KABANATA 27:
NAGPAPASALAMAT AKO NA pinatulog ako ni Tiya Mabel sa bahay nila. Ang nangyari nga lang ay halos palibutan niya ang kwarto ng asin at kung anu-ano pang pangontra sa aswang. Lahat ng iyon ay pag-aari ni Mama, iyon ang mga nakalagay sa bahay namin noon.
Ngayon ko lang napagtanto ang tungkol sa lahat ng mga ito. Wala akong kaalam-alam. Ni minsa’y hindi binanggit ni Mama ang tungkol sa mga aswang. Noong tinanong ko siya kung para saan ang pagsasabit ng kung anu-ano sa bintana at bubong ng bahay, ang sabi niya, mga display lamang iyon. Natatawa na lang ko ngayon, ni hindi manlang ako naghinala gayong napakakakaiba at hindi pangkaraniwang display naman 'non para sa bahay? Tinanong ko rin noon kung bakit maingay ang bubong ng bahay namin tuwing gabi, ang sabi niya pusa lang daw 'yon. Ngayon, habang nakahiga ako sa papag, naririnig ko ang kaluskos ng kuko sa bubungan. Hindi na panatag ang pakiramdam ko na pusa lang 'yon kasi hindi. Hindi nga 'yon pusa, kundi aswang.
Bumangon ako kalagitnaan ng gabi matapos kong makaidlip. Hindi ako makatulog nang maayos dahil sa kaba na baka biglang mabutas ang bubong at kainin na lang ako bigla ng aswang.
Sa ilalim ng papag, kinuha ko ang kahon na ibinigay sa akin ni Tiya Mabel kanina. Hindi ko pa ito binuksan dahil natatakot ako. Natatakot akong baka may malaman pa akong bago tungkol sa pagkatao ko.
Selyado pa ng kahon, siguradong hindi binuksan ni Tiya Mabel. Nang buksan ko ang kahon, unang bumungad sa akin ang litrato naming buong pamilya. Naroon pa si Ate, dalawang taon lang ang agwat niya sa akin. At ako na pitong-taong gulang pa lamang. Ang saya-saya namin tingnan dito. Hindi ko inaasahan na sa kabila ng maganda at masayang pamilya namin noon, punong-puno pala ng sikreto.
Bumuga ako ng malalim na hininga pagkatapos ay ibinaba iyon para tingnan ang iba pa, nakakita ako ng mga abubot ni Mama. Mga gamit niya noon katulad ng suklay at panali sa buhok na mukhang mamahalin at antique. Huling nakita ko ang isang kwintas, ang pendant 'non ay hugis pangil. Kuryosong naghanap pa ako sa kahon at napansin ang lumang sulat.
—
Ema,
Kung nababasa mo ang sulat na ito, sigurado akong nag-iisa ka na lang. Pasensya na anak, hindi ko kaagad sinabi sa 'yo ang tungkol sa sakit ko. Pasensya na kung kailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito.Tatandaan mo sana na mahal na mahal ka namin ng Papa at Ate mo. Ang kwintas ay galing sa Papa mo. Sa likod ng sulat na ito ay isang orasyon na ibinigay sa akin ng manghuhulang si Ora, ang dating gabay ng mga Valiente. Isaulo mo ang orasyon at banggitin sa oras na sa tingin mo’y kailangang-kailangan mo na ito. Isang beses mo lang pwedeng sabihin ang orasyon.
Mama Emilie.
—Binaliktad ko ang papel at nabasa ang orasyong sinasabi niya sa akin. Para saan kaya ang orasyon? Hindi ko alam kung para saan pero sa tingin ko. . .
Hindi ko pwedeng sabihin ito kahit na kanino.
Bago ako natulog, sinuot ko ang kwintas.
—
Maaga akong nagising nang makarinig ako ng mga usapan sa labas. Sa totoo lang, pakiramdam ko, kulang na kulang ang tulog ko dahil hindi naman kasi talaga ako nakatulog nang maayos dahil sa kaiisip kung ano ba talagang magiging desisyon ko.Saktong pagkabangon ko ng higaan, may kumatok sa pinto. Dali-dali naman akong umalis sa papag at binuksan iyon.
Si Ysay na ngayon ay nakabusangot sa akin. “Tawag ka sa labas. May naghahanap sa 'yong lalaki. Siguro kinakasama mo 'yon, ano? Tatlong buwan kang nawala kaya malamang na nakipag-live-in ka na!”
Hindi ko siya pinansin, nagmadali akong lumabas dahil alam ko na kung sino 'yon. Wala namang ibang lalaking pwedeng maghanap sa akin kundi siya lang. . .
Si Sir Caelan.
Huminto ako sa paglalakad nang maabutan ko si Sir Caelan, kaharap si Tiya Mabel na halata sa mukha ang pangamba.
Nang makita ako ni Sir Caelan, kaagad siyang tumayo. Kita sa kaniya ang pag-alala. Nagtiim-bagang ako, nag-aalala siya? Samantalang kasama siya sa dahilan kung bakit muntik na naman akong mamatay.
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya at bumaba ang tingin kay Tiya Mabel. Ngumiti siya, pero halatang puno ng pag-alala ang mga mata.
“Sumama ka na, Ema.”
Wala akong nagawa kundi ang sumama kay Sir Caelan. Bitbit ko ang mga naiwan sa akin ni Mama habang naglalakad kami palabas ng eskinita. Aniya, nasa labas daw ang sasakyan niya.
Tahimik kami pareho habang naglalakad. Hindi ako tahimik dahil takot ako sa kaniya, hindi ko alam pero parang naging immune na ako sa lahat ng takot. Sa pagdaan ng araw, pakiramdam ko, nagiging matapang ako.
Nang makalabas kami ng eskinita, napahawak bigla si Sir Caelan sa braso ko. Pinahinto niya ako sa paglalakad na ipinagtaka ko naman.
“Sino ka?” tanong ni Sir Caelan.
Lumingon ako roon sa tinanong-an ni Sir Caelan at nakita ang lalaking nakasuot lang ng simpleng kulay puting t-shirt at itim na pantalon. Gwapo siya at matangkad, mukhang masiyahin.
“Ako ba ang kinakausap mo?” tanong niya. Luminga-linga pa siya sa paligid na para bang naghahanap ng ibang tao.
“Hindi ka tao 'di ba?”
Bumalik ang tingin niya sa amin at saka ngumisi.
“Akala mo hindi mo mahahalata,” aniya sabay lingon sa akin.
Mas humigpit ang hawak sa akin ni Sir Caelan. Natatakot ba siya na baka kainin ako ng katulad niyang aswang sa ganitong umagang-umaga?
“Bakit kapit na kapit ka naman sa taong 'yan? Hmm, may naaamoy akong kakaiba.”
“Huwag mong subukan,” banta ni Sir Caelan.
Natawa na iyong lalaki at saka nagtaas ng kamay. “Ang sa Baryo Guerrero ay sa Guerrero lang. Hindi kasama ang sa Baryo San Rafael Pildera.”
Kumunot ang noo ko, parang narinig ko na ang Baryo na iyon?
Nabigla yata si Sir Caelan dahil niluwagan niya ang pagkakahawak sa akin.
“Ikaw si Caelan 'di ba? Tinulungan mo ang mga kasamahan ko noon,” aniya.
Napalingon ako kay Sir Caelan. Nanliit ngayon ang mga mata niya dahil para bang hindi niya maintindihan.
“Noong kumuha ako ng halamang gamot? Kasamahan mo?” sagot ni Sir Caelan.
Ngumiti iyong lalaki at naglahad ng kamay. “Ako nga pala si Leo, galing sa Baryo San Rafael Pildera.”
Inabot naman iyon ni Sir Caelan na may pag-aalinlangan.
“Aalis na nga pala ako, dumaan lang ako rito at may naamoy na kakaiba. Siguro 'yang babaeng kasama mo.”
Tinapik niya ang balikat ni Sir Caelan pagkatapos ay nilagpasan kami. Nang tuluyan siyang makalagpas sa amin, humigpit muli ang hawak ni Sir Caelan sa braso ko.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya para sana magreklamo pero hindi ko 'yon nagawa dahil masama ang tingin niya sa akin na parang may nagawa akong mali.
Ano na naman ba?!
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...