CHAPTER 45

159 4 0
                                    

Kinabukasan ay medyo na-late si Rocky sa pagsundo kay Penny sa school. Dumaan pa kasi siya sa paresan dahil may mga pinag-usapan sila nila Uno. Halos laging sold out ang tinda nila. Kadalasan ay maaga pa lang nakaubos na ang mga kasama niya. Natutuwa siya dahil nakikita niyang pumapatok talaga sa mga tao ang naisip niyang business.

Habang daan patungo sa eskwelahan ay hindi maalis-alis ang ngiti sa labi niya. Tila mapupunit na nga iyon dahil sa sobrang ngiti. Sino ba naman ang hindi sasaya pagkatapos ng namagitan sa kanila ni Penny kahapon? Mukha na nga siyang baliw dito dahil kanina pa siya patawa-tawa. Tiningnan niya ang relong suot. Malapit ng mag 5pm. Tiyak na kanina pa siya hinihintay ni Penny. 4:PM lang ay uwian na nito. Nag-text naman siya dito na pasundo na siya ngunit hindi naman ito nagri-reply. Nagpaalam din siya kanina kay Penny pero ang alam nito ay sandali lang kung ano man ang aasikasuhin niya. Hindi niya akalain na medyo matatagalan din pala iyon.

Saktong 5PM na at malapit na siya sa eskwelahan, pero hindi pa man siya nakakarating sa mismong school ay natanaw na niya agad ang isang pamilyar na tindig ng babae na kailanman ay hinding-hindi siyang pwedeng magkamali. Nakatayo ito sa waiting shed at may nakatayong lalaki sa gilid nito. Nadaanan niya ito.

"Penny?" kunot-noong sambit niya. Takang-taka siya kung ano ang ginagawa ni Penny sa waiting shed. Naghihintay ba ito doon? Bakit hindi na lang ito sa loob ng school naghintay? Masyadong delikado sa kinaroroonan nito ngayon lalo na at napansin niyang kakaiba ang kilos at titig ng lalaking kasama ni Penny sa waiting shed. Wala pa naman masyadong tao dahil hapon na. Mabilis niyang inihinto ang sasakyan. Hindi pa siya agad napansin ni Penny dahil nakita niyang hinawakan ito ng lalaki sa braso kaya doon naka-focus ang paningin nito. Kulang na lang ay lundagin niya ang lalaki nang makita niya ang ginawa nito kay Penny. Bumaba siya ng sasayan at mabilis siyang lumapit sa mga ito.

"Hoy!" sigaw niya habang nakaturo sa lalaki. Bakit nito hinahawakan si Penny? Nanggigigil siya!

Gulat na napatingin ang lalaki sa kaniya ganoon din si Penny na tila kabadong-kabado ang itsura. Pilit nitong hinihila ang braso sa lalaki.

"Bitawan mo ako, ano ba?!" sigaw ni Penny sa lalaki. Tila umakyat lahat ng dugo sa ulo niya nang makitang nasasaktan na nito si Penny.

"Tarantado ka! Anong ginagawa mo sa mylabs ko?!" Agad niyang hinila ang lalaki palayo kay Penny at sinunggaban ito ng suntok sa mukha. Malaki ang katawan ng lalaki pero napuruhan niya agad ang mukha nito kaya basag ang nguso nito na mabilis nitong nasapo. Sumuntok din ito pabalik pero hindi siya tinamaan. Tinadyakan niya ito sa bayag kaya napahawak ito doon at kitang-kita niya na labis nitong ininda ang sakit. Uugod-ugod itong lumakad palayo sa kanila at mabilis na tumakas.

"Tarantado ka ah! Sige takbo!" sigaw niya dito. Agad niyang binalingan si Penny nang makabawi siya sa nangyari. Alalang-alala siya dito.

"Ayos ka lang ba? Anong ginawa nun sayo? Sinaktan ka ba ng gagong yon?!"

Shocked ang mukha ni Penny at hindi makapaniwala habang nakatingin sa kanya. Ilang sandali pa ay bigla na lang siya nitong niyakap. Takot na takot ito at umiiyak.

"Shh... Tahan na andito na ako. Ligtas ka na," sambit niya habang hinahagod ang likod nito.

"Dapat kasi ay sa eskwelahan mo na lang ako hinintay. Masyadong delikado dito kung mag-isa ka lang. Pasensiya ka na, kasalanan ko ang lahat ng ito dahil pinaghintay kita," paninisi niya sa sarili. Kung may nangyari talagang masama kay Penny ay hindi niya mapapatawad ang sarili niya. Walang salita na lumabas sa labi ni Penny. Nakayakap lang ito sa kaniya. Inalalayan niya ito hanggang sa makarating sila sa sasakyan. Pinagbuksan niya ito ng pintuan. Tahimik itong naupo sa loob.

Nang nakaupo na rin siya sa loob at magkatabi na sila ay nasapo niya ang sariling noo.

Kasalanan niya ang lahat ng ito.

"Ang gago ko talaga tang ina!" inis na wika niya. Hindi siya makapaniwala na muntik ng mapahamak si Penny. Paano kung hindi siya dumating?
Muli siyang napamura at hinarap ang dalaga. Niyakap niya ito ng sobrang higpit.
Sa lahat ng babaeng dumating sa buhay niya ngayon lang siya nakaramdam ng ganito katinding takot at pag-alala. Ganoon niya kamahal si Penny.

"Sorry... Sorry talaga!" paulit-ulit niyang sambit. Hinalikan niya ang noo nito. Ang buong mukha nito.

"Hindi na ito mauulit pa. Hinding-hindi na ako aalis sa tabi mo ng ganun katagal."

May bahid ng luha sa mga mata si Penny ngunit hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya.

"Natakot ako Rocky. Akala ko kung ano na ang gagawin niya sa akin!"

Punong-puno ng guilt ang mga mata niya nang sabihin iyon ni Penny sa kaniya. Sunod-sunod ang pag-iling niya.

"Shh... Hindi na yun mangyayari pa ulit. Hinding-hindi na."

Tumango si Penny ngunit ramdam niyang naroon pa rin ang takot nito. Pinaandar na niya ang sasakyan. Nasa ibang eskwelahan ngayon ang ama ni Penny kaya hindi na nila ito susunduin.
Habang daan ay hawak-hawak ng isang kamay niya ang kamay ni Penny. Nanlalamig pa rin iyon. Alam niyang kinakabahan pa din ito. Sabi na nga ba niya at kakaiba ang itsura ng lalaki kanina. Kung hindi lang masamang pumatay, malamang na kanina pa nilalangaw ang bangkay ng lalaki na yon dahil sa sobrang galit niya nang makitang pinipilit nitong hawakan si Penny.

Pagkauwi nila ay kinwento niya kay Penny ang napag-usapan nila ng mga kaibigan niya. Kailangan ng mas maraming upuan at lamesa sa paresan kaya sa sunday ay mamimili siya ng mga gagamitin. Kinukulang na raw kasi ang mga upuan at lamesa sa pwesto sa dami ng customer nila.

"Sasamahan kita, Rocky," sabi sa kaniya ni Penny.

"Salamat love. Balak ko talagang ayain ka," sagot niya. Hndi tumututol si Penny sa tuwing tinatawag niya itong love. Pero hindi pa nito siya tinatawag sa ganoong endearment. Okay lang naman iyon sa kaniya. Ang mahalaga ay alam niyang mahal siya nito.

"Kung kailangan mo ng pandagdag sa perang gagamitin—"

"Kaya ko Penny. May ipon pa ako," mabilis na putol niya sasabihin nito. Napatango naman si Penny at hindi na pinilit pa ang nais nitong sabihin. Mabait si Penny at alam niyang nais lang siya nitong tulungan, ngunit kaya pa naman niya. Isa pa ay diskarte niya muna ito. Kailangan niyang maging successful upang hindi naman nakakahiya kapag hiningi niya ang kamay ni Penny sa mga magulang nito. Praktikal na ang buhay ngayon, hindi na uso yung basta mahal niyo lang ang isa't isa. Bilang isang lalaki, dapat ay maging responsable ka para sa future ng magiging pamilya mo. At iyon na agad ang iniisip niya ngayon. Nagkakaintindihan na ang damdamin nila ni Penny. Hindi niya gustong maghirap ito sa piling niya. Kahit alam niyang hindi ito pababayaan ng mga magulang nito dahil mayaman naman ito, gusto niya pa ring patunayan na karapat-dapat siya para kay Penny.
Nagkwentuhan muna sila at nang sumapit na ang oras ng hapunan ay sa bahay na ng mga ito siya niyaya ng Mommy ni Penny na kumain. Hindi nakasabay ang ama nito dahil gagabihin daw ito ng uwi. Mabait ang Mommy ni Penny sa kaniya talagang hindi na siya iba kung ituring. Ang sarap pa nitong magluto kaya hindi na siya nagtataka kung bakit tumaba ng ganoon si Penny noon. Pero kahit ano pa man ang maging size ni Penny ay hinding-hindi magbabago ang pagmamahal niya para dito.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon