Natatawa si Penny habang pinagmamasdan si Rocky. Palabas ito ng bahay nila habang buhat-buhat nito ang ilang mga gamit nila na dadalhin sa Pangasinan. Paano ba naman siyang hindi matatawa, pangmalakasan ang pormahan ni Rocky habang nakasuot ng polo shirt na kulay black at white na khaki shorts. Nakasuot din ito ng cap at ng shades habang maangas na maangas ang bawat kilos at lakad nito. Natural na siguro talaga kay Rocky ang ganitong klase ng paggalaw. Ngayon lang niya nakita na ganito ang suot ni Rocky. Kumaway ito sa kaniya nang mailagay nito ang mga gamit sa sasakyan. Dahan-dahan nitong ibinaba ang shades na suot kaya tuluyan na siyang napangisi. Mukhang gwapong gwapo rin ang mokong na ito sa sarili dahil kumindat pa sa kaniya.
"Ang gwapo mo ngayon," natatawang saad niya.
"Ngayon lang?" parang dismayado na sabi nito.
"May mga damit ka naman palang ganyan bakit hindi mo sinusuot?" tanong pa niya.
"Ano ka ba, ibinigay lang ito ng Daddy mo sakin. Hindi nga ako sanay eh!" Napakamot ito sa batok.
"Talaga ibinigay ni Daddy yan sayo? Saka bakit naman hindi ka sanay? Ang gwapo mo nga eh, mukha kang matino ngayon. Bagay sayo!" Napangisi si Rocky dahil sa sinabi niya.
"Eh di gwapong-gwapo ka sakin niyan?" Muli itong kumindat sa kaniya kaya napailing na lang siya dito.
"Alam mo, ang hambog mo talaga eh no? Nasaan na ba sila Mommy?" Kanina pa niya hinihintay ang Mommy at Daddy niya, medyo matagal yata gumayak ang mga ito ngayon.
"Nariyan na sila. May kausap lang ang Daddy mo sa phone kanina," sagot ni Rocky sa kaniya. Napatango siya dito. Ilang sandali pa ay lumabas na nga ang Mommy at Daddy niya.
"Tayo na," nakangiting sabi ng Daddy niya kaya naman binukas ni Rocky ang pintuan ng sasakyan para sa mga ito. Siyempre pati siya ay pinagbuksan din nito. Ito ang magda-drive at sa tabi siya nito nakaupo.
Halos dalawang oras lang naman ang biyahe sa pupuntahan nila. Hindi siya naiinip sa biyahe dahil likas na madaldal si Rocky. Kinakausap rin nito ang Mommy at Daddy niya. Inungkat nga ng Mommy niya ang tungkol sa PROM, dahil hindi alam ng mga ito na umuwi siya agad ng gabi at wala naman nagsayaw sa kaniya. Tulog na kasi ang Mommy niya nang oras na makauwi siya. Nagsinungaling na lang siya na nag-enjoy siya nang gabing iyon dahil ayaw naman niyang mag-alala ang Mommy niya sa kaniya. Siguradong malulungkot lang ito kapag nalaman na napahiya siya doon, todo pa naman ang pag-aayos nito sa kaniya noong gabi. Mabuti na lang at mukhang nakaramdam si Rocky. Iniba na rin nito agad ang usapan.
"Kailan po kayo huling dumalaw sa resort niyo, Ma'am and Sir?" tanong nito sa mga magulang niya.
"Actually ay 6 months ago na. Binisita ko lang. Ako lang mag-isa at hindi kasama ang mag-ina ko," sagot ng Daddy niya.
"May tauhan ho ba kayo na siyang nagbabantay at namamahala roon?"
"Oo mayroon Rocky. Hindi kasi pwede na walang katiwala dahil kailangan na nalilinisan ang bahay doon."
Napatango-tango si Rocky sa Daddy niya. Napansin niya na pasulyap-sulyap si Rocky sa gawi niya."Ikaw Penny, kailan ka pa huling nagpunta doon?" baling nito sa kaniya.
"Ah halos taon na rin ang lumipas buhat noong huling mapunta ako doon," sagot naman niya.
Hindi na nila namalayan ang oras ng byahe dahil sa nalilibang sila sa kwentuhan sa loob ng sasakyan. Nakarating sila agad sa resort at sinalubong sila agad ni Tatay Diego.
———
Umihip agad ang malakas at sariwang hangin pagkababa ni Rocky sa loob ng sasakyan. Payapa niyang nilanghap at dinama ang simoy niyon.
Grabe, nakaka-relax naman sa lugar na ito. Ang laki pala ng lupaing pagmamay-ari nila Penny. May malaking bahay sa di kalayuan ng dagat pero kung papansinin ay para itong ancestral house. May tatlong malalaking cottage din na may mga puno ng niyog sa paligid.
BINABASA MO ANG
I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)
RomancePenny's dream is simple; it is to live a quiet and peaceful life. Until her father hires Rocky Yzmael Aragon to be her bodyguard. When her brother was killed in a riot, her father was traumatized which is why he hired a bodyguard for her. She was ir...