KABANATA 31:

565 35 4
                                    


KABANATA 31:

NAPATITIG AKO SA KANIYA MATAPOS niyang sabihin ang mga salitang 'yon.

"Kailangan mo pa bang ipagmalaki?" mapait na tanong ko sa kaniya.

Nabigla siya sa sinabi ko. Ang kaninang mapagmalaking ekspresyon sa mukha niya na kaya niya nang kontrolin ang sarili ay nag-iba. Lumambot iyon bigla.

"H-hindi ko—"

"Alam mo ba kung ilang sugat pa ang hindi pa tuluyang magaling sa likod ko? Tapos susugatan mo lang ako ulit." dagdag na tanong ko pa.

Hindi ko na siya hinayaang sagutin pa ang sinabi ko. Kailangan kong bumalik sa kwarto para gamutin ang sugat na ginawa niya dahil kapag hinayaan ko 'yon, pwedeng maamoy ng ibang aswang. Papasok na sana ako ulit sa kwarto pero hindi ko iyon nagawa dahil ikinawit niya ang kaniyang braso sa beywang ko pagkatapos ay binitbit.

"S-sir!" gulat na tawag ko sa kaniya.

Hindi niya ako pinansin. Dire-diretso siyang naglakad hanggang sa makapasok kami sa loob ng kwarto niya. Teka nga, galit ba siya?

"S-sir, ano ba? Kailangan ko pang magtrabaho!" reklamo ko.

Ibinaba niya ako at pinaupo sa kama, tumitig sa akin at saka bumuntong-hininga. Tatayo na sana ako pero isang salita niya lang, napatigil na ako.

"Huwag kang tatayo r'yan, babalik ako."

Yumuko ako at pinaglaruan ang mga daliri kong nakapatong sa mga hita ko. Bakit ba ganyan siya palagi? Bakit kailangan palagi niya akong tinatakot nang ganito? Alam niyang takot ako sa kaniya pero mas lalo niya akong tinatakot. Sinasadya niya bang mas matakot ako sa kaniya?

Nang makabalik siya ay may dala na siyang kahon, naupo siya sa tabi ko at hinawakan ang balikat ko.

"Tumalikod ka," aniya.

Halatang utusan niya ako dahil kusa akong pumihit patalikod sa kaniya.

"H-hubarin mo ang damit mo," utos niya.

Napalunok ako. "A-ano?!" hindi makapaniwalang tanong ko.

Haharap sana ako sa kaniya pero hindi niya ako hinayaan. "Sabi ko h-hubarin mo ang damit mo," mas malambing ang tono niya.

"B-bakit?! A-anong gagawin mo."

"Huhubarin mo ba o ako na lang maghuhubad para sa 'yo?"

Kagat-labing dahan-dahan kong hinubad ang suot kong damit. Nanginginig pa ang mga kamay ko dahil sa kaba. Bakit niya ba ako pinapahubad ng damit? Kailangan ba talaga 'to?

Nang tuluyan kong nahubad ang damit ko, isang kumot ang bumalot sa harapan ko. Tinakpan niya iyon pero nakikita niya pa rin ang likod ko.

"A-ano ba kasing gagawin mo?" tanong ko ulit pero bago pa man niya sagutin, naramdaman ko na ang paghaplos ng mga daliri niya sa likuran ko.

Napatigil ako roon. Mukhang gagamutin niya yata ang mga sugat ko. Pero kagagamot ko lang 'non kanina. Kailangan ko bang sabihin na ginamot ko na 'yon? Pero nahihiya ako. . .

"Pasensya ka na sa ginawa ko kanina, nakalimutan kong iba ka sa amin," sabi niya habang abala sa pagpapahid ng kung ano sa sugat ko.

Wala akong kahit anong itinapal sa mga sugat ko dahil pagaling naman na 'yon at hindi ko kayang takpan.

"Dapat tinatakpan mo ito," aniya.

Hindi ako sumagot. Hinayaan ko siyang magpatuloy sa ginagawa niya. Wala akong masabi dahil nahihiya talaga ako at nasasaktan habang idinadampi niya ang alcohol sa sugat ko. Nakapikit ako at pakiramdam ko'y nag-iinit ang pisngi habang patuloy niya iyong ginagawa.

Ihinuli niyang gamutin iyong sinugatan niya kanina. Naging tahimik siya sa parteng 'yon, hindi na siya nagsasalita dahil panay ang pagdaing ko habang ginagamot niya.

"Natatakot ka ba sa akin?" biglang tanong niya habang tinatakpan ang sugat ko.

Marahan akong tumango. Kung sasabihin ko ba kasing hindi ako natatakot, mas maigi ba?

"Hindi ko sinasadyang matakot ka, ayokong matakot ka pero kahit ano yatang gawin ko, matatakot at matatakot ka sa akin."

Natapos na siya sa paggamot sa sugat ko, alam ko 'yon at imbes na magbihis, naghihintay ako ng utos.

"Ema, sa susunod na buwan na ang kaarawan mo 'di ba?"

Napalingon ako sa kaniya dahil 'don. Gusto ko sanang tanungin kung paano niya nalaman pero alam ko naman na marami siyang paraan.

"B-bakit?"

Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko 'tsaka siya tumayo. "Magbihis ka na, bukas ako ulit ang maglilinis ng sugat mo."


Buong araw kong iniisip kung bakit niya tinanong kung sa susunod na buwan na ang birthday ko. Nasa legal na edad na ako 'non. Plano ko nga sanang umalis na sa lugar na 'to pagkatapos kong makatuntong legal na edad. Pero hindi ko iyon magawa dahil nga sa sitwasyon ko ngayon.

Matapos ang lahat ng gawin, katulad ng araw-araw na nangyayari, namalagi ako sa kwarto habang hinihintay si Auntie. Madalas kasing alas sais ng hapon, nagluluto na si Auntie at nag-aakyat na lang siya ng makakain namin dito.

Sinamantala ko 'yon para silipin ang cellphone ko. Sunod-sunod ang mensahe ni Rave doon. Tatlong mensahe iyon.

From Rave:
May naisip ka bang plano?

From Rave:
Alam kong alam mo na ang tungkol sa hula.

From Rave:
Bakit hindi ka nagrereply? Ang tagal naman, excited na akong simulan 'to.

Sumulyap ako sa pinto at nagmamadaling nagtipa ng isasagot. Kahit sa totoo lang ay nangangapa pa talaga ako.

To Rave:
Pasensya ka na, ngayon ko lang nabasa ang text mo. Ang plano ko sana, hanapin si Ora. Nalaman kong siya iyong manghuhula kaso lang namatay na raw siya. Kaya hindi ko alam kung paano ako magsisimula.

Pagkasend ko 'non, kaagad kong itinago ang cellphone. Hindi pwedeng hawakan iyon nang matagal dahil hindi ko alam kung kailan papasok si Auntie Ida. Sana lang talaga at totoong mapagkakatiwalaan ko sila Rave. Sa totoo lang ay alangan pa ako sa kanila. Pero wala namang masama kung susubukan kong magtiwala.

Nang dumating si Auntie Ida, kumain kami at sandaling nag-usap. Kung anu-anong lang. Sinusubukan kong makakuha ng impormasyon pero hindi niya ako hinahayaan.

Hinintay ko siyang makatulog. Mga ilang minuto rin, nagpasya akong magtalukbong ng kumot at kinuha ang cellphone na nasa ilalim ng unan ko.

Nakita kong may reply na si Rave.

From Rave:
Buhay pa ang anak niya, susubukan ko siyang hanapin. Maghintay ka lang, sisimulan na natin 'to.

Pero teka. . . Parang may mali. . .

Nagtipa ako ng reply sa kaniya bago ako matulog.

To Rave:
Gusto ko munang malaman kung anong klaseng ganti ang pinaplano mong gawin?

Naghintay ako ng halos ilang minuto. kung ano ano pa ang pinindot ko bago nagpasyang i-o-off ko na ang cellphone pero bigla siyang nagreply.

From Rave:
Katulad ng hula, gusto kong maubos ang lahi ng mga aswang sa Baryo Guerrero.

Ibig bang sabihin nito, may plano siyang ipakain ako sa mga aswang? Pinagloloko ba ako ng isang 'to?!

Muli siyang nagtext sa akin.

From Rave:
Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaang mamatay ka. Gagawa tayo ng paraan, magtiwala ka lang sa akin.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon