EPILOGUE:
"Isang may dugong demonyo at isang aswang..."
Kambal ang anak namin ni Caelan. Normal naman ang lahat ng nangyari sa akin noong nagbubuntis ako, pero hindi ko inakalang magiging ganito ang sitwasyon...
"Iha, hindi maaaring magsama ang mga anak mo," anang matandang nagpaanak sa akin.
Para sa ikabubuti namin, pinili namin ni Caelan na umalis na sa Sitio Valiente. Hindi naman kami pinigilan ni Sir Raynaud pero binigyan niya kami ng basbas na hanggang ngayon ay pumuprotekta pa rin sa amin ni Caelan.
"Paano pong hindi pwede? Mga anak ko sila! Paano ko sila paghihiwalayin?"
Sobrang sakit sa kalooban ko na malamang hindi sila pwedeng pagsamahin. Ang mga anak ko, parehong lalaki.
"Ema, kapag nagsama sila, hindi magiging maganda ang resulta. Maaaring patayin ng anak mong aswang ang anak mong may dugong demonyo na gaya mo. Alam mo kung gaano katamis ang amoy ng dugo mo para sa mga kagaya ni Caelan... Ganoon din ang sa kanya," anang matanda.
"H-hindi iyon mangyayari. Kami ni Caelan, hindi niya ako kailan man tinangkang kainin! Ganoon din ang gagawin ko sa kanila, palalakihin ko sila nang sabay at ipapangaral kong hindi nila pwedeng saktan ang isa't isa."
"Ikaw ang bahala, Ema. Hindi ako nagkulang ng paalala sa 'yo."
Akala ko kaya naming palakihin ang mga anak namin nang normal. Na kaya naming ipasok sa isip nila na hindi pwedeng saktan ang isa't isa... Ngunit dahil parehong bata at walang mga muwang, isang trahedya ang naging tulay para tuluyan namin silang paghiwalayin.
"Mama! Papa! Si Callum! Mama! Papa!"
Kaagad na napabangon ako mula sa kama nang marinig ang sigaw ni Colson. Ganoon din si Caelan na mukhang nataranta at agad na bumaba ng kama.
"A-anong nangyayari?" kabadong tanong ko.
"Mama! Papa!"
Isang malakas na pagbagsak ang mas nagpataranta sa aming dalawa. Tuluyang tumakbo palabas si Caelan na agad kong sinundan.
"Callum?! Colson?!" sigaw ni Caelan.
Patuloy ang pagsigaw ni Colson habang isang malahayop na tunog ang pumapailanlang sa paligid. Ganoon ang isang aswang!
Sa pagbaba namin ng hagdan mula sa pangalawang palapag ay naabutan namin si Colson na nakaupo sa sahig. Mayroon siyang sugat sa pisngi habang si Callum... Si Callum ay naging aswang, ang mga mata niya, asbo, anyong aso kagaya ng kung ano ang mga taga-Sitio Valiente! Ito ang unang pagkakataong nakita ko si Callum na mag-anyong aswang!
"M-mama!" sigaw ni Colson.
Maging ako ay nataranta nang makita kung gaano katakot si Colson. Susugod na sana ako para iligtas siya ngunit pinigilan ako ni Caelan.
“Ako na ang bahala,” ani Caelan.
Kaagad na humarang si Caelan kay Colson, saktong dumamba naman si Callum kay Caelan na kaagad niyang sinalo.
Si Callum, sinubukan niyang sunggaban si Caelan pero sa lakas ng kanyang ama’y hindi niya ito kinaya. Nagawang pahigain ni Caelan si Callum sa sahig at hinawakan ang magkabila niyang balikat.
“Callum, anak, kumalma ka!” sigaw ni Caelan.
Pero patuloy pa rin na nagpupumiglas si Callum. Hindi ko na napigilan pa ang mapaluha habang tinitingnan ang anak kong hirap na hirap pigilan ang kanyang sarili. Habang si Colson ay tumakbo palapit sa akin, kaagad niya akong niyakap at sumubsob sa aking dibdib.
“Mama... Anong nangyayari kay Callum? Bakit gusto niya akong kainin?” Umiiyak na tanong niya habang mas hinihigpitan ang pagkakayakap sa akin.
“Pasensya na anak, pasensya ka na...” Bulong ko at hinalikan siya sa noo.
Ilang saglit pa ay tuluyang kumalma si Callum, kasunod no'n ay ang unti-unting pagbabago ng kanyang anyo pabalik sa pagiging tao.
Maliliit pa lang sila, ipinaalam na namin sa kanilang kakaiba sila. Na hindi sila normal na tao kagaya ng mga taong nakapaligid sa amin.
At ngayong gabi na nga nila tuluyang naintindihan ang ibig sabihin ng mga paalala naming dalawa. Para lang kumalma si Callum, dinala siya ni Caelan sa gubat at pinakain ng hayop.
Noong gabing iyon, mag-isa naming pinatulog si Callum sa kanyang kwarto habang si Colson ay sa kwarto naming mag-asawa.
“Kailangan na natin silang paghiwalayin,” ani Caelan.
Nakaupo kami pareho sa magkatapatang upuang kahoy. Habang nasa harap kami ng maliwanag at bilog na bilog na buwan. Kung hindi isang prinsipe ng mga aswang itong si Caelan, at kung wala akong proteksyon, malamang na kagaya ni Callum ay hindi niya na rin ito napigilan.
“Wala na bang ibang paraan? Kagaya ng pagpapasuot ng kwintas kay Colson?” Malungkot na tanong ko.
“Gagana lang ang kwintas kung may muwang na ang anak natin sa mga bagay-bagay tungkol sa sarili niya. At habang patuloy siyang nasa labas ng Sitio Valiente, hindi siya magagabayan nang tama... Ema, natatakot din ako.”
Malungkot na hinawakan ko ang kamay niyang nakapatong sa ibabaw ng kanyang hita.
“Caelan, please, gawaan natin ng paraan?”
Pero kahit na nakiusap na ako kay Caelan, wala pa ring ibang paraan kundi ang tuluyan ngang pakawalan silang dalawa.
Masakit para sa akin, at alam kong masakit din iyon sa kanya... Pero ito lang ang natatanging paraan para pareho silang lumaki nang maayos.
“Mama, babalikan n’yo ako rito ‘di ba?” Umaasang tanong ni Callum.
“Oo naman! Palagi kitang dadalawin,” nakangiting sabi ko.
Kahit ang totoo’y hindi ako sigurado. Dahil si Caelan na mismo ang nagsabing pwedeng pati ako ay saktan ni Callum sa oras na hindi niya makontrol ang kanyang sarili.
“Pangako ‘yan, Mama!”
“Pangako...”
Iniyakan ni Colson ang pag-alis ni Callum papuntang Sitio Valiente. Pero wala kaming nagawa kundi ang tiisin ang sama ng loob nila. Dahil alam namin na para iyon sa kanilang dalawa.
Marahang hinaplos ni Caelan ang buhok ko habang nakahiga ako sa kanyang bisig.
“Masarap sanang magkaroon ng babaeng anak,” ani Caelan.
“Oo, sana...”
“Pero hindi tayo sigurado kung tao, demonyo o aswang siya,” dagdag niya. “Ang hirap magkaroon ng komplikadong relasyon.”
Gumapang ang sakit sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Ang totoo, oo. Mahirap.
“Suko ka na ba?” mahinang bulong ko.
Marahang ngumiti siya sa akin at ibinaba ang ulo para abutin ang labi ko at gawaran ng malambing na halik.
“Hindi, Ema. Kailan ba kita susukuan? E masarap ka.”
Napangiti ako’t tuluyang hinawakan ang pisngi niya habang nakatitig sa kanyang mga mata.
“Parang noong una, sinabihan mo akong hindi masarap. Bakit ngayon, sinasabi mo ‘yan?”
“Dahil hindi pa kita natitikman noon. Ngayon, alam ko na... At hindi ako papayag na mawala ka kahit alam kong mahirap ang sitwasyon nating dalawa.”
Tuluyan siyang pumaibabaw sa akin at muli akong hinalikan sa labi.
“Mahal kita, Ema...”
“Mahal din kita, Caelan...”
—
AUTHOR’S NOTE: Ito na po ang ending ng kwento ni Ema at Caelan. Pasensya na po sa lahat ng naghintay ng matagal, naging exclusive writer po kasi ako sa ibang platform. Pwede n'yo pong i-check ang mga stories ko doon, sa Dreame. Sobrang thankful po ako dahil binasa n'yo ito hanggang dito.Balak ko pong gawa’n ng kwento si Colson at Callum. Pero sa takdang panahon po at hinuhulma ko pa 💗
Again, thank you!
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...