KABANATA 42:
RAVE POINT OF VIEW:
SINUBUKAN KONG TUMAYO. Kahit na halos nanginginig na ang katawan ko dahil sa ginawa niya sa akin, pinilit kong bumangon.
"Rave! Anong gagawin natin? Hindi na ba matutuloy ang plano?" takot na tanong sa akin ng Alkalde.
Itinukod ko ang kamay ko sa sahig at saka idinura ang dugong namuo sa bibig ko.
"Oo! Putangina ka, halos mamatay na ako rito, inuna mo pang isipin 'yan!" inis na mura ko sa kaniya.
"Huwag ka namang ganyan, napag-usapan natin 'to, e. Sabi mo sagot mo ang lahat ng responsibilidad lalo na kapag may nangyaring masama sa akin kaya iyon ang inasahan ko," aniya.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, "H-huwag kang mag-alala at mangyayari ang lahat ng plano natin."
Inangat ko ang kamay ko at tinulungan niya naman kong tumayo. "Siguraduhin mo lang dahil ayoko pang mamatay."
Nang makatayo ako tiningnan ko siya nang diretso. "Wala ka namang halos ginawa, dapat ikakasal mo kami pero dahil hindi 'yon natuloy, wala kang ginawa. Huwag kang umasta na para bang hindi ka makikinabang dito," ani ko.
Tila naging maamong tupa ang itsura niya pagkasabi ko 'non, inalalayan niya ako pa-upo sa sofa 'tsaka ko naman inilahad ang kamay ko.
"Nasaan ang garapon?" tanong ko sa kaniya.
Nagmadali naman siyang tumakbo papunta roon sa lamesa niya at binuksan drawer. Nagmamadali siyang bumalik sa akin dala ang garapon. Halos napuno rin ang isang garapon ng dugo ni Ema. Sigurado akong nahihilo siya ngayon.
Hindi ko naman sinasadyang masampal siya. Hindi ko rin sinasadyang maging ganoon ang asta sa kaniya, sadyang nainis lang ako na hinayaan niyang ipaubaya ang sarili kay Kuya Caelan. Oo, akala niya hindi ko alam na may nangyari sa kanilang dalawa? Buong gabi akong naghintay sa labas ng bahay ng mga Valiente, nakita ko pang pumasok ang sasakyan ni Kuya Caelan sa loob ng gate. Nakita kong bumukas ang ilaw ng kwarto ni Ema mula sa bintana nito. Kita ko rin ang mga anino nila sa labas ng bintana kahit na nakasarado pa ito.
Putangina.
Hindi ko alam kung bakit nag-init nang husto ang ulo ko lalo na nang mapansin kong lumipat sila sa kwarto ni Kuya Caelan. Hindi manlang sila nag-ingat na walang makaalam. Kitang-kita ang mga anino nila sa labas ng bintana, at mas lalo ko pa 'yong nakumpirma dahil hindi siya nagrereply. Nakakagalit na ako ang papakasalan pero sa iba siya magpapagalaw!
Pinunasan ko ang bibig ko, punong-puno ito ng dugo. Ang katawan ko, sobrang sakit pati na rin ng leeg ko dahil sa pagkakabaon ng kuko ni Kuya Caelan. Pati ang likuran ko, masakit. Wala akong laban sa kaniya pero sa oras na maamoy niya ang dugo ni Ema, sigurado akong hindi niya kakayanin. Baka nga ngayon pa lang, kinain na niya si Ema. Alam kong tatanungin ni Vane at ni Ama kung bakit ganito ang itsura ko. Tutal pagkatapos nito, hindi ko naman na sila makikita, hindi na muna ako uuwi ng bahay, tatawagan ko na lang si Rayah.
Si Rayah.
Sinabi ko kay Odessa na roon na muna mamalagi ang kapatid ko dahil ayaw ko siyang madamay. Ayokong masaksihan niya kung paano babagsak ang buong Baryo Guerrero. May maamong pag-uugali si Rayah, mahina ang loob niya at masiyahin. Kahit pa alam niya na ang tungkol dito, ayaw kong masaksihan ng mismong mga mata niya.
Dinukot ko ang cellphone ko sa bulsa ko para sana tawagan si Ajax, iyong anak ni Odessa na aniya'y albularyo. Pero inis na inihagis ko iyon nang makitang basag na.
"Akin na ang cellphone mo," utos ko kay Alkalde.
Agad naman siyang tumalima at ibinigay sa akin ang cellphone niya. Kabisado ko ang numero ni Odessa, talagang kinabisado ko para kung sakaling may mga ganitong pangyayari, alam ko.
Ilang ring lang ay sumagot na kaagad siya, "Hello, kumusta? Kinasal na kayo?" tanong niya.
"Hindi natuloy," sagot ko.
"Ano? Paano na 'yan? Hindi matutuloy ang gagawin natin! Kapag nagpasya ang dalawang 'yon na maunang magpakasal-"
"Syempre hindi ko hahayaang mangyari 'yon. Gagawin na natin ngayong gabi."
Nanahimik siya bigla sa kabilang linya. Ilang segundo siyang hindi nakatugon.
"Full moon ngayon. . ." usal niya.
"Papuntahin mo si Ajax sa gubat ng Sitio Valiente, uumpisahan na namin ang plano."
"Mayroon ka na bang dugo ni Ema?" gulat na tanong niya.
"Oo, nagawan ko ng paraan."
Narinig ko sa background na tinawag niya ang anak niya. Narinig ko pang nagmura si Ajax, bakit daw nagmamadali. Pero sa huli, si Ajax na ang sumagot sa tawag.
"Alam mo ba ang ginagawa mo, ha? Kapag ginawa natin 'to, mamamatay lahat ng aswang sa Baryo Guerrero kasama ang kapatid at tatay mo-"
"Alam ko, matagal ko na 'tong pinlano. Bakit? Hindi ka ba sang-ayon dito? Hindi ba galit ka rin sa kanila?"
"Huy, hindi ako galit sa kanila ha? Si mama lang 'yon!" sagot niya.
"Tutulungan mo ba ako o hindi?" medyo naiinis na ako.
"Oo na, pupunta na ako r'yan. Basta walang sisihan. Bahala ka, susunod lang ako sa gusto mo pagkatapos ko 'yang dasalan, aalis na ako."
Pagkatapos 'non ay ibinaba na niya ang tawag. Malaki ang binayad ko sa mag-inang 'to kaya alam kong hindi nila ako tatalikuran.
Kahit masakit ang buo kong katawan, pinilit kong bumangon.
"S-saan ka pupunta?" takang tanong ni Alkalde sa akin.
"Sisimulan ang dapat na mangyari," sagot ko sabay ngiti.
Tanghaling tapat na, sobrang init ng araw pero hindi ko 'yon ininda. Puno ako ng sugat, wala akong pakialam. Ang gusto ko ngayon ay matapos na ang lahat ng 'to. Lahat sila, walang ginawang maganda sa akin kundi puro paghihirap.
Naaawa ba ako?
Kahit katiting, wala akong nararamdamang awa para sa mga nilalang na katulad nila. Hindi dapat kaawaan ang mga nilalang na piniling maging malakas kahit na ang kapalit ay nakakadiring sumpa na magutom sa laman ng tao.
Nang makarating ako sa pusod ng gubat, hinintay ko roon si Ajax. Dito namin uumpisahan, pagkagat ng dilim, siguradong mag-uumpisang aalingasaw ang amoy nito. . .
Mula rito sa sitio Valiente. . .
Sa sitio Aracelli. . .
At sa buong Baryo Guerrero.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...