#SOA09
"Ano?! Nawawala si Janna?" bungad ni tatay sa'min pagkauwi niya sa bahay
Nagkatinginan kami ni Cielo, hindi alam kung paano ipapaliwanag ang buong kwento kay tatay. Si Lucia naman ay nakatingin lang sa'min mula sa sala.
"Ano ba kasing nangyari?"
"Uh, kanina po kasi tay naglalaro sila ni Lucia kasama yung ibang mga bata tapos hindi namin alam kung saan na pumunta. Wala raw nakapansin," paliwanag ni Cielo
Napakamot si tatay sa ulo niya at huminga ng malalim upang pakalmahin ang sarili. Bigla siyang tumingin sa'kin, naghihintay sa paliwanag ko.
"Sorry tay. Kakauwi ko lang rin sa trabaho nung pinaalam sa'kin ni Cielo ang nangyari. Halos nalibot na rin namin lahat pero hindi pa rin namin siya mahanap. Nagtanong na rin ako. Tumawag na ba tayo ng pulis?" pinilit kong magpakatatag kahit na halos mamatay na rin ako sa pag-aalala sa kapatid ko. Handa na rin akong mapaglitan ni tatay.
"Trabaho? Napag-usapan na natin ito 'di ba? Responsibilidad mo ring bantayan ang mga kapatid mo kapag wala ko," sabi niya at binalingan si Cielo. "Gano'n din sa'yo Cielo."
"Pero tay, alam kong na-disappoint kayo sa'min pero hindi ito ang oras para mag-away. Kailangan pa rin nating hanapin si Janna."
Napatingin siya ulit sa'kin. Humugot siya ng malalim na hininga bago tumango. Nagulat ako dahil bigla siyang napahawak sa dibdib niya. Napapikit siya sa sakit. Agad namin siyang nilapitan ni Cielo.
"Tay, ayos lang po ba kayo?" natataranta kong tanong. Hinawakan ko ang likod niya at braso. Muntikan pa siyang mawalan ng balanse kung hindi namin siya agad nasalo ni Cielo
Isang tango lang ang sinukli niya. Nanatiling mahigpit ang hawak niya sa dibdib niya.
"Anong masakit tay?" tanong ko at tumingin kay Cielo. "Kumuha ka ng tubig," utos ko sa kanya na agad niyang sinunod.
Binalik ko ang atensiyon kay tatay. Iginaya ko siya sa sala para paupuiin. Nanatili ako sa tabi niya. Nakabalik agad si Cielo na may hawak na isang baso ng tubig. Inabot niya iyon kay tatay. Hinagod ko ang likod ni tatay habang dahan-dahan niyang ininom ang tubig. Kinuha ko ang baso sa kanya pagkatapos niyang maubos iyon. Umubo siya bigla. Hinipo ko ang balat niya at hindi naman siya mainit.
"Tay, may sakit po ba kayo? Napapadalas na po ang pag-ubo niyo. Baka lumala 'yan. Nainom pa po ba kayo ng gamot?"
"Wala ng gamot si tatay ate e," sagot ni Cielo. Bakas ang pag-aalala sa mata niya habang nakatingin kay tatay na mukhang hirap huminga
"A-ayos lang ako. Kailangan na nating hanapin si Janna," humina ang boses niya. Bumigat din ang bawat paghinga niya
"Magpahinga na po muna kayo tay. Kami na po ang hahanap sa kanya. Baka po lumala pa ang kondisyon niyo e," sabi ko
Umiling siya. "Hindi. Hindi ako pwedeng manatili lang dito lalo't na nawawala ang kapatid niyo. Baka kung ano na ang nangyari-" naputol ang sasabihin niya dahil bigla ulit siyang inatake ng ubo
"Pero tay..."
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Cielo. Tumingin ako sa kanya at tumayo. "Cielo. Makinig ka sa'kin. Ikaw na muna ang magbantay kay tatay at kay Lucia. Ako na ang maghahanap kay Janna, naintindihan mo?"
Umawang ang labi niya. "Pero ate.."
Tinalikuran ko na siya at kinuha ang jacket na nakasabit sa likod ng pinto. Mabilis ko iyong sinuot. Pagkabukas ko ng pinto ay tinawag ako ni tatay mula sa likod. Hindi ko siya pinansin at tuluyang lumabas ng bahay. Nagulat ako dahil umaambon ng konti. Papalubog na rin ang araw. Nagbubukas na ng ilaw ang mga kapitbahay. Nawala nalang ang mga nakatambay sa labas. Nagsimula akong maglakad para maghanap.
BINABASA MO ANG
Storms of Affliction (Youth Series #5)
Ficción GeneralYOUTH SERIES #5 [COMPLETED] Josephine Celeste Rongavilla lives in poverty. Being the eldest child wasn't easy for her. Eversince her mother died, she became the breadwinner of the family and now has a huge responsibility on her shoulders. She works...
