CHAPTER 59

259 6 1
                                    

"Jerson Lee, inaaresto ka namin sa salang pagpatay kay Rust Crisostomo. Ikaw ay may karapatang manahimik o magsawalang kibo. Ano man ang iyong sasabihin ay maaaring gamiting pabor o laban sa iyo sa anumang hukuman. Ikaw ay mayroong karapatang  kumuha ng tagapagtanggol na iyong pinili, at kung wala kang kakayahan ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan."

Bago pa man makatakas si Jerson ay nahuli na ito ng mga pulis at agad na nilagyan ng posas sa kamay. Wala na itong nagawa kundi ang sumama sa mga ito. Wala rin itong ideya na ngayong araw ay matatapos na ang lahat ng pagtatago nito sa mga awtoridad. Nabigla ito sa nangyari.

"Pinahirapan mo pa kami ha," rinig niyang sabi ng pulis.

"Malayo-layo rin itong naisip mong hide-out, kaya lang malas mo. Kahit anong tago mo, kung nilaglag ka naman ng mga kasama mo, wala rin." Nagtawanan ang mga pulis ngunit hindi nagsalita si Jerson. Malinaw na rito ang lahat. Noong sumapit ang dalawang gabi na hindi pa rin bumabalik sina Uno at Leandro ay kinutuban na ito na baka sumuko ang mga ito sa pulis. Nararamdaman naman niya noong una pa lang na parang labag sa loob ng mga ito ang tumakas, hindi lang niya akalain na ilalaglag siya ng mga ito.

Matagal din ang naging biyahe bago siya nadala sa kulungan. Tumambad sa kaniya ang dalawa niyang kaibigan, nasa kabilang selda ang mga ito.

"Mga traydor!" wika niya at masama ang tingin na ipinukol sa dalawa.

"Kung may walanghiya man dito Jerson, ikaw yon! Kung tutuusin wala naman talaga kaming kasalanan dahil sa kamay mo lang namatay si Rust, pero nandito kami at nagdudusa! Ang totoo ay makasarili ka, mayabang ka! Hindi ka dapat naging leader ng Dark Empire kundi si Rocky, siya lang ay may mabuting hangarin para sa lahat!" galit na sagot ni Uno. Naikuyom ni Jerson ang kamao dala ng matinding galit. Gusto niyang suntukin ang mga ito pero wala siyang magawa.

"Sama-sama tayong mabubulok sa kulungan!" nang uuyam na wika niya.

"Ayos lang samin dahil kusa naman kaming sumuko. Ang importante lang naman samin ay makalaya si Rocky dahil wala siyang kasalanan," sabi ni Leandro.
Nagulat siya sa sinabi ng mga ito. Hindi niya alam na nakulong si Rocky, pero kung nakulong din ito bakit wala ito sa kulungan?

"Kung nagtataka ka man tama ang nasa isip mo, nakulong si Rocky pero inatras na din ang kaso sa kaniya kanina lang kaya hindi mo na siya makikita dito. Hindi na kayo nag-abot dalawa," sabi ni Uno. Napalunok siya at tila natauhan. Hindi niya akalaing nagdusa ito sa selda ng ilang araw.

"Alam mo Jerson, napakalaki ng kasalanan natin kay Rocky. Sana dumating ang pagkakataon na mapatawad niya kami. Ikaw, kung may natitira ka pang dignidad sa katawan mo, aminin mo na ang mga kasalanan mo at pagbayaran mo. Walang masama na magpakumbaba kung mahalaga sayo ang pinagsamahan ng bawat isa sa atin. Ang daming nasira sa buhay ni Rocky, unang-una ay ang relasyon  nila ni Penny, pangalawa ay yung tiwala ng pamilya nito sa kaniya, at pangatlo ay yung sakit na dulot ng katotohanang mga tinuring niya pang kaibigan ang nagpahamak sa kaniya. Hindi kami magmamalinis dahil may kasalanan din kami, pero alam mo sa sarili mo na ikaw ang mas malaki ang kasalanan."

Hindi siya nakapagsalita sa mga sinabi ni Uno. Aaminin niyang tumagos iyon sa puso niya. Walang ibang ginawa si Rocky kundi kabutihan lamang para sa kanilang lahat. Masyado siyang kinain ng galit niya, ng ego niya, siguro nga ay tama ang mga ito mayabang talaga siya kaya lagi silang laman ng gulo noon. Wala siyang kwentang tao. Para siyang sinampal ng katotohanan dahil sa sinabi ni Uno. Kung ano man ang kinahinatnan niya ngayon ay kasalanan din niya, siya ang gumawa ng kapalaran niya at nandamay pa siya ng ibang tao.

Napasuntok siya sa pader. Tila namanhid ang kamao niya at hindi niya namalayang may dugo na iyon. Kumawala ang luha sa mga mata niya, kahit di niya aminin ay ramdam niyang nagsisisi ang kalooban niya.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon