KABANATA 48:
EMA POINT OF VIEW:
HINDI KO ALAM KUNG SAAN ako pupunta. Hindi ko na gugustuhin pang makitira kila Tiya Mabel dahil ayokong madamay sila. Kailangan kong lumayo, gumawa ng sarili kong buhay mag-isa. At kung may makasalubong man akong aswang, ako lang ang mapapahamak.
Hinayaan na niya ako. Akala ko susunod siya o mas pipigilan pa ako pero hindi niya ginawa. Pabor naman sa akin 'yon pero hindi ko lang talaga alam kung bakit may parte sa akin na sana manlang mas sinubukan niyang pigilan ako. Alam kong mas makabubuti ito para sa lahat, pati na rin kay Caelan pero hindi ko lang talaga naiwasang isipin.
Mabuti na lang at nasa tamang edad na ako. Pwede na akong magtrabaho kaya hindi ko na 'yon magiging problema. Ayos na ako sa kahit ano, basta iyong pwede akong tumira at makakakain ako nang maayos, papatusin ko.
Mula Baryo Guerrero, lumipat ako ng lungsod. Medyo malapit lang pero pinili ko 'yong lugar na pakiramdam ko ay hindi na pamumugaran ng mga aswang. Kahit pagod at gutom, talagang sinubukan kong mag-ikot-ikot sa mga restaurant at bar kung mayroon bang pwedeng pag-apply-an. Ilang kainan ang pinasukan ko, ilang bar ang sinubukan ko pero marami kasing requirements ang kailangan.
Bumuntong-hininga ako at huminto sa paglalakad nang may makita akong isang restobar na naghahanap ng waitress. Pinunasan ko ang pawis ko dahil ilang beses na akong umikot sa lugar. Hindi pa maganda ang pakiramdam ko, sa totoo lang pero kailangan kong maghanap ng matitirhan at mapagtatrabahuan. Maggagabi na at kung wala akong mahahanap, siguradong matutulog ako sa kalye. Nagmadali akong pumasok sa loob at sinubukang mag-apply. Kaunti na lang ang pera na natira sa akin, kailangan kong tipirin ito at kailangan bago maubos, may makuha na akong trabaho.
“Magandang tanghali po,” bati ko roon sa baklang sumalubong sa akin pagkapasok ko pa lang sa loob.
“Apply ka neng?” tanong niya.
Kulay pula ng buhok niya at maiksi, morena at medyo sarat ang ilong.
“Opo, waitress po. . .”
“Sige magsimula ka na mamaya,” anito at saka ngumiti.
Nagulat ako. “Ganoon po kabilis? Hindi n’yo po ba tatanungin kung ilang taon na ako o kahit hingiin ang birth certificate ko po?” takang tanong ko.
“Desi-otso ka naman na 'di ba? O edi mamaya mag-umpisa ka na. Kailangang-kailangan ko na kasi, e.”
Tumango ko at luminga sa paligid. Tiningnan ko, baka kasi illegal ang restobar na ito kaya mabilis akong kinuha.
“Gusto mo bang makita ang business permit ko? Parang naghihinala ka yata, e?” masungit na sabi niya.
Mabilis na napailing ako. “H-hindi po! Ang totoo, magtatanong po sana ako kung pwede po ba akong mag-stay in?” pag-iiba ko ng usapan.
Kasi ang totoo, hindi ko kayang mangupahan lalo na sa lagay na 'to.
Bumuntong-hininga siya, “Abusada ka gurl, tinanggap na nga kita, stay in pa ang gusto mo?”
Napayuko ako dahil sa hiya, “Ayos lang naman po kung hindi pwede. . .”
Umirap siya, “Ayos lang, basta ayaw ko lang ng makati ang kamay ha? May kwarto doon sa pinakadulong pinto, doon sa tabi ng CR! Doon ka na muna.”
Masaya ako na kahit papaano, may trabaho na ako ngayon at may matitirhan. Hindi ko nga lang alam kung ligtas ba ako rito. Pero bahala na, gusto ko na lang munang isipin ang ngayon, bahala na bukas.
Pagkapasok ko sa kwarto, mukhang bodega iyon. May ilaw pero kulay dilaw kaya masakit sa mata. Maraming mga kahon na nakatambak at may tumakbo pang maliit na daga. Napailing na lang ako at napagdesisyonang linisin iyon. Nagwalis ako at iginilid ang mga karton na nakakalat lang sa lapag. Ayos na 'to kaysa wala. . .
Halos isang oras yata akong naglinis doon bago ako natapos. Pagkatapos 'non ay natulog na ako.
Kulang na kulang pa ang itinulog ko nang katukin ako ng bakla na magiging boss ko.
“Ano nga palang pangalan mo? Nakalimutan kong itanong,” aniya.
“Ema po, sir," maayos na sagot ko.
“Sir?! Oh my gosh, tawagin mo akong Ma’am kung ayaw mong palayasin kaagad kita rito. Ma’am Elsa.”
Ngumiti ako kahit medyo naging ngiwi yata ang dating 'non.
“O-opo Ma’am Elsa.”
Kaya pala mabilis na tinanggap niya lang ako sa restobar niya ay dahil wala siyang ibang waitress kundi ako lang. Siya lang din ang nagluluto sa tuwing may o-order. Kami lang dalawa rito at sobrang nakakapagod.
Sa loob ng isang buwan, nakasama ko si Ma’am Elsa. Masungit siya, mainitin ang ulo, bungangera kaya siya iniiwanan ng mga dati niyang waitress. Isa pa, masyado niyang pinapagod ang mga nagiging waitress kaya hindi nagtatagal. Medyo malaki naman ang sahod kaso nga lang nakakapagod. Kung may mapupuntahan nga sana ako, baka umalis na ako rito. Kaso wala naman kaya nagtitiis na lang ako.
“Baka naman iwanan mo rin ako gaya nila?” tanong niya sa akin.
“Saan naman po ako pupunta kung gano’n?” balik-tanong ko naman kay Ma’am Elsa.
“Ikaw lang ang tumagal sa akin, alam mo bang tatlong taon na ang restobar ko na papalit-palit ako ng waitress? Nakakaimbyerna, ang aarte ng mga gaga!” aniya.
Bahagya akong natawa, kasalukuyan kaming nag-aalmusal. “Kung may mapupuntahan lang din po ako, aalis na rin ako rito.”
“Bakit ba? Ano bang mali sa akin? Kapalit-palit ba talaga ako?”
Ngumiti na lang ako at nilagok ang kapeng iniinom ko. Ang totoo, kulang na kulang talaga ako sa tulog. Masama rin ang pakiramdam ko, hindi ko alam pero nagiging madalas na 'to. Alas tres na kasi ng madaling araw nagsasara ang panggabing restobar ni Ma’am Elsa. Medyo okay 'yon sa part ko dahil hindi ako magambala ng mga aswang. Dahil halos 4:30 na ako ng umag kung matulog.
“Ayos ka lang ba? Bakit namumutla ka yata?” tanong niya sa akin. “Kailangan ko na ba talagang magdagdag ng tao? Pero sayang ang kita na ibabayad ko roon!”
Napailing ako, “May pamilya po ba kayong sinusuportahan kaya kailangan nyo ng malaking pera?” tanong ko.
“Naku, Ema. Kung alam mo lang, ang saya nga ng buhay mo at wala kang inaalala kundi ikaw lang!”
Nagtawanan kaming dalawa. Sa totoo lang, hindi ko inakala na makakatagpo ako ng katulad ni Ma’am Elsa. Oo, akala ko noon talagang masungit siya at masama ang ugali, pero habang tumatagal napagtanto kong pagod lang siya. Parang naging nanay na rin siya sa akin.
Pagdating ng hapon, mas tumindi ang sama ng pakiramdam ko. Pero dahil kailangan kong magtrabaho, tiniis ko 'yon at naligo, umasang baka mawala iyong sama ng pakiramdam ko.
Pero sa kalagitnaan ng trabaho, hindi na kinaya ng katawan ko, saktong pagkalabas ko ng kitchen, bumigay ang katawan ko, nanlabo ang mga mata ko at saka ako hinimatay.
Nagising na lang akong pakiramdam ko ay nakalutang ako sa ere. Para bang may nagbubuhat sa akin.
“Sir? Sir ano ka ba? Sino ka ba hoy! Waitress ko 'yan! Huwag mong tangayin 'yan!” reklamo ng boses ni Ma’am Elsa.
Dahan-dahan akong nagmulat ng mata at unti-unting naaninagan ang mukha ng taong bumubuhat sa akin.
“Naglayas 'to sa bahay namin. Asawa ko 'to! Matagal ko nang hinahanap kaya pwede ba tumigil ka na nga r’yang bakla ka! Iuuwi ko na 'tong asawa ko,” aniya.
Nang tuluyang maidilat ko ang mga mata ko, saktong naipasok niya ako sa loob ng kotse.
“P-paanong?!” gulat na tanong ko.
Umikot siya sa kotse at mabilis na sumakay sa driver's seat.
“Tangina, hanap ako nang hanap sa 'yo, dito lang pala kita makikita.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...