Nakatayo si Rocky sa puno ng narra habang nagpapakawala ng usok. Nakalabas siya sa classroom ni Penny dahil sinabi niya rito na kanina pa siyang yosing-yosi. Hindi na niya kayang tiisin. Pumayag naman ito sa kaniya ngunit sinabi nito sa cr na lang siya ng school mag-yosi. Pero dahil mabait siya ay nandito siya sa puno ng narra at naninigarilyo. Ayaw na kasi niyang maglakad pa palayo sa cr na sinasabi nito. Wala namang masyadong tao kaya okay lang at hindi naman siguro siya mapupuna dito.
Iyon ang akala niya noong una.
Hindi niya inaasahan na may makakakita pala sa kaniya na isang guro sa eskwelahang ito at dali siya nitong nilapitan. Matanda na ang gurong ito at sa tantiya niya ay hindi nagkakalayo ang edad nito sa ama ni Penny na si Mr. Crisostomo.
"Ahm excuse me? Who are you?" tanong ng matandang babae sa kaniya. May pagka-istrikta ang tono ng pananalita nito pati na rin ang pagtaas ng isa nitong kilay. Ibinaba pa nito ang salamin sa mata na suot.
Itinago niya ang yosi sa likod niya pero sinundan lang ito nang mapagmatyag na mga mata ng matandang babae.
"Bawal ang manigarilyo dito sa loob ng eskwelahan," dagdag pa nito.
"Ah pasensiya na po kayo Ma'am, hindi ko ho kasi alam-"
"Hindi alam? Hindi ba't kahit saan namang eskwelahan eh binabawal ang paninigarilyo?" putol nito sa sinasabi niya. Hindi siya nakapagsalita.
"Or unless hindi ka nakapag-aral kaya hindi mo alam? Well halata naman sa itsura mo. Mabuti pa ay ipatawag ko na ang guard ng school para mapalabas ka " anito sa kaniya. Medyo nagpanting ang tainga niya sa sinabi nito lalo pa at bakas sa tono ng pananalita nito na parang iniinsulto siya nito.
Humithit muna siya ng sigarilyo at sinadya niyang ibuga sa mukha nito ang usok dahilan para sumama ang mukha nito at bigyan siya ng matalim na tingin.
"Alam niyo Manang minsan mas masarap pa kausap yung mga taong mababa ang pinag-aralan, kasi karamihan sa kanila mas marunong pang rumespeto kaysa doon sa mga nakapag-aral talaga," aniya sa matanda. Nanlaki ang mga mata nito.
"What did you say and what did you just call me? Manang?"
Naniningkit ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.
Kita rin niya na kumuyom ang kamao nito."Bakit hindi ho ba?" insultong tanong niya dito. Iniinis niya ito dahil naiinis din siya sa mga pinagsasabi nito sa kaniya. Oo nga at mababa lang ang pinag-aralan niya pero wala itong karapatan na maliitin at laitin ang pagkatao niya lalo pa at hindi naman siya nito lubusan na kilala. Marunong siyang rumespeto kung karespe-respeto ang tao.
"How dare you? Hindi mo ba ako kilala? Bastos ka!" galit na sabi nito at sinampal siya sa pisngi. Namanhid ang pisngi niya sa sampal na iginawad nito pero nakuha pa niyang ngumisi. Itinapon niya ang yosi habang nakatawa ang mga mata.
"Ganiyan ho ba talaga kayong mayayaman? Kayo lang ang puwedeng mambastos at umalipusta ng tao, tapos kapag ibinalik sa inyo eh magagalit kayo? Teka, parang mali naman ho ata iyon. Oo alam ko ang maling nagawa ko pero hindi niyo ho ako kailangang maliitin," mariin na sabi niya dito. Natahimik ang matanda sa kaniya. Mabilis itong tumawag ng guard.
Nang marinig ng guwardiya ang tawag ng matanda ay pinuntahan sila nito. Agad siyang ipinadampot ng matanda."Ilabas mo ang lalaking yan dahil baka mamaya kung ano pa ang gawin niyan sa mga estudyante dito!" anang matanda. Hinawakan siya ng guard at hinila para palasabin.
"Bitawan mo ako. Hindi mo ako puwedeng palabasin dahil tauhan ako ni Mr. Crisostomo," sabi niya sa mga ito. Natahimik saglit ang babae at halatang nagulat ito sa sinabi niya, pero inaasahan na niyang hindi ito maniniwala.
"Nag-iimbento lang ang lalaking yan. Sigurado naman ako na may masamang pakay lang yan dito sa loob ng school kaya mas mabuti pang kaladkarin mo na yan paalis. Dali na!" sigaw ng matanda sa guard.
Maya-maya ay dumating si Mr. Crisostomo. Gulat na gulat ito sa eksenang naabutan habang hinihila siya ng guard palabas ng school.
"What's happening here?" nagtatakang tanong ni Mr. Crisostomo.
"Cesar, bakit mo hinihila si Rocky palabas?" baling nito sa guard.
"Ayan Ser! Kanina ko pa sinasabi sa gunggong na ito na tauhan mo ako pero ayaw maniwala," aniya kay Mr. Crisostomo.
Ang matandang babae ay halatang nagtataka na rin.
"K-kakilala mo ba talaga ang lalaking ito Sir?" tanong nito kay Mr. Crisostomo.
"Yes, tauhan ko siya at malaki ang utang na loob ko sa kaniya," sagot ni Mr. Crisostomo. Dahil doon ay tila napahiya ang guwardiya pati na rin ang matandang babae. Mabilis siyang binitawan ng guard.
Naiilang naman ang matanda nang tumingin sa kaniya pero taas noo pa rin ito. Nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan bago nagsalita."Ahm, I'm sorry. Hindi ko naman alam na kilala ka pala ni Mr. Crisostomo. Isa pa ay mali naman kasi ang ginagawa mong paninigarilyo dito sa school. Bawal iyon," sabi nito sa kaniya.
"Alam ko ho na mali ako at hindi naman ho siguro basehan iyon para pati buong pagkatao ko eh husgahan agad ninyo," sabi niya sa matanda.
"I'm- I'm sorry," pahiyang sabi ng matanda.
"Sorry din po Sir. Sumunod lang naman ho ako kay Mrs. Ibara," sabi ng guard. Sumama ang tingin dito ng matanda dahil sa sinabi nito pero agad din nitong binawi nang lumingon si Mr. Crisostomo dito.
"Sus! Ayaw niyo kasing maniwala sa akin. Sinabi ko na nga na tauhan ako ni Mr. Crisostomo eh," sabi niya dito.
"Pasensiya na," sabi rin ng guard sa kaniya.
"That's enough. Rocky, I need you to my office now. May mga kailangan akong ipauwi sa iyo. Bumalik ka na lang mamaya para sunduin kami ni Penny, okay?" ani Mr. Crisostomo sa kaniya. Tumango siya dito at sumunod papunta sa loob ng opisina nito.
Mabuti na lang talaga at dumating si Mr. Crisostomo dahil kung hindi nangyari iyon ay baka kanina pa siya napaaway sa labas. Nagtitimpi lang siya kanina kahit gusto na niyang bangasin ang mukha noong guwardiya.
Habang naglalakad siya ay nakabunggo niya ang isang matangkad na lalaki. Guro ito ayon sa unipormeng suot nito. May mga dala-dala itong papel na binabasa pa nito. Nakilala niya ito agad. Ito yung lalaking tinitingnan ni Penny kanina na halata namang type nito.
Tiningnan lang siya ng lalaki pero hindi ito nagsalita. Hindi rin siya nagsalita. Ito ang hindi tumitingin sa dinadaanan nito kaya hindi siya ang dapat na mag-sorry. Pero parang wala din naman itong nakita. Mukhang magaspang din ang ugali ng isang iyon. Nilagpasan lang siya nito matapos silang magkabungguan. Nilagpasan na rin niya ito.
Iyon ba yung type ni Pennys? Sus! Matangkad lang eh. Mukhang lampa naman. Hindi lang siguro nasisinagan ng araw ang lamang niyon sa kaniya.
Akala mo naman kung sinong magandang lalaki. Napailing na lang siya at itinuloy ang paglalakad hanggang sa makarating siya sa opisina ni Mr. Crisostomo.
BINABASA MO ANG
I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)
RomancePenny's dream is simple; it is to live a quiet and peaceful life. Until her father hires Rocky Yzmael Aragon to be her bodyguard. When her brother was killed in a riot, her father was traumatized which is why he hired a bodyguard for her. She was ir...