KABANATA 26:

583 32 2
                                    

KABANATA 26:

ISA LANG ANG NASA ISIP KO, ayoko nang bumalik sa Sitio Valiente. Bahala na, pero sa tingin ko naman ay mas makabubuti sa akin na dito lang ako.

Binayaran nila Rave at Rayah ang hospital bill ko. Gusto nila akong ihatid pabalik sa Sitio Valiente pero hindi ako pumayag. Wala rin naman silang pakialam, binigyan pa nga ako ni Rayah ng pera. Aniya, kung may mangyari mang masama sa akin sa labas ng Baryo Guerrero, wala na raw silang pakialam doon. Ayos lang, alam ko naman na mas ligtas ako dito kung saan mga tao ang kasama ko.

Ang problema ko lang, hindi sapat ang perang ibinigay sa akin ni Rayah. Kaunti lang din ang dinala ko kanina noong isinama ako ni Sir Trebor kaya hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ni damit ay wala ako. . .

Gabi na, wala akong mapupuntahan. Lutang ako habang naglalakad sa gilid ng kalsada, nag-iisip sa kung paano ako mabubuhay dito. Hindi ako pwedeng magtrabaho dahil menor de edad pa lang ako. Wala akong matutuluyang kamag-anak. . .

Susubukan ko.

Sumakay ako ng jeep at nagbakasakaling patirahin ako ng Tiyahin ko na nasa malapit lang dito. Kahit saglit lang, magawan ko lang ng paraan na makapagtrabaho ako.

Ilang minuto lang ay bumaba na ako sa kanto kung saan nakatira ang Tiyahin kong huling tumanggi sa akin bago ako sinundo ni Sir Caelan. Aasa pa rin ako dahil kahit papaano, kamag-anak pa rin nila ako.

Kabado akong naglalakad at nag-iisip sa kung anong sasabihin kay Tiya Mabel. Ilang beses na rin akong nagdadasal sa isip ko na sana ay tanggapin niya ako.

Pero bago pa man ako makarating sa bahay nila, nahinto ako sa paglalakad nang maabutan ang pinsan kong si Ysay, iyong pinsan kong tumangging papasukin ako sa bahay nila.

Halata ang gulat sa mga mata niya nang makita ako. Naihulog niya ng supot na bitbit niya. Unti-unti akong ngumiti para sana bumati pero.

“Shet! Sorry, Ema! Huwag mo kong multuhin!” sigaw niya sabay karipas ng takbo sa direksyon papunta ng bahay nila.

“Multo?” takang tanong ko sa sarili ko.

Nagkibit-balikat ako at pinulot ang supot na hawak niya. Mga basura pala 'yon. Ako na lang ang nagtapon sa basurahan pagkatapos ay diretsong naglakad papunta sa bahay nila Tiya Mabel.

Nang nasa harap ng ako ng bahay nila, bumuntong-hininga muna ako at pumikit bago kumatok ng ilang beses.

Napakislot ako nang marinig ang sigaw ni Tiya Mabel.

“Ano ka ba naman Ysay! Magtigil ka nga! Hindi totoo ang multo—”Bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang gulat na ekspresyon ni Tiya.

“E-ema!”

Ilang beses siyang napakurap at kinusot pa ang mga mata bago muli akong tiningnan.

“Ema! Ikaw nga?! Buhay ka?!” gulat na gulat na tanong niya.

Ngumiti ako, “Opo Tiya, mukha po ba akong patay na?”

Bumuntong-hininga siya, “Pasok ka, mag-usap tayo sa loob at i-kwento mo sa akin ang lahat! Dali!”

Hindi ako makapaniwala na pinapasok ako ni Tiya Mabel sa bahay nila. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakapasok ako pero hindi sa ganitong sitwasyon. Palaging dapat kasama ko si Mama kapag papasok ako sa kanila dahil kung hindi, itataboy nila ako.

Pinaupo niya ako at napansin kaagad ang sugat ko sa paa.

“Anong nangyari sa paa mo?” tanong ni Tiya.

Yumuko ako at tiningnan ang binti at paa kong may benda dahil nga sa nabasag na vase kanina.

“Nasugatan lang ho ako,” sagot ko.

Naupo siya sa sa silyang katapat ng sa akin. Natatakot akong magkwento, pero tingin ko naman may alam sila tungkol sa akin kaya ayaw nila akong patirahin dito.

“Alam ko na po kung bakit ayaw n’yo akong patirahin sa bahay n’yo,” panimula ko.

Hindi kaagad nakasagot si Tiya Mabel. Doon pa lang, alam ko nang tama ako na may alam siya.

“Ginawa lang namin 'yon para protektahan ang mga sarili namin, Ema,” matigas na sabi niya.

Tumango ako, “Alam ko ho, kaya naiintindihan ko po kayo. Pero ngayon po kung maaari po sana, pwede po bang makitira ako rito kahit saglit lang? Makahanap lang po ako ng trabaho, Tiya. Malapit na po akong magdise-otso. Wala na pong magiging problema sa paghahanap ko ng trabaho.”

“Sabihin mo muna sa akin ang nangyari, Ema. Paanong buhay ka pa rin hanggang ngayon?” seryosong tanong sa akin ni Tiya Mabel.

“Pero kasi. . .”

“Alam naming lahat. Lahat kaming kapatid ng Mama mo, alam namin ang tungkol sa Papa mo. Kaya sabihin mo sa akin ang nangyari.”

Yumuko ako at pinaglaruan ang mga daliri ko. Hindi ko alam kung paano sisimulan.

“Tinawagan ako ni Auntie Ida. . .”

Ikinuwento ko sa kaniya ang lahat. Ang tungkol sa Sitio Valiente, ang mga nangyari sa akin, kung paano ako nakaligtas. Gusto kong malaman niya kung gaanong hirap ang dinanas ko sa lugar na 'yon para naman payagan niya akong tumira muna sa bahay nila. Matapos kong magkwento, nabigla ako nang hawakan ni Tiya Mabel ang kamay ko.

“Mas makabubuti kung tumira ka sa Auntie Ida mo,” aniya.

Nagtatakang napatitig ako sa kaniya. “P-po?”

“Maraming aswang ang pakalat-kalat dito. Ema, hindi ka protektado sa lugar na 'to. Alam mo ba kung paanong pagpoprotekta ang ginawa sa 'yo ng Mama mo? Lahat ng pwedeng gawin, ginawa niya. Lahat ng pangontra, binili niya, maprotektahan ka lang. . .”

“Paano pong mas ligtas ako roon sa impyernong 'yon Auntie?! Mas nakakatakot ang lugar na 'yon!”

“Dito, hindi mo alam kung sino ang aswang. Dito, kampante ka na mga tao ang nakakasalamuha mo. Pero ang hindi mo alam, isa na pala sa nakasalubong mo ay aswang.” Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ko. “Ibibigay ko sa 'yo lahat ng pinatago sakin ng Mama mo. Pasensya ka na kung ngayon lang. Bwiset kasi si Ysay at pinaalis ka kaagad. Wala talagang kwenta 'yang batang 'yan! Nakakainis.”

Napatawa na lang ako. Tumayo si Tiya Mabel at naiwan ako roong naghihintay.

Nawala ang ngiti sa labi ko at napaisip bigla. Sa totoo lang, natatakot na akong bumalik sa Sitio Valiente. Parang mas gusto ko na lang. . .

Dito.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon