"Ang sarap talaga ng monay kapag sinasawsaw sa kape," nakangising sabi ni Rocky habang kasama niya si Penny na nagkakape sa biranda ng bahay na tinutuluyan niya. Kakauwi lang nila galing sa panaderya. Pinawisan nga sila ni Penny sa paglalakad pero mainam na rin iyon dahil na exercise sila.
"Oo ang sarap nga, pero hiningal ako sa paglalakad natin," sagot nito sa kanya.
"Ayos lang iyon para at least na-exercise ka," wika niya sabay tawa. Inirapan lang siya ni Penny ngunit kapagkuwan ay itinuloy naman ang pagkain ng tinapay at kape. Bigla siyang natigilan nang may maalala siya. Hindi pa rin kasi naaalis sa isipan niya yung nalaman niya tungkol sa kapatid nitong namatay.
"Ahm, Penny..."
"Hmm?"
"Di ba sabi mo ilan taon na rin buhat nang mamatay ang kapatid mo? Sa tingin mo, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nabibigyan ng hustisya?" tanong niya. Napatitig sa kaniya si Penny dahil doon.
Nalungkot ang mga mata nito."Wala kasi kaming malinaw na ebidensya sa kung sino man ang nakapatay kay Kuya," saad nito.
"Wala kayong alam na kahit na ano tungkol sa fraternity ng taong nakapatay sa kaniya? Yung name ng fraternity, hindi niyo rin ba alam?" tanong pa ulit niya. Masyado talaga siyang nadadala ng kuryosidad. May kung ano sa kalooban niya na gustong malaman ang lahat. Ang weird pero iyon talaga ang naghahari sa kanya ngayon.
Umiling si Penny sa tanong niya."Yung fraternity lang ni Kuya ang alam ko..."
Siya naman ang napatitig kay Penny dahil sa sinabi nito.
"Member ng frat ang Kuya mo?" gulat niyang tanong. Hindi niya kasi inaasahan iyon.
"Oo, actually hindi namin alam iyon. Hindi niya sinabi samin dahil alam niyang tututol si Daddy at Mommy, ang kaso wala na daw siyang magagawa dahil papatayin siya ng mga kasama niya kapag tumiwalag siya."
Napalunok siya. Alam niya ang ganoong klase ng patakaran pagdating sa fraternity. Although may iba pa rin naman na hindi ganoon ang kundisyon kapag sumali.
"A-ano yung pangalan ng fraternity ng Kuya mo?" kinakabahang tanong niya.
"Black Dragon..."
Muli ay napalunok siya nang marinig ang mabilis na sagot ni Penny. Hindi maiwasang kumunot ng noo niya. Tila may mga dagang mabilis na naghabulan sa dibdib niya dahil sa nalaman.
Sa dami ng mga fraternity sa mundo, ang Black Dragon ang pinakamatinding kaalitan ng Dark Empire kung saan siya miyembro. Hindi siya makapaniwala na miyembro ng Black Dragon ang kapatid nitong namatay.Posible kayang miyembro ng fraternity nila ang nakapatay sa Kuya nito?
Nabalot siya ng kaba sa isiping iyon.
"Matagal na raw may kaalitan si Kuya Rust sa tuwing mapaparaan siya sa isang eskinita sa Tondo. Gwapo kasi ang Kuya ko, habulin din siya ng mga babae. Nakainitan daw siya ng isang myembro ng kalaban nilang fraternity dahil nalaman nga na member siya ng Black Dragon. Hanggang sa isang araw, sinugod mismo ang Kuya ko at ang iba pang member ng Black Dragon sa mismong eskwelahan kung saan siya pumapasok. Alam mo bang pati mga guwardiya doon ay walang nagawa noon? Sobrang dami raw ang sumugod, may mga bitbit na kung ano-anong pambangag at yung iba raw ay may nga bakal pa sa kamay, nakasuot din daw ng mga itim na bonet ang mga ito kaya hindi makilala ang mukha, tanging mata at bibig lang ang nakikita, at matapos mabugbog ang kapatid ko ay agad din na nagpulasan ang mga taong iyon. Naisugod pa sa ospital ang kapatid ko pero agad din siyang namatay dahil sa tindi ng pinsala sa katawan niya." Pumatak ang luha ni Penny habang kinukwento iyon sa kaniya. Hindi niya maiwasang maawa dito. Alam niyang sariwang-sariwa pa rin dito ang pagkawala ng kapatid nito.
"Kaya noong araw siguro na may nagtangka sa buhay ni Dad, nabuhay muli ang kaba sa kaniya kaya nagdesisyon siyang kuhanan ako ng bodyguard dahil sa takot niyang mawalan na naman ng isa pang anak..."
Naiintindihan na niya ang lahat ngayon kung bakit ganoon na lang ang pag-aalala ni Mr. Crisostomo para kay Penny. Nawalan na kasi ito ng anak. Nag-iisa na lang si Penny kaya over-protective ito.
Isang bagay ang naging mabigat sa isipan niya ngayon. Ayaw niyang isipin na baka Dark Empire ang nakapatay sa kapatid ni Penny. Kapag nangyari iyon, siguradong kamumuhian siya ni Penny kapag nalaman nito na myembro siya ng fraternity na iyon. Pero wala naman siyang natatandaan na may sinugod silang isang lalaki sa eskwelahan para lang patayin at bugbugin kaya pinanatag niya ang kalooban niya. Hindi rin alam ni Penny na miyembro siya ng isang fraternity, baka magbago ang tingin nito sa kaniya kapag nalaman nito, imbes na nagiging maayos na ang samahan nilang dalawa ay baka bumalik na naman sa masama ang tingin nito sa kanya.
"Pasensiya ka na, ang emosyonal ko na naman. Na-miss ko lang ang Kuya ko," sabi nito habang pinupunasan ang pisngi. Hinawakan niya ang kamay nito at pinisil iyon.
"Okay lang Penny, naiintindihan kita. Mabibigyan niyo rin ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid mo," sabi niya dito.
"Sana nga Rocky, sana nga..."
Nagulat siya nang bigla na lang itong yumakap sa kaniya. Ramdam niya ang paghikbi nito. Kusang umangat ang braso niya upang hagurin ang likod nito.
Hindi niya maiwasang mapaisip. Kailangan niyang malaman kung anong fraternity ang nakapatay sa kapatid ni Penny. Gusto niya itong tulungan dahil ramdam na ramdam niyang gusto talaga nitong mabigyan ng hustisya ang kapatid. Isa pa ay mabuti ang pamilya nila sa kaniya. Pero paano ba siya makakatulong dito kung wala rin siyang sapat na kaalaman sa mga sinabi ni Penny.
At paano kung Dark Empire ang nasa likod ng pagpaslang?
Ipinilig niya ang ulo at umiling.
Imposible iyon, eh di sana ay alam niya ang pangyayaring iyon. Wala talaga siyang alam na may ni-riot silang myembro ng Black Dragon sa isang eskwelahan. Kadalasan ay sa mga eskinita at sa kalye lang sila nakikipagbasagan ng ulo at ginagawa lang nila iyon sa mga taong dapat talagang turuan ng leksyon. Wala pa siyang napapatay sa tanang buhay niya. Kahit ganito siya ay hindi naman niya kayang pumatay."Salamat Rocky ha? Ikaw na naman yung nandiyan sa tuwing madrama ako," sabi nito.
"Okay lang kahit punuin mo pa ng sipon yang damit ko basta maging magaan lang ang pakiramdam mo," biro niya. Naramdaman niya ang mahinang pagtampal nito dahil sa sinabi niya. Napangiti tuloy siya.
"Nandidiri ka yata eh!" anito at inilayo na ang katawan.
"Hindi no? Sabi ko nga okay lang di ba? Wag ka ng mahiya. Maganda ka pa rin naman kahit na labas na ang sipon mo kakaiyak." Napatawa muli siya sa huling sinabi. Gusto lang niyang mapangiti ito dahil sa totoo lang ay nasasaktan siya kapag nakikita niyang nasasaktan ito.
"Panira ka talaga ng moment!"
"Ayoko lang na nakikitang malungkot ka at nasasaktan. Gusto ko kasi palagi ka lang masaya. Mas lalo kang gumaganda kapag nakangiti ka."
Tumayo si Penny sa kinauupuan nito dahil naubos na pala ang kape nito. Tila may bigla din itong naalala.
"Oo nga pala kailangan kong mag-grocery para sa mga babaunin natin bukas sa Pangasinan."
"Sama ko?"
Tumingin ito sa kaniya.
"May choice ba ako?"
"Syempre wala kaya halika na!"
Muli niyang hinila ang kamay nito.
"Ubusin mo muna yang kape mo," sabi nito sa kaniya nang makitang hindi pa ubos ang kape niya. Kaya naman nilagok niya nang mabilis ang natitira pang laman dahil hindi naman na mainit iyon. Napangisi lang si Penny dahil sa ginawa niya at pagkatapos ay sinamahan na nga niya ito sa grocery store.
BINABASA MO ANG
I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)
RomancePenny's dream is simple; it is to live a quiet and peaceful life. Until her father hires Rocky Yzmael Aragon to be her bodyguard. When her brother was killed in a riot, her father was traumatized which is why he hired a bodyguard for her. She was ir...