KABANATA 8:

710 42 3
                                    

KABANATA 8:

NANG MAKABABA AKO SA JEEP, patakbong pumasok ako sa loob ng bahay nila. Ni hindi ko pinansin ang amo ko na tatay nila, nagtatatakbo ako paakyat ng hagdan para dumiretso sa kwarto. Wala sa sariling niligpit ko ang lahat ng gamit ko dahil plano ko nang umalis. Hindi ko kakayanin ang ganitong klaseng lugar. Kung aswang pala silang lahat dito, bakit narito si Auntie Ida?! Isa pa 'yan sa ipinagtataka ko. . .

Nasa kalagitnaan ako ng pagliligpit nang bumukas ang pinto at pumasok mula roon si Auntie Ida.

"Pasensya ka na," iyan ang unang bungad niya sa akin.

Tumulo na naman ang mga luha ko, hindi ko na alam ang isasagot ko. Plano niya akong ipain sa mga amo niyang aswang? Ganoon ba 'yon?

"Pasensya na at hindi ko kaagad ipinaalam na hindi sila normal na tao rito. Inisip ko lang naman na makabubuting dito ka muna tumira."

Tumigil ako sa pagliligpit at lumingon kay Auntie Ida. "Paanong makabubuti? E, nilagay ninyo nga ho ako sa mas alanganing sitwasyon!"

"Ligtas ka rito, Ema. Mas ligtas ka rito kaysa sa mapang-aping mundo sa labas ng Valiente."

Hindi ako nakasagot. Oo at masyado na akong lugmok nang mawala si Mama. Na wala manlang tumatanggap sa akin kahit na kamag-anak naman nila ako. Pero mas pipiliin ko na lang tumira sa lansangan kaysa rito na siguradong araw-araw akong hindi sigurado kung mabubuhay pa ba ako.

"Kung magiging maingat ka, Ema, walang magiging gulo."

"Katulad ka rin ba nila? Kung tao ka bakit ka nandito? Paano mo nasabing ligtas ako rito?"

"Dahil nandito ako, Ema. Oo lugar ito ng mga aswang, pero Ema, hindi lahat ng nandito ay katulad nila. May mga tao rin tulad ko. May taong namamahala sa Sitio Valiente, mayroon ding katulad ko na nagtatrabaho para sa mga aswang. Hindi ka pa ipinapanganak, Amo ko na sila. At isa pa, ito ang bilin sa akin ng 'yong Papa."

Natigilan ako sa sinabi ng Auntie. Bilin ng Papa ko? Bilin niyang dalhin ako sa impyernong lugar na 'to?!

"Huwag mo sanang masamain, pero ang Papa mo, kaibigan siya ni Sir Reynaud. Ang may-ari ng bahay na 'to. Matalik na magkaibigan sila," ani Auntie Ida.

Mas lalo akong natigilan dahil sa sinabi ni Auntie Ida. Hindi ko alam kung maniniwala ako o hindi. . .

"Magiging ligtas ka rito dahil puprotektahan ka ni Sir Reynaud," dugtong niya pa.

Pagkatapos sabihin 'yon ni Auntie Ida, sa sumunod na mga oras ay nagkulong lang ako sa loob ng kwarto. Hindi ko lubos maisip kung paano nangyaring matalik na kaibigan ni Papa ang isang aswang. Paano nangyari 'yon? Paano nakarating sila Auntie sa Sitio Valiente? Ang daming tanong na gumulo sa isipan ko. . . Na kailangan ko ng sagot kaya napagpasyahan kong manatili.


CAELAN’S POINT OF VIEW:

"TANGINA, AYAN KA NA NAMAN, E!" reklamo ni Trebor matapos ko siyang pagsabihan.

"Kakakain mo lang kagabi, gusto mo na naman ulit? Pwede ba, Trebor minsan naman magtimpi ka!" bulyaw ko sa kaniya.

Kumamot siya sa ulo niya, halatang inis na inis sa akin. Wala akong pakialam kung magalit man siya. Ang inaalala ko ay huwag niyang pakialaman ang bata.

"Puta naman, hindi ko naman kakainin 'yon kuya!" pagdadahilan niya pa. "Hindi lang ako na-inform na hindi niya pala alam na puro aswang ang nandito? Tangina bakit kasi dinala 'yan dito na wala naman palang alam sa sitio."

Hindi ako sumagot. Sinamaan ko siya ng tingin katulad ng madalas na ginagawa ko para lang mapatahimik ko siya.

Nagtaas siya ng mga kamay bilang pag-suko sa akin. Alam kong matatakot siya kapag ganito na ako.

"Isa pa, hindi mo siya pwedeng galawin. Kapag ginawa mo 'yon, ako ang makakalaban mo."

Tuluyan ko na siyang tinalikuran at lumabas ng kwarto ni Trebor. Nagtiim-bagang ako at dumiretso sa dulong pinto ng pangalawang palapag ng bahay namin. Nang makarating ay nanatili muna ako ng ilang segundo sa tapat ng pinto. Pinakiramdaman ko muna. Ramdam kong mabigat ang loob niya ngayon. Naririnig ko ang bawat pagbuntong-hininga niya at ang malungkot na awra niya.

Bumaba ang tingin ko sa palad ko, hawak ko ang bagong kwintas na ipasusuot ko sa kaniya. Bilog at kulay pula ang pendant nito. Hindi na pwedeng 'yon ang isuot niya dahil siguradong ganoon pa rin ang mangyayari. Hindi ko inaasahan na ganito kabilis ang mangyayari. Paano pa kaya kung tumagal pa siya rito? Hanggang maaari, dapat wala siya sa lugar na 'to.

"Kumusta na siya?"

Napalingon ako kay Ama, bahagyang nagulat sa biglang pagsulpot niya.

"Hindi ko alam," sagot ko.

Ngumiti si Ama at tumango. Kinuha niya ang kwintas sa kamay ko at inangat niya iyon para titigan. "Alam mo ang hula sa atin 'di ba? Bakit gusto mo pa rin siyang ibalik sa kanila?"

Umangat ang tingin sa akin ni Ama.

"Sa tingin ko mas ligtas siya roon."

Umiling si Ama, hindi siya sang-ayon sa naging sagot ko. "Mamamatay siya sa gutom kapag naroon siya. Mas mabuting nandito ang batang 'yon. Sa akin siya pinagkatiwala kaya ako ang masusunod."

"Pero Ama. . ."

Ngumisi siya, "Sumunod ka na lang, bantayan mo na lang siya at nang matuwa ako sa 'yo."

Ibinalik niya sa akin ang kwintas at saka tinapik ang balikat ko. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko. Wala akong alam sa balak ni Ama.

Pero alam ko na kung ilalayo ko ang taong 'yon sa lugar na 'to, mas mapapabuti siya.

Ayokong may madamay na inosenteng buhay dahil sa isang hula.

Isang hula na walang kasiguraduhan.

Tuluyan kong binuksan ang pinto at naabutan siyang mahimbing na, na natutulog sa ibabaw ng papag sa ilalim ng double deck.

Dahan-dahan akong lumapit, dumungaw ako sa kaniyang mukha. Kamukha siya ng Mama niya, buti na lang. Dahil kung kamukha siya ni Uncle Efren, hindi ko na alam. . .

Inalis ko ang suot niyang kwintas, ilang beses kong pinigilan ang sarili ko nang maamoy ko ang bango ng kaniyang puso. Ang amoy ng dugong nananalaytay sa kaniya. . . Parehong-pareho.

Huminga ako nang malalim at isinuot ang panibagong kwintas. Kamuntikan pa siyang magising dahil doon pero dahil yata sa pagod, hindi siya nagising.

Tumayo ako nang maayos at tuluyang lumabas ng kwarto. Hindi totoong hindi siya masarap, hindi ko masisisi si Trebor. Dahil kahit may suot na siyang pananggalang, nakakapanabik pa rin ang amoy niya.

Napailing na lang ako.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon