KABANATA 19:MULA SA LIWANAG NG BUWAN, kitang-kita ko ang mga mata niya. Halata ang pag-aalala at ang sinsero sa mga iyon. Hindi ko akalain na pwedeng magkatitigan kami nang ganito. Sa isang iglap, nawala ang takot ko sa kaniya.
"H-hindi ka ba magsisisi kung sasabihin mo sa akin ang lahat?" tanong ko sa kaniya.
Ngumiti siya, pero kahit ang ngiting 'yon ay nababahiran ng lungkot. Aalma pa sana ako ngunit pinisil niya ang kamay ko dahilan para wala na akong nagawa.
"Kinain ko ang Ate mo. . ."
Napailing ako bigla. Kasi teka, parang may mali sa sinabi niya.
"Teka lang, hindi kita maintindihan, sinabi mo sa akin na lahat ng unang anak ng pamilya namin---"
Pinutol niya ang sinabi ko at ngumisi. "Ate mo siya, anak siya ng Mama mo sa yumaong bunsong kapatid ng Papa mo."
Napasinghap ako sa natuklasan. Buong buhay ko, akala ko totoong Ate ko siya. Pitong taong gulang ako noong pinalabas sa akin ni Mama na namatay ang Ate at Papa ko sa isang aksidente. . .
Napayuko ako dahil sa sobrang pagkadismaya. Hindi ko inakala na punong-puno pala ng sikreto ang buong buhay ko. Halos hindi ako makapaniwala sa lahat.
“Katulad mo, tao rin akong ipinanganak.”
Doon ako nag-angat ng tingin sa kaniya, hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba siya o hindi. Pero hindi ko siya kinwestiyon, hinayaan ko siyang magpatuloy.
“Bente anyos ako 'nong tuluyan akong naging aswang. Ipinalunok sa akin ang itim na bato ng lolo ko nang mamatay siya. Noong mga oras na 'yon, hindi ko kaagad nakontrol ang sarili ko. Sabik na sabik akong kumain ng tao. Gutom na gutom ako. Sa gabing 'yon, marami akong kinaing tao, hindi ko halos mabilang kung gaano karami. Basta kinabukasan, nang mahimasmasan ako, puno ng dugo ang katawan ko at nagsisisigaw sa galit ang Papa mo.”
Napakurap ako at tuluyang kumawala ang ilang patak ng luha sa mga mata ko. Umangat ang kamay at dumampi sa pisngi ko. Bawat luhang pumapatak ay inaagapan niyang punasan.
“Ema, kahit anong pagmamakaawa ko kay Uncle Erwan, hindi niya ako pinatawad. Handa akong mamatay para pagbayaran ang ginawa ko. Pakiramdam ko, nagsisi akong tinanggap ko ang pagiging aswang.”
Nagsimula akong mapahikbi.
“Gusto niya akong patayin para pagbayaran ko ang kinuha kong buhay ng anak niya. Pero bago pa ako patayin ni Uncle, pinatay na siya ng alagad ni Ama.”
Tuluyan akong napahagulgol. Hindi ko yata kayang tapusin ang kwento. Hindi ko kayang marinig ang susunod na sasabihin niya. Bibitiwan ko sana ang kamay niyang nakahawak sa akin pero hinigpitan niya iyon para hindi ako makawala.
“Noong naamoy ko ang dugo ng Papa mo, para akong mababaliw. Lahat ng aswang na nakatira sa Sitio Valiente, nag-umpisang maghurumintado. Hinanap nila ang amoy ng dugo ni Uncle Erwan. Sa lahat ng dugo ng tao na naamoy ko, ang kay Uncle Erwan ang pinaka-nakakaakit. Nakakauhaw, nakakatakam. Kamuntikan ko nang kainin ang Papa mo, kamuntikan na siyang kainin ng iba pang aswang pero hindi nangyari dahil lahat kami ay galit na pinahinto ni Ama. . .”
“Nakita ko kung gaano naghinagpis si Ama sa namatay niyang kaibigan. Kahit na siya ang dahilan kung bakit pinatay si Uncle, siya ang naglibing sa Papa mo. Halos isang buwan siyang hindi makakain ng kahit na ano.”
“Dahil sa 'yo, sinira mo ang buhay ko,” hindi ko napigilang sabihin.
Sinimulan kong pukpukin ang dibdib niya gamit ang kaliwa kong kamao. Hindi niya naman ako pinigilan, hinayaan niya akong gawin 'yon.
“At ano naman ang tungkol sa hula?!” galit na tanong ko habang patuloy na sinusuntok ang dibdib niya. “May kinalaman ka rin ba sa hula na 'yan?! Dahil din ba sa 'yo?!”
“Lahat ng aswang na nakatira sa Sitio Valiente ay lulubog sa lupa at kakainin ng impyerno sa oras na. . . Pagpiyestahan ka naming mga aswang. Ikaw na lang ang natitirang unang anak ng anak ng lahi ninyo.”
“Bakit hindi n’yo na lang ako paalisin sa impeyrnong lugar na 'to?!”
“Dahil iniiwasan naming magkaroon ka ng pamilya at magkaroon ka ng anak. Iniiwasan naming magkaroon pa ng salin-lahi.”
Bumuntong-hininga ako, ibig sabihin ayaw nilang magkaroon ako ng sariling pamilya?
“Papatayin n’yo ba ako?” matapang na tanong ko.
“Kapag pinatay ka namin, pwedeng may makaalam ng tungkol sa dugo mo. Kailangang hintayin ka naming tumanda at kusang mamatay.”
Lumunok ako. Napakasklap nga naman talaga ng buhay ko. Gano’n pala ang magiging kapalaran ko. Pinilit kong alisin ang kamay niyang nakahawak sa braso ko at tuluyang tinalikuran siya. Aalis ako sa lugar na 'to. Hindi ako makapapayag na magiging gano’n ang kapalaran ko.
Hahakbang na sana ako ngunit napatigil dahil sa salita niya.
“Hinulaan ng gabay ang kapalaran ko,” aniya.
Nagdalawang-isip ako kung hihintayin ang sasbihin niya o hindi.
“Ang sabi niya, papakasalan ko raw ang unang anak ng may lahing dugong demonyo.”
-
PASADO alas dos na ng madaling araw pero dilat pa rin ang mga mata ko. Sa tingin ko, hindi na ako makakatulog pa sa lahat ng mga bagay na narinig ko ngayong gabi lang. Hindi ko lubos maisip na mangyayari 'to. Na ang buong buhay ko ay tila ba isang malaking biro. Na para bang nabuhay akong walang alam maski sa sarili ko.
Dumilat ako at tumitig sa kahoy na papag.
Aalis ba ako?
Gusto kong umalis dahil ayokong makulong sa lugar na 'to. Gusto kong magkaroon ng sariling pamilya, bumuo ng pangarap kasama sila pero. . .
Sa kabilang banda, napaisip ako sa sinabi ni Sir Caelan.
Kung totoo ngang papakasalan niya ako, bakit? Paano?
Umiling ako at muling ipinikit ang mga mata. Hindi 'yon mangyayari. Imposibleng pakasalan ako ni Sir Caelan lalo na at hindi niya naman siguro ako gusto. Hindi ka magpapakasal sa isang tao kung hindi mo siya mahal at isa pa. . .
Aswang siya, tao ako.
Imposibleng magkatuluyan ang dalawang nilalang na magkaiba ang anyo.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...