KABANATA 9:
EMA POINT OF VIEW:
NARAMDAMAN KO NANG PALITAN niya ang kwintas na suot ko. Hindi ko nga lang maalala nang husto. Pero talagang naramdaman ko iyon, naalimpungatan yata ako. Akala ko nga panaginip lang pero nang magising ako ay iba na nga ang kwintas.
Hinawakan ko ang pendant no'n, kulay pula na ito, imbes na itim. Hindi ko alam kung anong laman nitong pendant pero babasagin ito at may kulay pulang likido sa loob. Ang alam ko lang, ang purpose nito ay protektahan ako.
Bumangon ako ng papag at nagpasyang mauna nang lumabas ng kwarto, sanay na ang katawan kong gumising ng alas kwatro, siguro'y hindi ko na 'yon mababago. Kinuha ko na muna ang tuwalya at damit dahil maliligo na ako.
Ang totoo'y natatakot pa rin ako. Pero kung hindi ko lalabanan ang takot ko, hindi ako mabubuhay sa lugar na 'to at hindi ko malalaman ang kasagutan sa mga tanong na bumagabag sa akin mula pa kahapon.
Plano kong libutin ang buong bahay. Kailangan kong malaman ang pasikot-sikot nito kung gusto kong may malaman ako. Para hindi sila makahalata, una kong lilibutin ang baba.
Pagkababa ko ay tumungo ako sa parteng hindi ko pa napupuntahan, ang sala. Hindi kasi sala ang unang bubungad sa bahay nila kapag pumasok ka, unang bubungad ang hagdan. Kailangan mo pang lumiko para lang mapuntahan ang sala. Nang makarating, unang pumukaw ng pansin ko ang mga larawang nakasabit sa dingding. Naroon ang malaking larawan ng Amo naming lalaki, si Sir Reynaud at ang asawa niya naman ang katabi nito. Kulay kayumanggi ang dingding dahil sa barnis at dahil na rin yari sa kahoy ang bahay. Dahan-dahan akong lumapit sa mga picture frames na nasa tabi ng malaking flat screen television. Nakakatawa, pero ang na-i-imagine kong bahay ng aswang ay malayo sa nakikita ko ngayon. Totoo ngang high-tech na ang lahat. Updated pati ang mga kakaibang nilalang.
Walang kakaiba, si Sir Caelan at Sir Trebor lang ang nasa mga picture frame. Bata pa sila rito pero halatang sila dahil sa mga itsura. Malayong-malayo ang kulay ni Sir Caelan kay Sir Trebor. Bakit kaya maputla ang balat ni Sir Trebor? Bago ko makalimutan, ipinahamak niya nga pala ako kahapon. . .
Aalis na sana ako ngunit may isa pang picture frame ang nakapukaw ng aking pansin. Dumapo ang mga mata ko roon at nakita ang litrato ni Papa kasama si Sir Reynaud. . .
Ibig sabihin, totoo ngang magkaibigan sila? At matalik pa dahil kung hindi, hindi niya ilalagay rito ang litrato nilang dalawa.
Napasuklay ako sa buhok ko at tumalikod na para dumiretso sa banyo. Wala akong magagawa kundi ang tanggapin na naging kaibigan ni Papa ang isang aswang noon.
Mukhang wala akong makikita sa sala, siguro kung sa mga kwarto nila ako pupunta, may malalaman ako. Pero paano ko gagawin 'yon? Paglilinisin kaya nila ako ng kwarto nila?
Pagkapasok sa banyo, kaagad akong nagmadaling maligo. Ayokong maabutan na naman ako katulad ng nangyari kahapon. Natatakot akong baka makita ko na naman ang isa sa kanila na may dugo sa labi o sa katawan.
Hindi ba sila nakokonsensya na kumakain sila ng taong walang kamalay-malay? Nambibiktima sila ng walang kaalam-alam?
Bawat pag-buhos ko ng tubig sa katawan ko ay ang pag-ingit ko dahil sa hapdi. May sugat nga pala ako sa likod, may sugat din ako sa tuhod. Nakalimutan ko pa na magdala ng sabon.
Halos maiyak ako sa hapdi, tiniis kong kuskusin ang binti ko gamit lang ang tubig. Magtatanong na lang pala ako kay Auntie kung meron siya. Napakahapdi talaga. Kailangan ko rin siguro 'tong gamutin bago ma-impeksyon.
Matapos maligo, doon na rin ako sa banyo nagbihis. Ayokong magpalakad-lakad ng nakatuwalya lamang at baka hindi ako matansya ng mga aswang na nandito.
Pagkalabas ng banyo, naabutan ko na naman si Sir Trebor pero sa ngayon, wala siyang dugo sa mukha o sa kahit anong parte ng katawan.
Iiwas na sana ako sa kaniya, kahit sa totoo lang gusto ko na siyang sampalin dahil sa ginawa niyang pag-iwan sa akin kahapon pero hinarangan niya ako. Kusa akong napaangat ng tingin sa kaniya na ngayon ay nakapikit.
"Sa susunod huwag mong huhubarin ang ipinapasuot sa 'yong kwintas kahit na naliligo ka," dumilat siya at nakita kong pumula ang kaniya mga mata. "Baka hindi ako makapagpigil."
Kinabahan ako roon at agad na hinagilap sa bulsa ko ang kwintas. Sinuot ko 'yon agad at nagmadaling umiwas para tumakbo paakyat ng hagdan.
Kabado akong bumalik sa kwarto, naabutan ko si Auntie na kagigising lang at mukhang nagulat pa sa akin.
"O? Bakit?" tanong niya.
Umiling ako. Ayaw ko nang sabihin pa sa kaniya kung natatakot ako sa lugar na 'to, dahil sa totoo lang wala rin naman siyang magagawa kung takot ako. Ayaw niya akong paalisin sa lugar na 'to. At kung paaalisin niya man ako, hindi muna. Ayoko muna. Kailangan kong magpakatatag.
"Auntie, may sabon ka po ba? May alcohol ka po?" tanong ko para ilihis ang usapan.
Tumango siya, "Meron."
Binigyan nga ako ni Auntie ng sabon at alcohol. Pero sabi niya'y pupunta kami sa Bayan para mamili ng mga kakailanganin namin para sa isang buwan. Isang beses isang buwan lang kami pwedeng lumabas sa Sitio.
"Ipakikilala ko sa 'yo ang ibang tao na nakatira dito," aniya.
Sumang-ayon ako kay Auntie. Mabuti pa nga at para kahit papaano'y may kilala akong katulad ko rito. Nang matanong ko na rin sila tungkol dito.
Nang matapos kaming mag-almusal ni Auntie, sabay na kaming bumaba para mag-umpisa na sa trabaho.
Nang makababa kami, nagulat kami sa nakita. Hindi pala, ako lang ang nagulat dahil tila sanay na si Auntie.
Ang asawa ni Sir Reynaud, dumaan mula sa pinto duguan ang katawan niya habang ngumunguya. Ang kamay niya ay may hawak, tumitibok tibok pa!
Nanginig ang kamay ko nang makalampas siya at dumiretso sa sala. Napahawak ako kay Auntie dahil pakiramdam ko nanghina ako.
"Hindi 'yon tao, huwag kang mag-alala at hayop lang ang kinakain nila sa mga ganitong panahon," bulong ni Auntie.
Bumuga ako ng malalim na hininga. "Auntie, kahit na. . ."
"Pasensya na kung kailangan mo 'tong makita."
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...