CHAPTER 28

145 1 0
                                    

Hapon na nang lumabas si Penny sa clinic. Maayos na ang pakiramdam niya. Nakapagpahinga na rin siya kaya naman pinasya niyang bumalik na sa classroom. Naabutan niya doon si Rocky na nakatayo malapit sa pisara at nagdo-drawing. Maraming mga hayop ang nakaguhit sa pisara at kitang-kita niya sa mga mukha ng estudyante niya na interesadong-interesado ang mga ito sa pinaggagagawa ni Rocky.

Hindi pa siya agad napansin ni Rocky dahil abala ito sa pagguguhit. Pinagmasdan niya itong mabuti habang nakatagilid. Seryoso ang mukha nito sa ginagawa. Bakit parang nag-iiba na ito sa paningin niya? Tila nagiging gwapo na ito at hindi na tulad noon na mukhang adik ang tingin niya. Parang lumakas pa nga ang dating nito sa kaniya ngayon.

"Uy si Ma'am Penny!"

Saka lang napatigil si Rocky sa ginagawa nang magsalita ang isang estudyante niya. Agad siyang hinanap ng mga mata nito.
Ngumiti siya nang magtama ang paningin nila ni Rocky.

"Penny? Bakit nandito ka na? Okay na ba ang pakiramdam mo?" Lumapit ito sa kaniya at pinakatitigan siya sa mukha.

"Ayos na ako. Hindi mo na kailangan pang mag-alala. Salamat ha?" Binigyan niya ito ng matamis na ngiti. Bahagya namang naging mailap ang mga mata nito. Tila biglang nahiya.

"Ganoon ba ka-obvious na nag-aalala ako?" nakangusong tanong nito sa kaniya. Tumango siya habang nangingiti.
Umugong naman bigla ang tuksuhan ng mga estudyante niya dahil sa eksena nila ni Rocky habang nag-uusap.

"Uy, si Kuya Rocky may gusto kay Ma'am Penny! Ayieee!"

Biglang namula ang mukha ni Rocky saka ito napakamot sa batok.

"T-tumigil nga kayo diyan," sabi nito sa mga bata. Siya naman ay hindi pa rin maalis ang ngiti sa labi. Hindi niya alam kung bakit siya napapangiti.

"Huwag niyo ng tuksuhin ang Kuya Rocky niyo. Nangangamatis na ang mukha eh!" tudyo niya dahilan para mapailing si Rocky at umiwas ulit ng tingin.

"Penny naman!" anito sa kaniya kaya mahina siyang napatawa. Oras na din ng uwian kaya naman pagkatapos ng ilang minuto ay pinayagan na rin niyang umuwi ang mga bata. Naiwan silang dalawa ni Rocky sa classroom.

"Pagdo-drawing talaga ang inatupag mo habang wala ako?" sabi niya dito.

"Ah eh, wala naman kasi akong alam sa pagtuturo so naisipan kong guhitan na lang sila para di lumabas-labas. Mukhang nakuha ko naman ang interes nila kasi ang behave nila lahat kanina," tugon ni Rocky.

"Natutuwa ako na ikaw ang nagbantay sa kanila habang wala ako. Hindi lang naman pala puro kautuan ang alam mo sa buhay." Umikot siya at kinuha ang bag niya sa gilid ng table.

"Ako na diyan," mabilis naman na sabi ni Rocky at kinuha ang bag niya. Ini-lock niya ang silid-aralan saka sila sabay na lumabas ni Rocky.

———

Bitbit ni Rocky ang bag ni Penny habang naglalakad sila palabas ng classroom nito. Maayos na raw ang pakiramdam nito ngayon kaya kahit papaano ay nawala na ang pag-aalala niya para sa dalaga. Kanina noong nasa clinic pa ito ay hindi siya mapakali. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong klase ng pag-aalala para sa isang babae. Alam niyang ganoon na ka-importante si Penny sa kaniya kaya sobra ang pag-aalalang nararamdaman niya para dito.

Habang naglalakad sila ay nagulat siya nang bigla na lang sumulpot sa harapan nila si Zyron. Natigilan silang dalawa ni Penny sa paglalakad. May nabuhay agad na inis sa kaniya nang makita niya ang mukha nito. Ang init talaga ng dugo niya sa lalaking ito.

"Zyron?" rinig niyang sambit ni Penny. Halata rin ang pagkagulat sa mga mata nito.

"Penny, totoo bang hinimatay ka? Kamusta na ang pakiramdam mo? Okay ka na ba?" bakas ang pag-aalala sa mukha ni Zyron pero siya naman ay inis na inis sa tabi ni Penny. Paano kaya nalaman ng gunggong na ito ang nangyari kay Penny?

"P-paano mo nalaman, Zyron?"

"Galing kasi ako sa clinic at nakausap ko si Nurse Emma."

"Ah ganoon ba? Okay na ako Zyron. Salamat."

"Walang pasok bukas. Pwede ba kitang dalawin sa inyo?"

Umangat ang isang kilay niya dahil sa tanong nito. Masyado naman yatang mapapel ang isang ito. Bakit biglang may pagdalaw sa bahay?

Nagtanggal siya ng bara sa lalamunan at hindi na niya napigilan kaya sumingit siya sa usapan.

"Ah, hindi na kailangan. Okay naman na si Penny eh. Wag ka ng mag-abala," sabi niya dito. Gulat naman na napatingin si Penny sa kaniya. Si Zyron ay halatang nagulat din.

"Gusto ko lang makasama ka Penny," ani Zyron.

Aba' medyo matigas din talaga ang mukha nitong lalaki na ito. Ngani-ngani niya itong batukan pero kailangan niyang mag-behave para kay Penny. Baka mamaya ay ma-stress na naman ito. Kakagaling nga lang nito sa sakit kanina.

"Hindi pwede. May lakad kami bukas ni Penny," singit niya sa usapan. Pinilit niyang maging kalmado lang ang dating ng salita niya.

Muli siyang nilingon ni Penny dahil sa sinabi niya.

"May gym tayo di ba? Saka yayayain pa kita mag-jogging tapos mamasyal," sabi niya dito. Nagpapalit-palit naman ng tingin sa kanila si Zyron.

"Talaga?" ani Penny. Ngumiti ito sa kaniya at kapagkuwan ay bumaling ito ng tingin kay Zyron.

"Ah Zyron sa ibang araw ka na lang siguro dumalaw. May lakad pala kami ni Rocky." Ngumiti si Penny kay Zyron habang siya naman ay pasimpleng nagdiriwang ang kalooban. Hindi niya alam kung bakit sa unang pagkakataon ay siya ang pinili ni Penny na makasama. Wala itong masyadong pagtatanong nang tumango ito sa kaniya kanina.

Si Zyron ay nagbaba ng tingin. Halata ang pagkadismaya sa mukha nito.

Hmm, buti nga!

"Sige Penny, sa ibang araw na lang ako dadalaw," pagsuko nito.

"Sige," tipid na sagot ni Penny.

"Mauna na ako. Ingat kayo Penny."
Tumalikod na si Zyron sa kanila matapos nitong makapagpaalam.

Nang nasa loob na sila ng sasakyan ay binalingan siya ni Penny.

"May lakad pala tayo?" tanong nito sa kaniya.

"Oo," tipid niyang sagot. Tumambay muna siya sa labas ng sasakyan saka sumandal doon habang si Penny naman ay nakaupo na sa loob pero nakabukas naman ang bintana niyon habang nag-uusap sila.

"Bakit di ko ata alam iyon? Bigla-bigla ka na lang nagsi-set ng lakad ha?"

"Eh bigla-bigla din kasi nagyaya yung Zyron sayo. Ano siya sinuswerte?" pabulong niyang wika na tanging siya lang ang makakarinig.

"Ha? Anong sinasabi mo?" tanong ni Penny dahil hindi nito naintindihan ang sinabi niya.

"W-wala. Ang sabi ko kailangan talaga nating mag gym. Malapit na kaya ang PROM," saad niya. Hindi naman kumibo si Penny.

Ang totoo ay ayaw lang talaga niyang makasama nito si Zyron. Ewan ba niya. Naiinis siya, bigla na lang itong sumulpot sa harapan nila kanina. Nagseselos siya dito at ngayon lang siya nagkaganito. Hindi naman siya selosong tao sa mga past relationship niya, pero pagdating kay Penny na hindi naman niya nobya ay nagiging seloso siya. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit.

Tinamaan na nga yata talaga siya ng pana ni kupido! Mukhang biktima na siya ng pag-ibig nito.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon