CHAPTER 06

276 6 0
                                    

Kinabukasan ay kasama na naman ni Penny ang asungot niyang bodyguard. Wala talaga siyang magagawa kaya pagtitiyagaan na lang niya na makasama ito kahit labag sa loob niya. Pagpasok nila sa campus ay may mga nagkakagulong estudyante. May nag-aaway sa gym ng school kaya dali silang lumapit doon.

Naabutan nila ang dalawang binata na nagsusuntukan. Marami ang nanonood pero wala man lang umaawat. Nakita niyang may dugo sa labi ang isang estudyante. Sa tingin niya ay nasa fourth year highschool na ito. Napakunot ang noo niya at akmang aawatin ang mga ito pero bigla na lang hinila ni Rocky ang braso niya.

"Hep hep, anong gagawin mo? Wag mo sabihing aawatin mo 'yang mga kupal na 'yan? Malalaki na yan, alam na nila ang ginagawa nila," anito sa kaniya. Natatawa pa ito at parang nasisiyahan sa pinapanood kahit nagkakasakitan na yung dalawang lalaki na nagsusuntukan.

"Ano? Baliw ka ba? Hahayaan mo na lang magkamatayan yung dalawang nag-aaway?" hindi makapaniwalang tanong niya dito. Bwisit talaga ang lalaking ito. Wala yata itong pakialam sa nangyayari at tila gustong-gusto pa nito ang nagaganap.

"Sus! Pabayaan mo sila. Malayo naman sa bituka yan. Pffft..." iiling-iling na sabi nito sa kaniya.

"Alam mo, kung ikaw wala kang pakialam, p'wes ako mayroon! Mga estudyante dito ang mga yan kaya dapat silang awatin!" giit niya kay Rocky. Hindi na siya naghintay pa sa sasabihin nito na alam niyang pagkontra lang naman. Nilapitan niya yung dalawang lalaki at pinatigil ang mga ito.

"Tumigil kayo!" sigaw niya sa mga ito. Napatingin ang mga ito sa kanila.

"Wag ka ngang mangialam dito! Hindi pa ako nakakaganti sa gagong yan!" bastos na sabi ng isang lalaki sa kaniya. Nagulat siya dahil galit pa ito sa kaniya eh inaawat lang naman niya ang mga ito.

"Woaaaah!" sigawan ng mga tao dahil sa pambabastos ng lalaki sa kaniya. Naningkit ang mga mata niya dahil hindi siya nito nirespeto kahit na alam nitong guro siya sa paaralang ito.

Muling nagsuntukan ang dalawang lalaki kaya sumigaw siya at pumagitna sa mga ito.

"Ang kulit mong baboy ka ah! Gusto mo bang ikaw ang suntukin ko?" anang lalaki sa kaniya. Wala talaga itong modo at bastos ito. Halata naman din kasi iyon sa itsura nito. Taas-taas ang buhok nito at ang dami nitong hikaw sa tainga. Nagtawanan ang ilang mga nanonood dahil sa sinabi ng lalaki at sa pagtawag nito ng baboy sa kaniya. Iniinsulto siya nito.

"Kung hindi pa rin kayo titigil eh papatalsikin ko kayo sa school na ito!" pananakot niya sa dalawa pero parang wala talagang pakialam ang mga ito sa kaniya.
Hindi naman niya gagawin iyon. Tinatakot lang niya ang mga ito para tumigil na sa pag-aaway.

"Hoy piglet, hindi ako natatakot sayo kahit anak ka pa ng may-ari ng school na ito. Tumabi ka na riyan kung ayaw mong madamay, o talagang gusto mong masaktan?" maangas na sabi ng lalaki sa kaniya. Akmang babanatan na siya ng lalaki pero may kamay na pumigil sa kamao nito.

"Ituloy mo para ikaw ang paglamayan dito," malalim ang boses na sambit ni Rocky sa lalaki. Kitang-kita niya kung paano ibinaba ni Rocky ang kamay ng lalaki kahit na malakas ang pwersa nito.

Pinalipit ni Rocky ang braso nito dahilan para mapadaing sa sakit ang lalaki. Narinig pa niya ang paglagutok ng braso nito.

"R-rocky anong ginawa mo?" nanlalaki ang mga matang tanong niya dahil ngayon ay napaupo na ang lalaki at namamalipit na ito sa sakit ng kamay.

"Eh susuntukin ka e, binigyan ko lang ng isa," iiling-iling na sabi ni Rocky. Bumaling ito ng tingin dun sa isa pang lalaki na kaaway nung lalaking namimilipit sa sakit ng braso at kamay.

"Ano gusto mo rin? Umayos kayo ah, mga bagong usbong pa lang kayong mga gunggong kayo eh ang yayabang niyo na. Mga wala naman kayong ibubuga. Kung ako sa inyo, mas mabuti pang magbalat na lang kayo ng patatas!" painsultong sabi ni Rocky sa lalaki dahilan para magtawanan ang mga tao. Tumakbo na palayo yung isang lalaki sa takot nito na baka palipitin rin ni Rocky ang kamay nito.

Hinila nito ang kamay niya.

"Tara na madam," sabi nito sa kaniya at kumindat pa. Sakto naman na dumating na rin ang guard ng school at binitbit nito yung lalaki kanina. Mukhang dadalhin nito sa guidance office ang lalaki. Hinila-hila na siya ni Rocky at binitbit nito ang ibang mga gamit niya.

"Bakit mo ginawa iyon?" nag-aalalang tanong niya. Kahit na binastos siya ng lalaki kanina ay nag-aalala pa rin siya sa sinapit nito.

"Kung hindi ko ginawa iyon malamang na ikaw naman ang may black eye ngayon," sagot ni Rocky sa kaniya.

"Isa pa ayaw kong tinatawag ka niyang piglet. Ako lang dapat ang tumatawag sayo non," dagdag pa nito dahilan para samaan niya ito ng tingin. Ang walanghiya talaga ng lalaking ito.

"Wag ka ng mag-aalala. Konting hilot lang naman ay babalik din sa dati ang kamay niyon," sabi nito.

"Hay, ewan ko sayo. Akina nga yang mga gamit ko," sabi niya nang nasa tapat na sila ng classroom niya. Inabot naman nito sa kaniya iyon.

"Hihintayin na lang kita dito sa labas," sabi nito sa kaniya.

"If you need anything I'm one call away," dagdag pa nito.

Tumaas ang isang kilay niya dahil sa pag-iingles nito.

"Nabasa ko lang yan. Tama ba yung english ko?" sabi nito at tila nahinuha na ang pag-iingles nito ang dahilan kaya siya napataas kilay.

"Hindi mali," sagot niya kahit wala naman talagang mali sa sinabi nito. Umirap siya at tumalikod dito. Napakamot naman ito sa ulo nito.

"Good morning Ma'am!" bati sa kaniya ng ilang mga estudyante niya.

Ngumiti siya sa mga ito at bumati rin.

"Good morning!" aniya.

"Ma'am kasama niyo po ulit yung boyfriend niyo?" tanong ni Ashley, isa sa mga estudyante niya. Napabuntong-hininga siya at tumingin kay Rocky na nakatayo sa labas at nakatingin sa ibang direksyon. Mabuti na lang at hindi nito nadinig ang sinabi ni Ashley.

"Hindi ko siya boyfriend okay? He's my bodyguard," pagtatama niya.

"P-po? Pero malaki na po kayo di ba para magkaroon ng bodyguard?" sabi ni Ashley.

"Okay lang naman yun Ashley. Pwede naman yun eh," sabat naman ni Brianna, isa rin sa mga estudyante niya.

"Kayo talaga. Maupo na kayo at magka-klase na tayo," sabi niya sa mga ito kaya nag-upuan na ang mga estudyante niya. Muli siyang sumulyap kay Rocky na nakatingin pa rin sa ibang direksyon. Nang silipin niya ang tinitingnan nito ay nakita niyang maraming magagandang estudyante na maiiksi ang palda ang kasalukuyang nagdadaan at iyon ang tinitingnan nito. Napailing na lang siya. Hindi lang pala hambog, babaero din.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon