KABANATA 15:
HABANG NASA SALA KANINA at naghihintay na balikan ako ni Sir Caelan, pinag-isipan kong mabuti kung paano ko diretsong tatanungin sa kaniya ang gusto kong malaman. Mabuti na lang ay umalis na iyong lalaki pagkatapos niyang sabihin na baka kainin niya ako kung hindi lang dahil sa hula.
Ang pagiging matalik na magkaibigan nila Papa, kung paano napunta ang pamilya namin sa lugar na 'to, iyong hula at kung bakit ayaw nila akong paalisin maliban sa nanay nila Sir Caelan. Marami pa akong gustong itanong, pero iyan ang mga tanong na gustong-gusto kong malaman sa ngayon.
“Pwede naman siguro akong magtanong. . .”
Iyon ang una kong ibinungad sa kaniya nang makalabas kami ng mataas na gate.
Hindi siya sumagot pero kahit na ganoon, desidido na akong magtanong at malaman ang lahat ng gusto kong malaman.
“Paano naging matalik na magkaibigan si Papa at si Sir Reynaud?”
Nilingon ko si Sir Caelan at naghintay ng sagot pero hindi niya iyon pinansin, patuloy siyang nakatingin sa daan habang nagmamaneho.
“Paanong napunta kami sa lugar na 'to? At paano kami naging banta? Pakiusap Sir Caelan, hindi ko na alam. Hindi na ako makatulog sa kaiisip sa lahat ng 'to!”
Hindi ko na napigilang mapasigaw. Hindi niya ako sinasagot na mas lalong nagpapatindi ng kuryosidad ko! Nakakapagod manghula kung hindi ka naman manghuhula. At kahit anong ideya kung paano ko malalaman ang lahat ay wala ako!
Inihinto niya ang sasakyan at humugot ng malalim na hininga. Pumikit siya nang mariin bago ako nilingon.
“Gusto mong malaman?”
“O-oo. . .”
Naging seryoso ang boses niya. Bagamat seryoso naman siya palagi, mas nakakatakot ngayon. Palakas nang palakas ang pagkabog ng puso ko habang hinihintay ang kaniyang sagot.
Nabigla ako nang bigla siyang lumapit sa akin. Gamit ang nanlalaking mga mata ko’y nasalubong ko ang kaniyang mga mata. Baliktad ang repleksyon ko sa mga mata niya. . . Kaunting distansya na lang ay mag-aabot na ang mga tungki ng ilong naming dalawa. Pakiramdam ko bumagal ang paghinga ko.
Ilang beses siyang napalunok, bumaba ang tingin niya sa leeg ko at hinawakan ang kwintas na nakasabit sa leeg ko.
“Kapag inalis ko 'to, siguradong lahat ng aswang na narito, hahanapin ang amoy mo,” nag-angat siyang muli ng tingin sa mga mata ko. “At kapag sinugatan kita, mamamatay kang pinagsasaluhan ng mga aswang.”
Bumilis pa lalo ang pagtibok ng puso ko. Nag-uunahang pumatak ang mga pawis ko sa noo dahil sa labis na kaba. Nanuyo rin ang lalamunan ko, halos hindi na ako makapagsalita.
“At sa oras na kinain ka ng mga aswang na gutom sa 'yong laman,” tumigil siya sa sinabi niyang 'yon at binitiwan ang kwintas na nakasabit sa aking leeg. “Mababaliw ang aswang na makakatikim kahit ni patak ng dugo mo. Kapag nabaliw ang isang aswang, hindi siya titigil hangga’t hindi siya nakakakain nang mas maraming laman at kapag nangyari 'yon, tiyak na matutuklasan ng lahat ang tungkol sa lahi namin.”
Ang pinipigil kong paghinga ay nailabas ko nang lumayo siya sa akin. Pero may isa pa akong tanong. . .
“Bakit? Paanong magiging gano’n kalakas ang epekto ko sa mga aswang?”
“Bawat unang anak sa salin-lahi ng pamilya n’yo ay may dugong katulad mo, kakaibang dugo na nagpapabaliw sa mga aswang na katulad ko.”
Napangisi ako. “Kung ganoon, paano kami napunta sa lugar na 'to?! Paanong naging kakaiba ang dugo ko?!”
Umiling siya, “Mahirap ipaliwanag, pero ang alam ko lang, dumating ang pinakaunang lalaking may dugo na katulad mo dito sa lugar namin, ilang daang taon na ang nakalipas. Mahabang istorya, pero para paiksiin. Naging matalik na kaibigan ni Ama si Uncle Erwan dahil malaki ang itinulong ni Uncle kay Ama.”
Napalunok ako. “Uncle Erwan?”
Natigilan siya sa huling naging tanong ko. Dinilian niya ang labi niya at nag-iwas na ng tingin sa akin para tumingin sa daan.
Hindi ko alam kung bakit iniwasan niya na ang tanong kong iyon, pero isa lang ang sigurado ako. . .
Kilala niya, at naabutan niyang buhay ang Papa ko.
-
CAELAN POINT OF VIEW:“Sinabi mo sa kaniya ang tungkol sa dugo niya?” gulat na tanong ni Ama nang sabihin ko iyon.
Tumango ako, “Opo. Sa tingin ko karapatan niyang magkaroon ng kahit konting kaalaman.”
Napailing siya, “Alam niya ang tungkol sa hula?”
Umiling ako, sa parteng 'yon hindi ko pa dapat sabihin. Ayokong malaman niya ang isang hula pa lang at hindi pa alam kung totoo bang mangyayari.
“Anong sabi ni Timon? May magagawa ba para iwasan 'yang putanginang hula na 'yan?”
Bumuntong-hininga ako, “Ama, sa totoo lang umamin sa akin si Uncle Timon. Na para bang nag-uumpisa na. Iyong nanghula sa atin, hindi lang siya basta-bastang tagahula. Siya ang gabay ng buong angkan natin sa loob ng ilang dekada. Ani Uncle Timon, kausapin natin ang anak ng manghuhula. Nasa labas siya ng Baryo Guerrero pero hindi pa alam kung nasaan. Ayaw niya nang masangkot pa kaya tumakas.”
Napahawak si Ama sa kaniyang noo. Tila mas lalong namroblema sa lahat ng nangyayari.
“Hindi ba pwedeng ilayo na lang natin si Ema dito sa Sitio Valiente? Sa tingin ko mas maiiwasan—”
“Hindi pwede, kapag inilayo mo pa si Ema sa ganitong nalalapit na, mapapahamak tayong mga aswang na nakatira dito sa Baryo Guerrero.”
“E, kung lumipat na lang tayo, Ama?”
“Lilipat tayo nang dahil sa kaniya? At hindi mo ba naisip na baka makadamay tayo ng ibang aswang?”
Maski ako ay namroblema. “Kasalanan ko 'to. . .”
“Wala kang kasalanan, hindi kasama ang ginawa mo noon.”
Kung sana nga talagang walang ugnay iyong nangyari sa akin noon sa nangyayari ngayon. Kung sana lang pero. . .
Alam ko na may koneksyon iyon, alam ko.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...