2016
Syempre, magpapasko at bago mag christmas break, uso yung mga performance task niyong related sa holiday na ito.
Nagkaroon kami ng groupings at tandang-tanda ko na Wednesday iyon dahil wala kaming pasok. Ang mga kagrupo ko ay sina Nicole, Lyn, Ace, Xandra, Lian, Shani at Bea, yes, lahat kami babae. Napagpasiyahan naming sa bahay na lang ni Ace magpractice dahil walang tao, may wifi (alam niyo na agad na hindi practice ang mangyayari) at malawak. Ang bahay nila Ace, estilong luma pero hindi yung tipong wasak-wasak o nagtutuklapan na ang pintura. Inilapag namin sa sofa sa sala ang mga gamit na aming dala, hindi na kami nag abala pa na buksan ang ilaw dahil sa second floor kami magpapractice. Yung hagdan, may kabilaang pader na kahoy, imagine-in niyo na lang. Ang ilaw sa staircase, dim. Yung dim na parang yellow or orange na yung kulay. Tapos wala ring ilaw sa ikalawang palapag ng bahay kaya nakakatakot talaga. Sa kanan, madilim na hallway lang at sa kaliwa naman, nandun ang kwartong walang pinto. Doon kami pumasok at nagtuloy kami ng practice.
Matapos ang dalawang oras, natapos na namin ang aming piyesa na ipepresenta. Nagcecellphone, kuwentuhan at malakas na tawanan na lang kami noon nang nagkasundo si Lian at Shani na manakot. Pinatugtog nila yung mga creepy versions ng nursery rhymes mula sa youtube, kabilang na ang "Pop Goes the Weasel Jack The Ripper Version". Nung una, nagtatawanan lang kami kasi hindi kami naniniwala sa mga takot takot na 'yan. Ilang beses nang napplay ang music na 'yan nang biglang pinatay ni Lyn ang ilaw dahil siya ang pinakamalapit sa switch na nasa harap mismo ng pasukan sa kwarto ni Ace. Magkatabi kami ni Nicole noon, nasa gilid naman namin si Xandra at ang puwesto namin ay nakaharap sa pasukan ng kwarto, at dahil nga walang pinto iyon ay kita namin ang kadiliman sa buong ikalawang palapag, may nakita akong pigura ng isang matangkad na lalaki. Napapikit ako agad.
"Buksan niyo na yung ilaw!" sabi ko pero hindi sila nakinig. Nagtatawanan pa rin si Lian at Shani.
"SABI NANG BUKSAN NIYO NA YUNG ILAW! HINDI NA AKO NATUTUWA!"
Dun lang sila natinag dahil sumigaw na 'ko. Pagbukas nila ng ilaw, umiiyak na si Xandra at hininto ang music na kanina pa nila pinapatugtog. Ilang minuto kaming nanahimik habang inaalo si Xandra. Maya-maya, nakatulala na lang ito at walang kinakausap sa amin. Ang inisip ko, nakita niya rin yung lalaki kaya naglakas-loob na akong magsalita.
"Kanina nung pinatay niyo yung ilaw, may nakita akong anino ng matangkad na lalaki."
Hindi sila umimik at nilingon ko si Xandra, ganun pa rin, walang nagbago. Ibinaling ko ang tingin ko kay Lyn dahil baka nakita niya since siya ang nakaharap mismo doon at bukas ang third eye niya pero nakayuko lang siya at nakikinig sa mga usapan namin. Tingin ko, hindi sila naniniwala pero wala lang silang sinabi dahil nga baka magkaroon pa ng away. Tahimik lang akong nagmamasid sa kanila nang biglang namatay ulit ang ilaw kasabay nang pagplay ng music. Nagalit ulit ako pero sa pagkakataong ito, sigurado kaming walang nagpatay ng ilaw sa amin at walang may hawak ng cellphone kasi pinatay na ito dahil sa nangyari kanina. Bigla kaming nagtakbuhan pababa, wala na kaming pake kung magkandalaglagan kami sa hagdan. Naging tatlong segundo lang ang pagbaba namin dahil sa takot.Kinuha na namin ang aming mga gamit at napagdesisyunang pumunta sa simbahan na pinakamalapit. Tahimik pa rin sina Lyn at Xandra na inaalo pa rin nina Bea.
Nagdasal kami roon at nilapitan kami ng tagalinis sa simbahan, tinanong kung bakit nandoon kami eh Miyerkules naman, sinabi namin ang nangyari at ang tugon niya, "Baka naman may nagambala kayong espiritu dahil maingay kayo?". Nagkibit-balikat na lamang kami at hinatid sa sakayan si Xandra, pagtapos ay dumiretso muna kami ng barbecuehan/ihawan.Matapos nito, napagpasiyahan na naming umuwi. Pag-uwi ko, kinamusta ko agad si Xandra sa gc namin ngunit hindi niya pa rin pinapansin ang kahit sino sa amin.
Kinabukasan, may pasok kami at ako lang ang naiwan sa bahay. Bago ako maligo, binuksan ko ang computer sa kwarto at nagpatugtog dahil nakakabit ito sa speaker. Palabas na ako ng banyo nang biglang namatay ang computer, nalaman ko dahil tumigil ang tugtog. Naalala ko na naman yung nangyari kahapon.
Binilisan kong magbihis. Nagtaka ako dahil una, desktop iyon at hindi uso ang low battery. Pangalawa, hindi brown-out. Pangatlo, upang mailock o ilagay sa "sleep" ang computer, kailangan may cocontrol nun dahil nasa start button 'yun. Hindi ko na lang pinansin at tumuloy na sa school. Unang sumalubong sa akin ang nagkukumpulan kong kagrupo pati na ang nanay ni Xandra. Ang sadya niya pala roon ay upang tanungin kami kung anong nangyari kasi pag uwi raw ni Xandra ay wala itong imik. Wala kaming kaide-ideya na may aaminin pala si Lyn sa amin.
"Kahapon, nakita ko rin yung anino ngunit hindi ko na lang ginatungan ang sinabi mo dahil baka mas lalo kayong matakot. Dalawa sila, kung tutuusin. Pagtapos nating pumunta ng simbahan, ang isa ay nakasunod kay Xandra."
Tumigil siya ng sandali at bumaling sa akin.
"Yung isa, yung nakita mo, sumunod sa'yo."
Nagtaasan ang balahibo ko at niyaya ko sila sa chapel upang magdasal muli. Biruin mo, hindi ako relihiyosong tao pero dasal talaga ang unang nakapitan ko. Nagpaalam na kami sa mama ni Xandra. Sinabi rin ni Lyn na manghingi kami ng tawad sa mga nagambala namin dahil sa magkahalong ingay ng musika at aming mga boses.— RIA
BINABASA MO ANG
Tres(Horror Stories Compilation)
HorrorThird installment of Horror Stories Compilation Compilation from FB Page Spookify. 100 Horror Stories Compiled and reposted here in Wattpad