CHAPTER 41

181 7 0
                                    

Abot ang puri ni Penny sa pares na kinain nila kaya naman tuwang-tuwa si Rocky at proud na proud. Nagustuhan ni Penny ang lasa at timpla ng pares na tinitinda nila. Totoo naman na masarap nga talaga ang lasa. Kaya naman pala dinumog ang opening nila ngayon. Nagagalak siya dahil hindi niya expected na ganito ang mangyayari. Ang akala nga niya ay lalangawin ang business niyang ito pero kabaligtaran ang nangyari. May mga bumibili pa ngayon pero naubos na ang pares. Bukas na bukas ay mas marami ang kailangan nilang itinda.

"Ngayon lang ako nakakain ng ganito. Mukhang babalik-balikan ko ito, Rocky," nakangiting ani Penny sa kaniya. Nakaupo sila sa isang table at sabay na kumakain habang ang mga kaibigan naman niya ay abala sa pag-uusyoso sa kanila mula sa di kalayuan. Alam niyang kanina pa sila minamatyagan ng mga ito. Kabisado niya ang mga kulokoy na iyon. Naipakilala na niya si Penny sa mga ito kanina. Kanina pa nga siya inaasar ng mga ito na lovelord daw siya. Mga sira ulo talaga!

"Alalahanin mo na kailangan mong mag-diet," biro niya kay Penny at ngumiti din. Malaki na ang ipinayat ni Penny. Mas lalo itong gumanda ngayon. Natuto na rin kasi itong mag-ayos ng sarili. Dapat ay matuwa siya pero ewan ba niya kung bakit mas naiinis pa siya ngayon na pumayat na ito. Alam niya kasing dadami na ang karibal niya kay Penny. Hindi malabong mangyari iyon. Kahit alam niyang mahal siya ni Penny at ganoon din naman siya dito, hindi pa rin maiwasang mabahala ng puso niya. Natatakot siya at nangangamba dahil ganoon na niya ito kamahal. Hindi niya kakayanin kung may ibang tao na umagaw sa babaeng mahal niya.

"Mukhang masisira ang diet ko kung araw-araw akong makakakita ng pares mo," biro ni Penny. Natawa lang siya dito at napailing. Napatitig siya sa maamong mukha nito.

"Oh bakit ganiyan ka makatingin? May dumi ba ako sa mukha?" tanong nito sa kaniya. Umiling naman siya dito.

"Ang ganda mo eh," sagot niya. Biglang namula ang mukha ni Penny.

"Kahit palagi ko naman sinasabi sayo na maganda ka, palagi ka pa ring nagba-blush," tudyo niya dahil sa pangangamatis ng mukha nito.

"Bolero ka kasi," nahihiyang turan nito at bahagyang umiwas ng tingin. Napatingin ito sa gawi ng mga kaibigan niya na pinagtitinginan sila. Ang chismoso talaga ng mga kulokoy na iyon. Pangisi-ngisi pa ang mga loko habang pasimpleng sumusulyap at nagbubulung-bulungan sa isang tabi.

"Hmm, yung mga kaibigan mo kanina pa nila tayo tinitingnan," sabi ni Penny.

"Huwag mong pansinin ang mga kumag na yan. Naiinggit lang ang mga yan," sagot naman niya.

"Mababait sila," ani Penny. "Sana may mga kaibigan din ako na katulad nila," dagdag pa nito. Napatitig siya muli kay Penny. Matagal-tagal na rin siyang nagsisilbi kay Penny pero ni minsan ay wala siyang nakitang close friend nito, yung tipo ng kaibigan na lagi mong kasama or kausap. Wala siyang nakitang ganoon kay Penny kaya siguro nasasabi nito iyon sa kaniya. Wala yata itong itinuturing na best friend.

"Siguro nga kung wala ka Rocky. Wala talaga akong ibang ka-close." Mapait itong ngumiti. Parang bigla siyang nalungkot para dito. Hinawakan niya ang kamay nito na nakapatong sa lamesa.

"Andito naman ako eh. Pwede mo akong maging kaibigan, pwede ring bodyguard o kaya ay boyfriend," biro niya at ngumisi.

"Ano pa bang hahanapin mo? Hindi mo na kailangang pumili, sasamahan na kita sa lahat," dagdag pa niya. Natawa si Penny sa kaniya at napangiti na lang.

"Salamat Rocky. Salamat dahil hindi mo ako iniwan kahit na ang sama ng ugali ko sayo noong una tayong magkakilala."

"Wala iyon Penny. Masaya ako na nakilala kita at minahal ko ang isang katulad mo—"
Hindi pa niya natatapos ang sasabihin ay may biglang na lang umubo sa gilid nila. Hindi nila namalayan na nakatayo na pala doon si Uno. Ang bilis naman yata nitong nakalapit sa kanila, o baka hindi lang talaga nila ito napansin agad dahil ang mga mata niya ay nakatuon lang kay Penny kanina pa?

"Ehem! Maabala ko lang po kayo. Kukuhanin ko na po ang mga pinggan Ma'am and Sir dahil mukhang tapos naman na po kayo," may halong pang-aalaska na sabi ni Uno. Mukha kasing sinadya lang naman nitong lapitan sila para mag-usyoso. Hindi niya alam kung nadinig nito ang usapan nila dahil hindi niya naman ito namalayan agad. Kahit kailan talaga ay pasaway ang kumag na ito. Kung kailan siya nagpapapaka matalinghaga kay Penny ay saka sasadyain na sumulpot sa gilid nila. Napahimas na lang siya sa bridge ng ilong niya at pasimpleng sinamaan ng tingin si Uno, ang walanghiya naman ay pasimple lang din siyang dinilaan at binigyan nang mapang-asar na mukha bago tumalikod dala ang mga pinggan. Loko-loko talaga!

Makalipas ang ilang oras ay nagpaalam na din sila ni Penny sa mga kaibigan niya. Kailangan na nilang umuwi. Bukas ay may pasok na ulit si Penny kaya babantayan niya ito sa school, sinabi niya sa mga kaibigan niya na sa gabi na lang siguro siya makakadalaw dito or kaya ay sa hapon.

"Maraming salamat sa inyo, babalik ako ulit dito ang sarap ng pares," sabi ni Penny sa mga kaibigan niya matapos silang makalapit sa mga ito upang magpaalam. Si Lax at Uno daw talaga ang nagtimpla niyon.

"Salamat naman at nagustuhan mo Penny. Mag-iingat din kayo ni Rocky, tatanga-tanga pa naman ang isang yan," pang-aasar ni Uno sa kaniya.

"Gago ka talaga Uno," mabilis na sagot niya dito pero tinawanan lang siya nito.

Tatalikod na sana sila pero biglang nagsalita si Leandro.

"Teka lang Rocky—" pahabol na sabi nito. Sabay naman silang napalingon ni Penny kay Leandro. Bigla ay tabi-tabi na ang mga kaibigam niya at nagbubulungan pa.

"Bakit?" tanong niya dahil mukang may nakalimutan pa na sabihin ang mga kulokoy sa kanila.

"Kayo na ba?" sabay-sabay na tanong ng mga ito sa kanila. Nakangisi pa ang mga ito. Ngising aso nga lang. Nagkatinginan sila ni Penny, bigla siyang nahiya dahil sa kadaldalan ng mga kaibigan niya. Akala niya ay kung ano na ang sasabihin ng mga ito. Nakita niyang medyo nahiya si Penny.

"None of your business dimwits," sagot niya sa mga ito. Sabay-sabay naman na napakamot sa batok ang mga kaibigan niya.

"Ang damot mo naman Rocky. Alam naming lovelord ka na. Gusto lang naming malaman ang real score," sabi ni Lax.

"Wala na kayo doon," sabi niya. Sumimangot naman ang mga loko dahil sa sagot niya. Tila nadismaya.

"Alam niyo kalalaking tao niyo pero mga chismoso kayo. Nakakahiya dyan sa naglalakihang mga katawan ninyo. Magbago na nga kayo," wari ay sermon niya pa sa mga ito. Natawa si Uno.

"Eto talagang si Leandro ang pasimuno eh," sabi ni Lax at inakbayan si Leandro saka ginulo ang buhok nito.

"Anong ako? Si Uno talaga yong chismoso Rocky!" pagdedeny ni Leandro at tinuro si Uno.

"Huh? Si Jerson kaya!"

Napailing na lang siya sa mga ito at hinila na ang kamay ni Penny. Iniwanan na nila ang mga kaibigan niya na nagtatalo-talo pa at nagtuturuan.

"Mga baliw talaga ang mga iyon," bulong niya nang makalayo na sila ni Penny.

"Ang cool nga ng mga kaibigan mo eh," sagot naman ni Penny.

"Nag-enjoy ka ba ngayong araw?" tanong niya dito. Ngumiti si Penny sa kaniya at tumango.

"Oo naman, salamat Rocky."

Hinalikan niya ang noo nito bago ito pinagbuksan ng pintuan ng nasa tapat na sila ng sasakyan. Kung may masaya man siguro ngayon ay siya na iyon dahil kasama niya si Penny. Walang araw na hindi siya masaya kapag magkasama silang dalawa. Ngayon lang ulit niya naranasan ang ganitong pakiramdam. Marami siyang karanasan sa babae, naging babaero din siya minsan sa buhay niya pero iba talaga ang tama niya kay Penny ngayon. Ano kaya kung yayain niya ito bigla na magtanan? Napailing siya at natawa sa tanong na biglang pumasok sa isipan niya.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon