CHAPTER 24

152 2 0
                                    

Tagaktak ang pawis ni Penny nang lumabas sila ng gym ni Rocky. Nakakapagod ang ginawa nila ngayon pero worth it naman dahil marami siyang pawis na nailabas sa katawan. Hinihingal siyang napasandal sa kotse nila.

"Ano okay ka lang? Kaya mo pa?" tanong ni Rocky sa kaniya habang nagpupunas ito ng pawis sa mukha. Pawisan din ito at nakasabit sa balikat nito ang isang towel.

"Kayang-kaya," sagot naman niya dito kahit ang totoo eh napagod talaga siya.

"Ganiyan talaga sa una, nakakapagod pero masasanay ka rin naman. Wala namang madali sa umpisa," sabi nito sa kaniya. Napatango siya dito at ngumiti. Tama naman kasi ito.

"Tama ka. Salamat Rocky ha?" aniya dito.

"Sus! Wala iyon! Bukas ulit," sabi nito sa kaniya.

"Or kung hindi mo kaya pwede naman tayong mamagitan ng araw," dagdag pa nito. Inaalala pa rin siya nito.

"Kaya ko naman," sagot niya dito. Wala naman itong dapat alalahanin. Konting oras lang naman iyon eh. Kayang-kaya niya iyon.

"Lakas mo pala eh!" natatawang sabi nito sa kaniya. Napatitig siya sa mukha nito habang nakangiti at nakatingin sa kaniya. Pawisan man ito ngunit bakit kaygwapo pa rin nito sa paningin niya? Para ngang may kumukuti-kutitap sa paligid nito habang nakatingin siya sa gwapong mukha nito. Napakurap lang siya nang tawagin nito ang pangalan niya.

"Hoy Ma'am. Uuwi na tayo. Baka gutom ka na eh!" sabi nito sa kaniya at kumatos pa sa harapan niya.

"Hmm, kailangan kong mag-diet di ba?" sabi niya dito. Para saan pa ang ipinawis niya kung kakain din siya ng marami ngayong gabi.

"Yup, pero wag mo naman biglain ang sarili mo na hindi kakain. Kahit na kaunti lang ay kumain ka. Araw-araw pwede mong bawasan ang kinakain mo hanggang sa masanay ka para hindi ka mahirapan," ani Rocky sa kaniya. Ngumiti siya dito at tumango. Susundin niya ito. Tama naman ang sinasabi nito sa kaniya, sana lang ay mapigilan niya ang sarili niya.

"Opo!" sagot niya dito. Umikot ito sa pintuan ng sasakyan at binuksan iyon.

"Oh tara na," anyaya nito sa kaniya kaya sumakay na siya sa sasakyan upang makauwi na silang dalawa.

Habang daan ay nakikinig lang sila ng music. Pagdating nila sa bahay ay sinalubong sila ng Mommy at Daddy niya na kanina pa sila hinihintay. Nagdidilim na kasi, nagpaalam naman sila dito kanina.

"Ginabi na kayong dalawa," anang Mommy niya.

"Good evening po Ma'am and Sir," bati ni Rocky sa mga magulang niya at bahagya pang yumuko.

"Sorry po Mommy, medyo natagalan kami," sagot niya.

"Its okay Penny. So kamusta naman? Nagustuhan mo ba ang pag-gi-gym?" tanong ng Daddy niya na nakahalukipkip sa tabi ng Mommy niya. Ngumiti siya sa mga ito at tumango. Tiningnan niya si Rocky sa gilid niya at pasimple lang din itong ngumiti sa kaniya.

"Opo naman Dad, ang galing ng taga turo ko eh!" sabi niya sa mga ito.

"Mukhang nag-enjoy ka nga anak," nakangiting sabi ng Mommy niya.

"Tamang-tama nagluto ang Mommy mo ng paborito nating adobo," nakangising sabi ng Daddy niya na parang nang-aasar pa.

Tiningnan niya ang kaniyang ina.

"Mommy naman, bakit nagluto ka ng paborito ko? Kailangan kong mag-diet eh!" parang batang maktol niya sa ina. Si Rocky ay natatawa sa gilid niya.

"Okay lang yan anak. Eh di kaunti lang ang kainin mo, pwede naman yun eh," sabi ng Daddy niya.

"Rocky, sumabay ka ng maghapunan sa amin," sabi ng Mommy niya kay Rocky. Tumanggi si Rocky dito dahil tila nahihiya itong sumabay.

"Naku hindi na po Ma'am—"

"Bawal tumanggi sa luto ko. Sige na sumabay ka na sa amin," putol ng Mommy niya sa dapat ay pagtanggi ni Rocky. Walang nagawa si Rocky at napangiti na lamang ito.

"Sige ho salamat," medyo nahihiyang sabi nito.

Pumasok sila sa loob at si Rocky naman ay nagpaalam na uuwi saglit sa kabilang bahay upang maglinis at magpalit ng damit. Ganoon din siya. Kailangan niyang maglinis dahil amoy pawis na siya. Sabay pa silang nagpaalam ni Rocky sa mga magulang niya at pumayag naman ang mga ito at sinabing hihintayin sila.

Halos 15 minutes din bago siya nakapaglinis at bumaba mula sa silid niya. Nakaterno na siya ng pantulog. Naroon na rin si Rocky sa ibaba at naghihintay. Siya na lang pala ang hinihintay at kakain na sila.

"Oh Penny nariyan ka na pala. Nakahain na ako sa lamesa, let's eat!" sabi ng Mommy niya.

"Rocky halika na," rinig niya namang sabi ng kaniyang ama. Mabait talaga ito kay Rocky at natutuwa siya. Nakikita na rin kasi niya ang dahilan kung bakit ito nagustuhan ng ama niya. Ang totoo ay mabait naman talaga si Rocky. Mali lang talaga siya ng unang inisip dito noon. Mabuti na lang at close na sila at nakikilala na niya ito ng tuluyan. Sinenyasan niya rin ito at nagkangitian pa silang dalawa nang maupo sila sa harap ng hapag kainan.

"Ang bango naman po ng luto niyo. Parang ang sarap," sabi ni Rocky sa luto ng Mommy niya. Napangiti ang kaniyang ina.

"Naku Rocky, masarap talaga yan. Sige kumain ka lang ha?" anang Mommy niya.

"Salamat ho," sagot ni Rocky at ngumiti. Nagsandok na ito ng kanin. Paano kaya siya magsisimulang magda-diet ngayon? Naaamoy pa lang niya ang luto ng Mommy niya ay kumukulo na ang tiyan niya.

Kumuha rin siya ng kanin pero kaunti lang. Nakatingin ang Mommy at Daddy niya sa pinggan niya.

"Iyan lang ang kakainin mo?" takhang tanong ng Daddy niya.

"Dad, diet po ako," sagot niya dito. Napangisi ang kaniyang ama.

"Mukhang kina-career mo na anak ha?" sagot ng Daddy niya.

Hindi siya umimik. Sinulyapan niya si Rocky, parang nangingiti ito sa kaniya. Sumubo ito ng pagkain at napatingin ito sa kaniyang ina.

"Hmm, grabe! The best po pala talaga kayong magluto Ma'am, ang sarap!" puri nito sa luto ng Mommy niya. Napangiti ang Mommy niya, bakas ang pagmamalaki sa mukha nito.

"Siyempre naman. Diyan ko nabihag ang Daddy ni Penny eh, right sweetheart?" anang Mommy niya sa Daddy niya at kumindat pa. Siya ang nahihiya para sa mga ito dahil parang mga teenager lang ito sa harap nila ni Rocky. Si Rocky naman ay nakangiti lang.

"Yes darling!" sagot naman ng kaniyang ama. Hindi niya namalayan na napapasarap na pala ang kain niya. Bigla siyang kumuha ng kanin nang maubos ang nasa pinggan niya at mabitin siya. Nawala sa loob niya na diet siya. Natigilan tuloy siya nang tingnan siya ng mga magulang niya pati na rin ni Rocky. Nagtataka ang mga ito.

"Akala ko diet ka?" tanong ng Daddy niya pero nakangiti ito. Nahiya tuloy siya. Si Rocky ay napangisi naman pero halatang nagpipigil ito.

"Konti na lang Dad," parang bata na sabi niya sa ama.

Ngumiti ang Mommy at Daddy niya.

"Go lang anak, hindi ka naman namin pinipigilan eh. Ikaw lang naman ang nagsasabi na diet ka," sabi ng Mommy niya. Hindi siya kumibo at pinanindigan niya ang pagkain dahil gutom pa talaga siya.

Nang matapos sila ay hinimas niya ang sariling tiyan.

"Salamat po sa hapunan Ma'am and Sir, sobrang sarap po," sabi ni Rocky sa mga magulang niya.

"Walang ano man Rocky. Hindi ka na iba sa amin," sagot naman ng mga ito. Tiningnan siya ni Rocky at nginitian siya nito. Kahit nahihiya siya ay gumanti na lang rin siya ng ngiti sa binata.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon