Simula

735 16 3
                                        

#SOASIMULA

"Joyce! Halika na at masyado nang tumataas ang tubig! Ano pang ginagawa mo riyan?!" tawag sa'kin ni papa

"Teka lang tay! Si nanay. Dadalhin ko siya," sabi ko habang mahigpit na hawak ang babasagin na banga kung saan ang abo ng katawan niya. Inangat ko iyon dahil hanggang bewang ko na ang baha, takot na baka mabitawan ko iyon.

Dahan-dahan akong naglakad, pinapakiramdaman ang gamit na posibleng humarang sa'kin. Ang mga gamit namin ay lumulutang na sa buong sulok ng bahay. Patuloy na pumasok at umagos ang tubig sa bubong namin na gawa lamang sa yero hanggang sa ito ay nasira na rin. Walang humpay ang pag-ulan. Mabibigat at malalakas ang bawat buhos, maski ako ay basang basa na rin. Binalot ng kaba ang katawan ko dahil mabilis ang pagtaas ng tubig. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko sa dibdib ko.

"Joyce! Tara na sabi eh! Hindi ko na kaya pang lumusong sa baha. Masyado nang mataas. Kailangan na nating umalis!"

Tumingin ako kay papa. Naroon siya nakatayo sa sira naming hagdan at pilit na inaabot ang kamay ko. Binilisan ko ang lakad papunta sa kanya pero mabibigat ang bawat hakbang ko dahil sa baha. Para lang akong dahon na inaagos palayo sa kanya.

Ramdam ko ang basura at gamit na natatapakan ko. Napapikit ako nang tumama ang tuhod ko sa lamesa. May natapakan din akong matulis na bagay. Ininda ko ang sakit at patuloy lang sa paglalakad. Halos nanlalabo na rin ang paningin ko dahil sa ulan. Mahapdi iyon sa mata. Pataas ng pataas na rin ang tubig at pakiramdam ko ay malulunod na ako. Inangat ko ang kamay ko habang patong sa ulo ko ang banga.

Napahinto ako dahil may biglang may humarang na aparador sa dinadaanan ko. Inagos iyon ng tubig. Gamit ang isang kamay ay dahan-dahan akong sumamapa roon para makatawid. Kasabay no'n ay bumuhos ang malakas na tubig galing sa bubong sa'kin. Pumikit ako at niyakap ng mahigpit sa dibdib ko ang banga para hindi ito mapasukan ng tubig. 

"Joyce!"

Umalingawngaw ang boses ni papa sa tainga ko. Naaaninag ko na siya sa harapan ko. Nakalahad ang kamay niya sa'kin habang ang isa ay nakahawak sa bubong. Nakita kong umaagos din ang tubig sa kanya. Halos hindi niya na maidilat ang mata niya. Hindi na rin kami magkarinigan dahil pinasukan na ng tubig ang tainga namin.

"Tay! Pakikuha si mama!" sigaw ko sabay bigay sa kanya ng banga. Hindi ko iyon binitawan dahil baka mahulog iyon sa baha hanggang sa nakuha niya iyon ng maayos. 

"Joyce! Dalian mo. Malapit nang gumiba itong bubong! Abutin mo ang kamay ko!" halos maputol ang litid ni papa katatawag sa'kin. 

Inangat ko ang kamay ko sa kanya at buong pwersang inangat ang sarili sa baha pero biglang naipit ang kanan kong paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na bagay sa ilalim ng baha. Tumingin ako kay papa at pilit niyang inaabot ang kamay ko. Dumapo lang ang dulo ng daliri niya sa'kin.

"Tay! Teka lang! Yung paa ko, naipit!" mangiyak-ngiyak kong sabi

"Ano?!"

Alam kong hindi niya ako marinig dahil sa lakas ng buhos ng ulan kasabay pa ng kidlat. Pinilit ko pa ring abutin ang kamay niya pero nahirapan ako dahil sa paa ko. Namilipit ako sa sakit. Halos masubsob na ako sa baha. Kinakapos na rin ako sa hininga, tila mas marami pa akong tubig na pumasok sa baga ko kaysa sa hangin. 

Gamit ang isang paa ay buong pwersa kong sinipa ang gamit na iyon. Hindi naiwasang lumublob ako sa baha ngunit nakaahon naman ako at sakto ay nakawala rin ang paa ko. Nagulat nalang ako nang biglang may umangat ng braso ko. 

"Joyce!"

Lumingon ako kay papa at hinawakan rin ang braso niya para iangat ang sarili sa baha. Napadaing siya hanggang sa tuluyan niya na akong maiangat. 

Storms of Affliction (Youth Series #5)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon