KABANATA 32:

583 30 5
                                    


KABANATA 32:

MAS NANAIG SA AKIN ang pagtitiwala kay Rave. Hindi ko alam pero parang may bumubulong sa isip ko na sumunod lang, na tama ang desisyon kong ipagpatuloy ang pag-kampi kila Rave.

Ilang araw pa ang lumipas at nakatanggap ako ulit ng text mula kay Rave. Nahanap na raw niya iyong anak ng manghuhulang si Ora. Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi niya pero sinabi niya pati ang mga plano niya.

From Rave:
Paniniwalain nating kakampi muli si Odessa sa mga Valiente.

Akala ko magiging mabagal ang mga mangyayari, pero nang bumaba ako ng hagdan para sana mag-umpisa nang maglinis, napatigil ako nang makita ang isang babae. Sa tansya ko, mas bata siya ng ilang taon kay Auntie Ida. Base lang 'yon sa itsura niya.

"Pagkatapos mo akong ipahabol sa mga tao? Kamuntikan pa akong mamatay tapos bigla ka na lang darating dito?" takang tanong ni Sir Caelan sa babaeng kaharap niya.

Halata ang mayabang at matapang na mukha ng babae, mukhang hindi siya basta-basta.

"Sabihin mo, bakit kita tatanggapin?" tanong ni Sir Reynaud. Nagbabanta ang boses niya.

Mas lalo akong natigilan nang napatingin sa akin 'yong babae.

"Tanggapin n'yo ako o katapusan na ng angkan ng mga Valiente at ng buong Baryo Guerrero?"

Nang sabihin niya 'yon, nag-umpisang lumakas ang pagkabog ng puso ko. Alam ko na kung sino ang babaeng 'to. . .

"Sigurado ka bang may alam ka sa buong hula ni Ora? Paano kami makasisiguro?"

Ngumiti nang malawak ang babae. "Sa akin ipinamana ang kakahayan ng aking Ina, kaya alam ko ang lahat."

Tumalikod na ako pagkatapos no'n. Mukhang seryoso talaga si Rave sa lahat ng pinaplano niya. Isa ito sa gusto kong mangyari, ang makausap ang mismong nanghula pero dahil wala na ang totoong may alam, nandito ang humalili sa kaniya.

Dumiretso ako sa labas. Hindi ko alam kung nakita ba nila ako pero sana ay hindi. Nag-umpisa akong magwalis ng mga nahulog na dahon sa hardin. Kahit wala sa sarili, ginawa ko ang trabaho ko. Ano ba 'tong pinapasok ko, sigurado ba talaga ako rito? Kasi kung magkamali kami ni Rave, sigurado akong pare-pareho kaming mapapahamak. . .

Abala ako sa pagdadakot ng mga nawalis kong dahon nang may nagsalita sa likuran ko.

"Handa ka na ba, Ema?" tanong niya.

Itinapon ko na muna sa basurahan ang mga dahon bago lumingon sa kaniya. Ang mga titig niya, halatang marami siyang alam. Halatang sa isang tingin niya lang ay makakabisado niya na ang bawat galaw mo. Ganito ba talaga ka-makapangyarihan ang taong 'to?

"H-hindi ko a-alam," kinakabahang sagot ko.

Umiling siya, "Tsk, tsk! Patay tayo r'yan. Pag-isipan mong maigi, Ema."

Yumuko ako sabay sulyap sa loob ng bahay. Naroon sila, si Sir Caelan, si Sir Trebor at ang Ama nilang si Sir Reynaud.

"Huwag kang mag-alala, hindi nila tayo naririnig. Ang mga kampon ng demonyo, hindi kayang pasukin ang utak ng kahit sinong anak ng Diyos."

Napaangat ako bigla ng tingin sa kaniya. Doon ko lang napagtantong hindi siya nagsasalita gamit ang bibig. Naririnig ko siya gamit ang isip ko. Paano nangyari 'yon?

"Masyadong maingay ang utak mo, iha. Ang sakit sa ulo," aniya sabay halakhak. "Wala kang lahi ng demonyo, Ema. Ang dugo mo lang ang mayroon. Tao ka Ema, tandaan mong tao ka."

Napatitig ako sa mga mata niya.

"Makinig ka, ang buong buhay mo, nasira nang dahil sa Pamilya Valiente. Ang Ate mo, ang Tatay mo, naghirap ang Nanay mo at pinahihirapan ka nila ngayon. . ."

Ngumiti siya nang malawak at tinapik ang balikat ko. "Mag-iingat ka, iha." Sa wakas ay bumuka na rin ang bibig niya.

-
RAVE POINT OF VIEW:

"Anong kapalit ng lahat ng 'to?" tanong ni Odessa sa akin.

Alam kong manghihingi siya ng kapalit. Narinig ko sa mga kakilala ko na hindi magtatrabaho si Odessa kapag walang kapalit. Tuso rin siya.

"Ang buong Baryo Guerrero, kapalit ng lahat ng ito ay ang ganti mo sa pamilya ng aswang na naging sanhi ng kamatayan ng Nanay mo," sagot ko.

"Batang Aracelli, kahit hindi ako kumilos, kusang maglalaho ang Guerrero. Iyon na ang hula ni Ina—"

"Pero alam mong hindi 'yon matutuloy kung magpapakasal si Ema kay Caelan."

Natigil siya sa pagsasalita. Ang lahat ng ito pinlano ko na. Hindi ako makapapayag na hindi siya pumayag sa gusto ko.

"Sa tingin mo ba magpapakasal si Ema sa lalaking dahilan ng paghihirap niya? Mag-isip ka nga—"

"Magpapakasal siya. Nag-uumpisa na si Caelan, gagawin niya ang lahat para pakasalan siya ni Ema. At ang babaeng 'yon, masyadong marupok. Matapang siya, kahit kanino kaya niyang maging matapang pero hindi kay Caelan."

Ilang saglit na napatitig sa akin si Odessa, hanggang sa napahagalpak siya ng tawa. Tawa siya nang tawa. Nakakainsulto, gusto ko nang sakalin ang babaeng 'to, putangina.

"Bakit mo ginagawa 'to? Kapag ipinain mo si Ema sa kanila—"

"Hindi ko siya ipapain. Gagawa ako ng paraan para hindi siya ipain. Kapag nangako ako, tinutupad ko."

"Ibig mong sabihin, gusto mong maubos ang lahi ng mga taga Guerrero pero hindi mo gustong gamitin si Ema? Napakaimposible ng gusto mong gawin."

Tumayo siya at mukhang suko na sa gusto kong mangyari pero napatigil ko siya sa sumunod kong sinabi.

"Pakakasalan ko si Ema, bago pa siya magpakasal kay Caelan, gagawin ko na."

"Nahihibang ka na ba?!" gulat na tanong sa akin ni Odessa.

"Ang unang anak ng bawat unang anak ng salin-lahi ng pamilya Malum."

"Anong—"

Ngumiti ako. Alam na niya ang ibig kong sabihin. Hindi naman kasalanan kung ang ipapain ko ay isang batang wala pang kamalay-malay 'di ba?

Wala pa siyang alam.

Hindi niya alam ang mangyayari sa kaniya. . .

"Payag na ako, basta siguraduhin mong pakakasalan ka nga ni Ema."

Tumalikod na siya sa akin at itinuloy ang ginagawa niya. Sigurado akong papayag si Ema.

Siguradong-sigurado ako.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon