CHAPTER 23

156 2 0
                                    

Nagtataka si Penny dahil kanina pa tahimik si Rocky sa loob ng sasakyan. Hindi ito masyadong kumikibo ngayon. Naninibago tuloy siya dahil hindi naman ganito si Rocky, ni pang-aasar ay wala siyang narinig mula dito. Gustohin man niya itong tanungin ay nag-aalangan naman siya kaya pinili na lang niya ang manahimik. Baka hindi lang maganda ang araw nito ngayon.

Patungo na sila sa school, kapag ang Daddy niya ang nagsasalita ay saka lang sumasagot si Rocky. Buti pa ang Daddy niya ay kinakausap nito pero bakas pa rin sa tinig nito ang pagiging seryoso. Si Rocky ba talaga itong kasama nila ngayon?

Tahimik lang siya sa tabi nito habang nakatanaw sa lahat ng nadadaanan nila. Doon na lang niya itinuon ang atensyon niya kaysa maya't mayang isipin ang dahilan kung bakit nagkakaganito si Rocky ngayon. Hindi ito ang Rocky na nakilala niya. Madaldal si Rocky at hindi sumasapit ang umaga na hindi siya nito binabati ng good morning Ma'am or kaya ay may halong pang-aalaska pa sa pangalan niya na tinatawag nitong Pennys. Ano nga kaya ang nangyari sa isang ito? Bigla na lang ay parang pinitpit na luya.

Hanggang sa makarating sila sa eskwelahan ay tahimik pa rin ito. May bitbit na ilang mga gamit ang kaniyang ama kaya tinulungan ito ni Rocky na dalhin ang mga iyon sa opisina nito, siya naman ay walang ibang dala bukod sa shoulder bag niya kaya hinayaan na niya si Rocky na ang Daddy niya ang tulungan nito sa mga dapat bitbitin.

Dire-diretso siyang nagtungo sa classroom niya. Naghiwalay na muna sila ng direksyong tinahak ni Rocky dahil sa Daddy niya ito sumunod.

Pagpasok niya sa loob ng silid aralan ay tahimik niyang ibinaba ang shoulder bag sa table niya. Nagtataka pa rin siya at hindi magawang maalis sa isipan niya ang paninibago niya kay Rocky. Bakit ba ganito ang nararamdaman niya? Bakit parang sobrang apektado naman yata niya? Hindi dapat siya naaapektuhan ng ganito. Kahit anong pilit niya na huwag na lang bigyang pansin ang nangyayari ay hindi naman niya iyon maiwasan. Napabuntong-hininga siya saka hinila ang upuan sa tapat ng table niya at naupo roon. Kumalumbaba muna siya doon habang naghihintay ng mga estudyante.

Hinihintay rin niya na bumalik si Rocky sa room niya pagkatapos nitong dalhin ang mga gamit ng Daddy niya. Pero lumipas ang ilang minuto ay hindi pa rin bumabalik si Rocky. Dumating na halos lahat ng mga estudyante niya pero wala pa ring Rocky na bumabalik sa classroom niya. Inutusan kaya ito ng kaniyang ama? Inisip na lang niya na baka may ibang inutos ang Daddy niya dito kaya natagalan itong bumalik.

Nagsimula na siyang magturo nang wala pa rin si Rocky. Hinayaan na lang niya ito. Itinuon niya ang kaniyang atensyon sa mga estudyante niya.

Natapos ang klase niya at sumapit ang recess pero wala pa rin si Rocky. Hindi na niya matiis kaya nagtungo niya sa opisina ng Daddy niya upang tingnan kung nandoon pa ba si Rocky. Sobrang tagal naman kasi nitong bumalik.

Kumtok siya sa pintuan ng opisina ng Daddy niya.

"Come in," rinig niyang sabi nito kaya pinihit niya ang pintuan at agad na pumasok sa loob. Nagulat pa ang Daddy niya pagkakita sa kaniya. Prente itong nakaupo sa harap ng table nito at maraming folders na nakalapag sa lamesa nito.

"Penny, anak? Bakit?" tanong nito sa kaniya.

"Dad, inutusan niyo ho ba si Rocky?" tanong niya sa ama. Kumunot naman ang noo nito.

"Ha? Hindi ko siya inutusan. Hinatid lang niya kanina ang mga gamit ko dito pero hindi ko naman siya inutusan. Why?" kunot-noong tanong nito sa kaniya.

"You mean, umalis din siya kaagad pagkahatid sa inyo?" tanong niya. Tumango ang kaniyang ama.

"Yes. Hindi ba siya bumalik agad sa classroom mo? Saan naman kaya siya nagpunta?" nagtataka rin na tanong ng Daddy niya.

"Hindi po Dad at hindi ko rin po alam kaya ako nagpunta dito," sagot niya dito. Ang totoo ay may kung ano sa kalooban niya na kinakabahan. Saan kaya nagpunta si Rocky?

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon