KABANATA 12:
AYOKO SIYANG TINGNAN, hindi ko kaya. Mula noong gabi ng kaarawan niya, hindi ko na siya kinausap maliban sa pag-bati sa kaniya bilang paggalang dahil amo ko siya. Wala rin naman siyang ibang sinasabi sa akin, tila ba naging natural lang 'yon. Pero ewan ko ba, pero iba ang pakiramdam ko. Para bang dismayado? Hay ewan.
Katatapos ko lang maglaba ng mga damit. Hindi uso ang washing machine sa malaking bahay nila pero ayos lang dahil sanay na ako. May nakita pa akong damit na may mga dugo pero katulad noong una, si Auntie Ida na ang naglaba ng mga 'yon.
Isa-isa kong isinampay ang mga damit, kay Sir Trebor ito at madalas na damit niya ang puno ng dugo. Nakakainis pa dahil napakarurumi ng damit, ang hirap labhan.
“Tapos na?” tanong ng mayabang na boses sa likuran ko. “Wow, ang galing mo talagang maglaba. Kaya gusto ko kapag ikaw naglaba, ang bango.”
“Bakit Sir, si Auntie ba hindi mabango maglaba?” tanong ko habang patuloy pa rin sa pagsasampay.
Naglakad siya palapit sa akin. Naramdaman ko 'yon, unti-unti akong nilamon ng kaba. Sa kanilang buong pamilya, sa kaniya ako pinaka-kinakabahan. Siya 'yong pinakamalakas kumain!
“Hindi, naiiwan kasi ang amoy mo, ang sarap.”
Napalunok ako dahil doon. Madalas na ganyan ang tono niya, may pagkabastos kaya mas lalo akong natatakot. Baka mamaya bago niya ako kainin, seremonyahan niya pa muna ako.
Natawa siya, tawang madalas na nagpapakaba pa lalo sa akin. “Kabadong-kabado ka talaga, ang cute mo kapag ganyan ka. Bakit ka ba kinakabahan sa akin?”
Sasagutin ko sana siya ng pabalang pero hind ko na 'yon nagawa dahil tinawag siya ng kaniyang Ina.
“Trebor!” tila saway ang tono no'n.
“Ina, bakit?” tanong niya.
“Anong ginagawa mo?” tanong niya na para bang may pagkasuya ang tono.
Naramdaman kong umalis na sa likuran ko si Sir Trebor kaya nailabas ko ang pinipigilan kong pag-hinga.
Nag-usap yata sila nang pabulong dahil hindi ko na narinig pa ang mga usapan. Nagpasalamat na lang ako na tinawag siya dahil sumasakit na ang ulo ko sa kaniya. Nang matapos akong magsampay, nabigla ako nang pagpihit ko ng tingin pabalik sa loob ng bahay ay naroon si Ma’am Lilith, ang kanilang Ina.
“Totoo ngang mabango ka,” aniya.
Napakurap ako. Hindi ko maintindihan ang sinabi niya.
“P-po?”
Ngumisi siya at pinaglaruan ang mga kuko niyang hindi pa man din nagbabago ay mahahaba na. Sasakalin ba ako nito? Nakakatakot!
“Kahit anong pagpapahiwatig ng mga anak ko sa 'yo,” aniya sabay angat ng tingin sa akin. “Huwag mong bibigyan ng malisya. Kahit ano pa ang hula, ayokong mangyari 'yon.”
Umiling ako dahil hindi ko talaga siya maintindihan. “Hindi ko po kayo maintindihan, pasensya na.”
“Pwede bang umalis ka na rito? Ako na ang bahala, umalis ka lang.”
-
Tiim-bagang na pinag-isipan ko ang sinabi ni Ma’am Lilith. Hindi ko alam kung anong problema niya sa akin. Hindi ko maintindihan ang lahat ng sinabi niya. Huwag kong bigyan ng malisya? Iniisip ba niya na iisipin kong may gusto sa akin ang mga anak niya?Oo! May gusto sa akin ang mga anak niya! Ang mga laman-loob ko, baka iyon ang gusto nila!
Masakit na ang ulo ko, dumagdag pa si Ma’am Lilith sa isipin ko.
Bumuntong-hininga ako at tumuloy sa paghuhugas ng pinggan. Wala si Auntie Ida dahil pumunta siya sa palengke. Nitong mga nakaraang gabi, hindi ako makatulog ng maayos. Ilang beses akong nagigising ng madaling araw. Kaunting kaluskos lang ay nagigising na ako. Siguro dahil sa takot ako. Siguro natural lang 'to?
Pero dahil sa hirap kong makatulog, unti-unting sumasakit ang ulo ko at nahihilo. Siguro kulang na ako sa dugo? Ha! Tama lang 'yon para hindi nila ako pag-interesan.
Matapos maghugas ng plato nagpasya akong bumalik na sa kwarto dahil wala naman ng gagawin. Pero pagpihit ko pa lang, biglang nanlabo ang mga mata ko. Umikot ang paningin ko, bumilis ang pagtibok ng puso ko at bumagsak sa sahig.
-
CAELAN POINT OF VIEW:“Ano bang problema mo? Tingnan mo ang balat mo, tingnan mo ang itsura mo, hindi mo ba napapansin na nawawalan ka na ng kulay?” tanong ni Ina sa akin. “Bakit ipinamigay mo ang sanggol na para sa 'yo? Mainam iyon para sa 'yo.”
Umiling ako, “Hindi ko gusto ang lasa.”
“Anong klaseng lasa ba ang gusto mo?”
Nagtiim-bagang ako at bumuntong-hininga, “Gusto ko 'yong matamis.”
Nagulat si Ina sa sinabi ko. Hindi niya yata inaasahan ang isasagot kong 'yon sa kaniya. “Gusto ko, Ina, 'yong kasing-sarap ng natikman ko mga ilang taon na ang nakalipas. Sampung-taon?”
Ilang beses na napakurap si Ina, “G-gusto mo bang ikuha kita ng gano’n para lang kumain ka?”
Unti-unti akong natawa. Bakit ba gustong-gusto nila akong kumain ng paborito nilang pagkain? Ang kukulit!
“Kung ibibigay ko ba siya sa 'yo, kakainin mo siya?”
Tumigil ako sa pag-tawa at nginitian si ina. “Ako na ang bahala, mas masarap kung hihintayin. Mas nakakapanabik.”
—
“Nasaan na ba ang anak ko?!” humahangos na tumakbo palapit si Uncle Erwan kay Ama.
Nag-iwas ako ng tingin dahil nilalamon na ako ng konsensya. Hindi ko naman sinasadya, hindi ko intensyon. . .
“Erwan, huminahon ka, mapag-uusapan natin 'to,” ani Ama.
“Mapag-uusapan? Buhay na ng anak ko ang kinuha! Paanong mapag-uusapan pa?!” ramdam ko ang galit ni Uncle Erwan, gusto kong saluhin ang lahat ng 'yon pero hindi ko magawa dahil iyon ang utos ni Ama.
“Hindi niya sinasadya, bata pa siya Erwan, sana maintindihan mo—”
“Totoo nga?! Totoong siya?! Putangina!” humagulgol siya ng iyak.
Nagmamadali akong lumapit sa kanila, hindi ko na kaya ang konsensya.
“Uncle! Pasensya na! U-uncle!” napaiyak na rin ako at lumuhod sa kaniyang harapan. “U-uncle, m-maiintindihan ko, p-patayin n’yo ho ako!”
—
Mula 'non, hindi na ako tumikim ng tao. . .
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
Genel KurguEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...