanong niya rito.

"Oo naman," mabilis at walang pag-aalinlangan na sagot nito.

"Ano?" tanong niya. Hindi niya inaalis ang tingin sa mukha ni Rocky.

Ngumiti ang mga mata nito habang nakatingin din sa kaniya.

"Anong nagustuhan ko sayo? Lahat ng ayaw mo sa sarili mo," sagot nito. Biglang bumilis ang pintig ng puso niya dahil sa narinig na sinabi nito. Parang nakaramdam siya ng kilig. Totoo ba ang sinasabi nito? Baka naman pinaasa lang siya nito. Ayaw niyang dumating sa puntong mahulog siya sa binata at pagkatapos ay laro lamang pala ang lahat. Sobrang hirap paniwalaan ng sinasabi nito sa kaniya. Alam niyang may kakaibang hatid sa kaniya si Rocky na hindi niya maintindihan. Naguguluhan tuloy siya sa damdamin niya. Malinaw sa kaniya na si Zyron ang gusto niya pero bakit palaging bumibilis ang pintig ng puso niya pagdating kay Rocky? Saka pakiramdam niya ay palagi siyang safe kapag kasama niya ito. Ikinurap niya ang mga mata matapos bumalik sa sariling ulirat. She's spacing out. Nawawala siya sa sarili dahil lang sa sinabi ni Rocky.

"Narinig mo yung sinabi ko? Lahat ng ayaw mo sa sarili mo ay gusto ko,"   ulit ni Rocky. Hindi niya akalain na uulitin nito ang sinabi kanina. Mas lalo tuloy nagwala ang puso niya.

"Pero gustuhin ko man ang lahat ng iyon ay alam kong imposible ko itong makamtan, dahil langit ka Penny, at lupa lang ako."

Napansin niya na tila may kirot sa tinig nito ngunit ngumiti ito sa kaniya.

"Ano ba yang sinasabi ko. Wag mo na lang pansinin ang lahat ng iyon. Kamusta nga pala ang pakiramdam mo? Masasakit ba ang muscles mo?" pag-iiba nito ng usapan. Tumango na lang siya dito kahit na ang isipan niya ay laman pa rin ang mga sinabi nito kanina. Bakit parang nasasaktan din siya?

"M-medyo masakit pero okay lang naman," tipid niyang sagot dito.
Tumango naman ito sa kaniya saka ibinaling ang tingin sa malawak na kalangitan.

"Mabuti naman kung ganoon," sagot nito. Tumingin din siya sa langit. Ang daming bituin ngayon. Nanatili sila sa ganoong posisyon na magkatabi lang habang pinagmamasdan ang mga bituin.

———

Tahimik lang si Rocky habang nakatingala sa langit. Maraming bituin doon at parang sinabog ang mga ito sa kalangitan. Kung ano-ano ang nasabi niya kanina. Nadulas na siya kay Penny na gusto niya ito.

Gusto naman talaga niya ito. Habang tumatagal na nakakasama niya ito ay mas lalo siyang nahuhulog dito, pero alam naman niyang malabo ang lahat dahil malaki ang agwat ng estado ng buhay nilang dalawa. Noong una ay aminado siyang hindi maganda ang pagkakakilala nila ni Penny, naiinis nga siya dito noon dahil sa kasupladahan nito, pero sinong mag-aakala na ito na ang dahilan ngayon ng mga ngiti niya? Namalayan na lang niya ang sarili na ngumingiting mag-isa habang pinapanood ito na nagtuturo araw-araw sa klase nito. Hindi rin siya gago para i-deny pa na selos ang nararamdaman niya kay Zyron kaya siya palaging naiinis dito. Selos na selos siya dahil alam niyang ito ang gusto ni Penny. Hindi lang basta gusto kundi gustong-gusto. Walang-wala siya dito dahil alam niya na parehas ng estado ng buhay ang dalawa. Parehas pang guro ang mga ito, hindi katulad niya na ilang taon bago naka-graduate sa highschool tapos pasang-awa pa. Hindi sila bagay ni Penny. Alam naman niya iyon sa sarili niya kaya masaya na siya basta mabantayan niya lang ito araw-araw at masiguro ang kaligtasan nito. Sapat na iyon sa kaniya dahil mahalaga sa kaniya si Penny.

Siguro kahit anong kayod ang gawin niya sa buhay ay hindi pa rin siya papantay sa kung ano si Penny.

Totoo na gusto niya ito kahit na hindi nito gusto ang sarili nito. Gusto niya lahat ng ayaw ni Penny sa sarili  ito. Hindi niya nakikita si Penny bilang isang matabang babae na hindi marunong mag-ayos. Nakikita niya ito bilang isang magaling na guro at mapagmahal na anak. Iyon ang nagustuhan niya kay Penny. Kahit anong pagsusungit pa ang ipakita nito sa kaniya ay nararamdaman niyang mabuti ang puso nito.

"Ang ganda ng langit no? Ang daming bituin. Kaso lang nakakapagod tumingala," ani Penny sa gilid niya. Nakatanaw lang din ito sa langit. Ngumiti naman siya dahil sa sinabi nito.

"Oo nga. Buti na lang nandiyan ka, isang tingin ko lang langit na," sagot niya.

Tumingin sa kaniya si Penny. Kitang-kita niya ang mga mata nitong nagtatanong sa kaniya. Ang cute talaga nito. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pamumula ng pisngi nito. Nagba-blush na naman ito. Gusto niyang nakikita palagi na nangangamatis ang mukha nito.

"B-binobola mo na naman ako. Magaling ka nga talagang maglaro ng basketball, pero hindi uubra yan sa akin," sabi nito sa kaniya.

Ngumisi siya.

"Sino ba kasi ang nagsasabing binobola kita? Pero ang cute mo talaga kapag nangangamatis ang mukha mo," sabi niya at bahagyang tinusok ang pisngi nito. Napahawak naman ito sa sariling pisngi.

"Rocky!" saway nito sa kaniya. Mas lalo itong namula. Mahina siyang napahalakhak dahil doon.

"Kanina pink lang yung mukha mo, ngayon maroon na," biro niya. Nanlaki ang mga mata nito at tinampal siya sa braso.

"Niloloko mo na naman ako. Matulog na nga tayo, maaga pa tayo bukas sa school," sabi nito sa kaniya. Oo nga pala at may pasok pa ito bukas.

"Oo nga, sige matulog na tayo," sagot niya at sabay na silang tumayo sa kinauupuan nila.

"Goodnight Penny," aniya dito bago siya naglakad patungo sa kabilang bahay.

"Goodnight Rocky," sagot naman nito sa kaniya at pumasok na sa loob ng bahay saka isinarado iyon. Napangiti siya nang pumasok na rin siya sa loob ng bahay na tinutuluyan niya.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon