KABANATA 29:

572 34 5
                                    

KABANATA 29:

HINDI KO ALAM KUNG PAANO pa ako mag-uumpisa gayong ang naisip kong dapat umpisahan ay madali lang ding naglaho nang malaman kong patay na si Ora. Paano na ito ngayon? Paano pa ako mag-uumpisa nito?

Matapos kong maghugas ng pinggan, umakyat na kaagad ako sa kwarto at doon nagkulong. Iyon na lang naman ang huling gagawin ko. Buong hapon akong tulog, nagising lang nang may kumatok sa kwarto na alam kong hindi si Auntie Ida dahil dumidiretso na lang iyon papasok.

Pagkabukas ko ng pinto, si Trebor na naman ang bumungad sa akin. Nagbabalak na sana akong singhalan siya nang may sumilip mula sa gilid ng pintuan—si Rayah.

Nangunot ang noo ko nang nakangiting lumabas siya roon. “Akala ko hindi na kita makikita ulit!” aniya.

“B-bakit kayo nandito?” tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. “Nandito rin si Kuya, nandoon sa garden, usap daw tayong tatlo.”

“Ano bang meron? Paano n’yo nakilala ang isa't isa?” takang tanong ni Sir Trebor sa amin.

Nagkatinginan kami ni Rayah pagkatapos ay parehong nag-angat ng tingin kay Sir Trebor.

“Sila—”

“Secret!”

Napatingin ako kay Rayah, kumindat siya sa akin sabay ngiti. Ibig sabihin ba 'non, may itinatago talaga silang gagawin?

“Kung hindi ka lang kapatid ni Kuya Vane, kinutusan na kita!” ani Sir Trebor.

Umalis na si Sir Trebor at iniwan kami roon. Kaagad namang hinawakan ni Rayah ang kamay ko at hinila ako.

“T-teka!” awat ko pero hindi niya ako pinakinggan.

Hanggang sa makababa kami at makarating sa hardin. May swing roon, sa gilid ng bukal sa tabi ng puno ng mangga kung saan kami nag-usap ni Sir Caelan. Naroon si Rave, tahimik na naglalaro yata sa cellphone niya. Hindi ko alam na may aswang palang gumagamit din ng cellphone. Ni minsan kasi’y hindi ko pa sila nakikitang humawak ng cellphone.

“An enemy has been slayed!” iyon ang narinig ko sa nilalaro ni Rave.

“Hoy! Kuya naman, e! Sabi ko maghintay ka, hindi ko sinabing maglaro ka!” inis na bulyaw ni Rayah sa kaniya.

Nag-angat si Rave ng tingin sa kaniya pero saglit lang 'yon at binaba niya na muli ang tingin sa cellphone. “Puta, saglit lang! Mananalo na kami!”

Napakamot ako sa likod ng ulo ko dahil para siyang timang na panay ang pag-tuktok sa screen ng cellphone niya. Gigil na gigil, nagtataka lang ako, paano kaya kung masira ang screen 'non?

“Kuya naman, e!”

“Teka lang kasi—yes!”

Bahagya na lang akong napangiti. Hindi ko alam kung maiinis ba ako o matatawa. Ganyan ba talaga 'yang laro na 'yan?

“Tapos na!” nag-angat siya ng tingin sa akin si Rave. Agad ko namang inalis ang ngiti ko sa labi.

“Bakit nga pala kayo pumunta rito?”

Nagkibit-balikat si Rave. “Akala ko hindi ka na babalik dito pagkatapos ng nangyari 'nong isang gabi.”

“Akala ko rin. . .” pabulong na sagot ko.

“Bakit ka bumalik dito?” tanong niya naman.

“W-wala na kasi akong mapupuntahan,” sagot ko.

“Alam mo ba na half brother lang namin si Vane?” tanong ulit niya.

Nangunot ang noo ko sa tanong niyang 'yon, paano ko naman malalaman 'yon? Umiling na lang ako dahil hindi ko naman talaga alam.

“Pinatay niya ang Mama ko, ganoon din ang Mama ni Rayah.”

Nanliit ang mga mata ko, “Ano?”

“Magkakapatid kami sa Ama, parehong tao ang mga nanay namin.”

“Hindi kita maintindihan, bakit sinasabi mo sa akin lahat ng 'to?” takang tanong ko. Hindi ko sila maintindihan.

Alam kong gusto nilang maghiganti. Nasa isip ko na ngayon na baka gusto nila akong gamitin para gumanti.

“Hindi ka mabubuhay rito kung wala kang kakampi. Gamitin mo kami, Ema at gagamitin ka rin namin,” aniya.

“Kaya kong mabuhay nang ako lang,” sagot ko.

Napa-ismid siya. “Huwag mong masyadong taasan ang pride mo. Kaya ka naming tulungan. Pareho nating gustong gumanti,” dagdag niya pa.

Nag-angat siya ng tingin sa may bahay at saka ngumiti. Kumaway siya roon kaya napatingala ako. Naroon si Sir Trebor na nakakunot ang noo.

“Ang mga aswang, malakas ang pang-amoy pero hindi ang pandinig. Hindi niya tayo naririnig, Ema. Huwag kang mag-alala,” ani Rave. “May ibibigay ako sa 'yo pero huwag na huwag mong ipapakita kahit na kanino. Kahit sa Auntie mo.”

Ibinalik ko ang tingin ko kay Rave. Tama talaga ang hinala ko na hindi ko dapat pagkatiwalaan si Auntie?

“Oo, huwag kang magtiwala sa kaniya.” Ngumiti siya at kinuha ang bag niya mula sa likuran. May inilabas siya roong paper bag at iniabot 'yon sa akin. “Tawagan mo ako kung gusto mong magtulungan tayo.”

May pag-aalinlangan ko pang tinitigan 'yon, hindi ko sana kukunin pero si Rayah na ang nag-abot at bigla na lang akong niyakap.

“Advance birthday gift 'yan! Malapit na ang birthday mo 'di ba?”

Nanlaki ang mga mata ko habang yakap ako ni Rayah. Napatitig ako kay Rave na nasa harap ko. Ngumiti siya sa akin, iyong ngiting totoo, na parang masaya siya para sa akin.

Nang humiwalay si Rayah, nagpaalam na silang dalawa na aalis na. Kumaway din ako sa kanila biglang pagtugon. Nang makaalis silang dalawa, bumaba ang tingin ko sa paperbag na hawak ko.

Ito. . .

Ito ang unang pagkakataon na makatanggap ako ng regalo mula sa ibang tao. Napangisi ako, kunsabagay, sabi nila tawagan ko sila kung papayag ako sa alok nila. Siguro ito ang kapalit. Pero ang makatanggap ng pagbati, ang saya.

Ang sarap sa pakiramdam.

“Hoy! Ano 'yan?”

Nabigla ako nang humawak si Sir Trebor sa balikat ko at sumulyap sa hawak kong paperbag.

“W-wala!” sagot ko.

“Sus! Patingin!”

Pinanlakihan ko siya ng mga mata. “Sa 'yo ba ibinigay 'to? Sa akin 'di ba?!” inis na sagot ko sa kaniya at nagmamadaling pumasok sa loob.

“Hoy! Saan mo natutunan 'yang ganyang salita?! Hoy! Lagot ka kay Kuya! Nanliligaw ba sa 'yo iyon?!”

Hindi ko na lang siya pinansin, dire-diretso akong naglakad hanggang sa makaakyat ako sa hagdan at makarating sa kwarto.

Nagmadaling ni-lock ko ang pinto at binuksan ang paperbag. Bahagyang umawang ang labi ko nang makita ko ang laman.

Isang cellphone.

Na ni minsan hindi pa ako nakakahawak.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon