Chapter 43: Break

84 5 0
                                    

DESTINY

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

DESTINY

Madilim ang paligid nang ako'y magising. Pakiramdam ko'y naalimpungatan ako kaya nagising ako nang ganitong oras. Wala sa sariling bumangon ako sa 'king kama saka inayos ang bahagyang magulong buhok ko.

Anong oras na?

Kinuha ko ang aking phone sa 'king tabi at sinilip kung anong oras na't napag-alamang alas tres na ng madaling araw. Wala pa ring laman ang tiyan ko't ngayon ko na nararamdaman ang pagkagutom kung kaya napagpasiyahan kong lumabas para bumaba at kumain tutal ay sigurado naman na akong wala ng tao sa baba maging sina Yaya Cha at Pia.

Maingat kong binuksan ang pinto ng aking kuwarto upang 'di makagawa ng anumang langitngit. Pagkalabas ay iniwan ko lang nakabukas ang pinto at dumiretso na sa baba.

Gaya ng inaasahan ko ay patay na ang lahat ng mga ilaw maliban sa lamp shade namin na ngayo'y nakabukas. Sapat naman ang liwanag sa baba para makita ko ang mga bagay, gayundin naman sa ref namin kapag binuksan ko kaya hindi ko na kinakailangang magbukas pa ng ilaw. Baka magising ko pa sila.

Dumiretso lang ako sa kusina para kumuha ng pagkain sa ref. Palibot-libot lang ang mga mata ko sa ref nang ito'y buksan ko para maghanap ng makakain. Laking tuwa ko na lang nang may makitang box ng doughnut kaya naman agad ko na itong kinuha at tinabi muna sa lamesa. Sunod ko namang binuksan an fridge namin para kunin ang isang tub ng ice cream. Kumuha na rin ako ng kutsara at tubig bago kumaing mag-isa sa lamesa.

Kain lang ako nang kain hanggang sa unti-unti akong makaramdam ng kabusugan at mapunan ang tiyan ko. Ngayon lang ako nakakaramdam ng kaginhawaan dahil sa kinakain ko ngayon. Kailangan ko na lang bilisan para makabalik din ako agad sa 'king kuwarto at ipagpatuloy ang naudlot na tulog.

"Kumain ka lang nang marami."

Bigla na lamang nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagtigil sa pagnguya nang marinig ang boses ni Kuya Dwayne sa harapan ko. Umangat ang tingin ko sa kaniya at gano'n na lang ako kabilis lamunin ng kaba at pagkailan sa takot na makatanggap na naman ng sermon mula sa kaniya.

"Pagpatuloy mo lang 'yan. Samahan lang kita. 'Wag kang mag-alala. Hindi kita sesermunan gaya ng inaakala mo," paniniguro niya dahilan para lumuwag ang pakiramdam ko't kahit papa'no'y magkaroon ng ngiti ang aking labi. Lumapit siya sa 'kin at nakiupo rin. "Penge nga ako ng doughnut," aniya pa't kumuha ng isang piraso sa box.

Hinayaan ko lang siyang kumain kaya naman tinapos ko na rin ang natitira kong ice cream. Maya-maya lang din ay nagsalita na naman siya.

"Kamusta ka na? Okay na ba ang pakiramdam mo?" nag-aalala niyang tanong.

Tumango naman ako. "Yup. Kumain na rin ako kasi nagugutom na talaga ako," tugon ko at sumubo ulit ng ice cream.

"Mabuti naman," sabi niya. "Pasens'ya na rin pala kanina, pero mabuti nang nalaman mo ang lahat. 'Wag mo na lang din masyadong damdamin ang lahat. You need to rest, Destiny."

"I know."

"Napag-isipan din naming dito ka muna sa bahay mag-aaral nang buong linggo para makapagpahinga ka. Pagkatapos n'on, p'wede ka na ulit pumasok," paliwanag niya sa 'kin.

"Naiintindihan ko naman. Hindi pa rin naman ako handang pumasok," sambit ko at tinapos na ang kinakain. Akmang liligpitin ko na ang mga pinagkainan ko ay bigla na lang akong pinigilan ni Kuya.

"Hayaan mo na lang 'yan d'yan. Ako na ang maglilinis niyan. Umakyat ka na ro'n sa k'warto mo't matulog ka na," awat niya sa 'kin sa 'king gagawin.

"Hindi ka pa ba matutulog?" Ako naman ang nagtanong sa pagkakataong 'to. "Alas tres na. Hindi ka pa rin ba inaantok? Saka ba't ka nandito? Dapat kasama mo si Ate Tiffany, ah?"

"Kakausap lang namin kanina sa video call. Naiintindihan naman niya ang sitwasyon mo ngayon kaya pinagpaliban muna namin ang mga dapat naming gawin. Next week na lang din ako pupunta sa kanila, pero sa susunod na mga araw, bibisita si Tiffany rito," mahaba niyang litanya sa 'kin. "Matutulog na rin ako maya-maya. Mauna ka na ro'n sa k'warto mo."

"Sige. Salamat. Goodnight."

"Goodnight din."

Wala na akong ibang sinabi pagkatapos n'on at nagtungo na sa 'king kuwarto. Nagmuni-muni lang ako saglit hanggang sa makatulog ulit ako.

***

"Destiny, may tumatawag sa 'yo sa baba!"

"Sandali lang!" pasigaw kong tugon.

Kasalukuyan akong abala sa ginagawa kong paint project na in-assign sa 'kin ni Prof. Hereo nang kumatok si Ate Dani kaya naman kaagad akong tumigil at ibinaba ang hawak na brush para pagbuksan siya.

"Ano?" tanong ko pagkabukas ng pinto.

"May naghahanap sa 'yo sa baba."

"Sino nga?"

"Bumaba ka kaya, 'no?"

"Sino nga kasi?"

"Bumaba ka rito," aniya at dumiretso nang bumaba.

Napabuntonghininga na lamang ako't wala nan ibang nagawa kundi ang sumunod sa kaniya sa baba hanggang makarating ako sa sala. Gano'n na lang ako magulat nang madatnan kong nakaupo sa couch namin sina Ryker at Tyson.

"Destiny," sabay nilang pagtawag sa pangalan ko.

"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" Hindi ko sigurado kung sa bastos bang paraan ang pagtanong ko kahit na hindi naman 'yon ang intensyon ko. "I mean, napadalaw kayo," pagtatama ko.

If this is about Lorenz, they would gain nothing here.

"Uhm, Destiny," ani Ryker.

Sa kaniya ako humarap.  "Bakit?"

"Kasi..." Naiilang pa siya sa kaniyang sasabihin at napakamot pa sa kaniyang ulo.

"Patungkol ba 'to kay Lorenz?" prangka kong tanong.

"Destiny, kasi..."

"P'wede ba, Ryker, tama na muna? Nagpapahinga ako. Kailangan kong magpalakas. Tama na muna 'yan," saad ko. "Hindi makakatulong ang sasabihin n'yo sa 'kin. Nag-aaksaya lang kayo ng oras dito."

"Pero, Destiny, para din sa 'yo 'to."

"Wala akong pake. Kung may gusto mang sabihin si Lorenz sa 'kin, kailangan niyang pumunta rito nang personal. Hindi 'yung gagamitin pa kayo kasi wala naman kayong mapapala sa 'kin," nagtitimpi ko pang pahayag. Hindi ko na sila hinayaan pang magsalita at basta ko na lang silang iniwanan do'n.

Padabog kong sinara ang pinto sa inis. Sinubukan akong kausapin ni Ate Dani pero maging siya'y hindi ko rin binigyang pansin.

Color Codes | Completed | Wattys2022 WinnerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon