KABANATA 30:

707 31 4
                                    

KABANATA 30:

PAGKABUKAS KO NG CELLPHONE may lumabas na message sa screen. Pero hindi ko alam kung paano gagamitin lalo pa at bagong model yata ito—touchscreen.

Nang pindutin ko iyon pataas, katulad ng itinuturo ng cellphone, lumabas ang mensahe mula kay Rave.

From Rave:
Pag-aralan mo 'yan. Text lang tayo, hindi pwedeng tawag, baka marinig ka nilang magsalita mag-isa. Baka sabihin, baliw ka. Inilagay ko na rin 'yan sa silent mode para hindi maingay kung magtext man ako.

Ang galing na talaga ng technology. At ang galing na akala ko hindi ako makakahawak ng ganitong klaseng cellphone sa buong buhay ko. Napangiti ako at sinubukang pindutin ang screen, ang mga naka-display doon at kung anu-ano pa. Nakakaaliw, sinubukan ko nga ring kumuha ng litrato. Ang saya! Nakakaaliw siyang gamitin. Hindi pa man ako nagsasawa sa kagagamit ng cellphone, nabigla ako nang may pumihit sa seradura ng pinto. Si Auntie 'yon!

Nagmamadaling itinago ko sa ilalim ng unan ang cellphone nang bumukas na ang pinto. May susi siya kaya kaya niyang makapasok kaagad.

“Bakit nagsara ka pa ng pinto?” takang tanong niya pero hindi naman siya mukhang naghinala.

“Nagbihis po kasi ako, Auntie,” sagot ko at saka nag-iwas ng tingin sa kaniya.

Marahan siyang tumango at saka umakyat sa hagdan paakyat sa higaan niya. Nang makaakyat siya, humiga na rin ako at tumitig sa kahoy na papag.

“Auntie. . .” tawag ko sa kaniya.

“Hmm?”

Halatang pagod ang boses niya.

“Ilang taon ka na po?”

Bahagya siyang natawa sa tanong kong 'yon. “Singkwenta’y singko. Bakit mo naman  natanong?”

Itinaas ko ang braso ko at inabot ang plywood na nagpapagitan sa itaas at baba ng papag. Gumuhit-guhit ako roon gamit ang mga daliri ko.

“Bakit po hindi kayo nag-asawa?”

Kanina ko lang 'to naisip. Kung bakit hanggang ngayon nananatili siyang dalaga. . .

“Ang hirap kasing mag-asawa,” aniya sabay tawa.

“Pwede ka pong umalis sa lugar na 'to, hindi ba? Pero bakit pinipili mong manatili?”

Nawala ang natatawang tinig niya pagkatapos ng tanong na 'yon. Pagkatapos. . .

“Matulog ka na, huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano.”

Sigurado akong may dahilan kung bakit nananatili siya rito. Kung ako ang nasa posisyon niya, matagal na akong umalis sa impyernong lugar na 'to.


Pagmulat ng mga mata ko, katulad ng madalas na oras ng gising ko—alas kwatro. Siniguro kong itago ang cellphone na bigay sa akin ni Rave. Tinago ko 'yon sa bag ko, sa loob ng kulay pulang pouch na bigay sa akin ni Mama noong nag-aaral pa ako. Pagkatapos ay lumabas na ako ng kwarto para maligo. Sa tatlong buwan ko dito, pagkagising ko, diretso na ako ligo kaysa naman makisabay pa ako sa kanila.

Ewan ko ba, ang laki ng bahay nila, pero walang sariling banyo ang kwarto ni Sir Caelan at Sir Trebor. Hindi ko lang alam kung bakit.

Nasa tapat na ako ng banyo nang may mapansin akong nakaupo roon sa may sala. Hindi pa nakabukas ang ilaw at tanging iyong ilaw lang sa labas at ang liwanag ng papaangat na araw ang nagsisilbing liwanag. Kinakabahan man, kuryosong naglakad ako palapit doon.

Unti-unti akong lumapit, ilang hakbang na lang sana ay makakarating na ako pero natigil ako nang makita kung sino ang naroon. . .

Nakasandal ang ulo niya sa sofa habang nakapikit at bahagyang nakaawang ang labi. Unti-unting kumabog ang dibdib ko, nanlaki ang mga mata nang makitang may babaeng nakaluhod sa harap ni Sir Trebor!

Napigil ko ang hininga ko.

Anong. . .

Anong ginagawa nila?!

Aatras na sana ako nang may biglang nagtakip ng mga mata ko.

“Kahit saan na lang ba talaga?” tanong ni Sir Caelan, siya ang nagtakip sa mga mata ko! Nakarating na siya?!

“Shet!” narinig kong mura ni Sir Trebor. “Teka!”

Walang humpay ang pagkabog ng puso ko lalo na nang pihitin ako paharap ni Sir Caelan sa kaniya. Inalis niya ang pagkakatakip sa mga mata ko.

“M-may nakita ka?” tanong niya.

Napakagat ako sa labi ko at saka marahang umiling. Ginulo niya ang buhok ko pagkatapos 'non at saka ngumiti.

“Pasok ka na sa loon ng banyo. Pasensya ka na sa kapatid ko, wala talagang pinagbago,” aniya.

Mabilis na tumakbo naman ako papasok ng banyo dahil sa kabang naramdaman ko. Hindi ko inasahan na makakasaksi ako ng ganoo! Napakawalang-hiya talaga ni Sir Trebor.

Pagkatapos kong maligo, umakyat na ako ng kwarto. Saktong palabas naman si Auntie. Naisip kong magkakaroon na ako ng dahilan para i-lock ang pinto.

“Auntie! Maliligo ka na?” tanong ko.

Tumango lang siya at saka ako nilagpasan. Mukhang mali yata talaga ang naitanong ko kagabi. Tama nga ang sinabi ni Rave, hindi ko dapat pagkatiwalaan maski ang sarili kong Auntie.

Pagkapasok ko sa kwarto, kaagad ko 'yong ini-lock at inunang kunin ang cellphone sa loob ng bag. Kahit nahihirapan, sinubukan kong magtipa ng mensahe kay Rave. Napag-aralan ko 'yon kagabi noong nakatulog na si Auntie.

To Rave:
Payag na ako.

Iyon lang ang sinabi ko pero halos isang minuto o dalawa pa ang inabot ko sa pagtitipa. Pagkatapos 'non ay muli kong itinago at nagbihis.

Pagbukas ko ng pinto, kamuntik na akong atakihin sa puso nang biglang lumitaw si Sir Caelan sa harap ko. Seryoso ang mga mata niyang ipinukol sa akin.

“Dumalaw raw dito si Rave kahapon. Bakit?” tanong niya.

Nanlaki ang mga mata ko. Kaagad?

“Paano mo nalaman?”

Hindi niya 'yon pinansin, “Bakit nga?”

“Kinumusta nila kung ayos lang ako. Sila ni Rayah ang nagligtas sa akin noong kamuntikan n’yo na akong kainin,” sagot ko.

Natigilan siya sa sinabi ko. Parang kinain yata ng konsensya dahil sa sinabi ko. Dapat lang na makonsensya siya!

“Marami pa ho akong gagawin Sir,” paalam ko at diretsong nilagpasan siya.

Pero bago pa man ko makalagpas, napahinto ako nang may kung nong matulis na bagay ang gumuhit sa balikat ko. Nakaramdam ako ng hapdi.

Dahan-dahan kong nilingon si Sir Caelan. Seryoso pa rin ang mga mata niya ngayon.

“Ngayon masasabi ko na ulit, hindi masarap ang dugo mo,” aniya at saka dinilaan ang kuko niyang ginamit para sugatan ako.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon