KABANATA 45:

430 25 1
                                    

KABANATA 45:

HALOS LIPARIN NA NI CAELAN ANG papunta ng pusod ng gubat kung saan magaganap ang sinasabi sa hula. May hinuhana siya sa kung ano ang plano ni Rave. Napapansin niya na ang kakaibang awra ng kalangitan habang tumatakbo siya nang mabilis. Unti-unti siyang nahihilo sa humahalimuyak na amoy ng dugo. . .

Dugo ni Ema. Alam na alam niya iyon dahil kabisado niya ang amoy ng dugo ni Ema. Halos lagpas isang araw na nang huli siyang uminom ng gamot pangontra sa amoy ng dugo ni Ema kaya unti-unti nang umeepekto ang amoy ng dugo ni Ema sa kaniyang sistema. Ang gamot niya ay nasa bahay at kung iinumin niya pa ito, malamang na mahuhuli na siya.

Pero. . .

Huli na nga talaga siya dahil narinig na niya ang malakas at maingay na sabay-sabay na pag-alulong ng mga gutom na aswang. Ilang segundo lang ang lumipas, parang mga nauulol na nagkukumahog at nag-uunahan na ang mga kalahi niyang aswang sa pagtakbo papunta sa pinanggagalingan ng amoy.

Walang nagawa si Caelan kundi ang huminto at subukang pigilan ang mga kapwa niya aswang pero hindi niya iyon magawa dahil tila nalason na ang isip ng lahat ng aswang.

Habang abala siya sa pagpapahinto ng mga aswang, nahagip ng mga mata niya ang mabilis na pagtakbo ng motor. Kilala niya kung kanino 'yon.

Talaga nga naman, nagawa pa talaga nito ang plano at nagawa pang makapagmotor kahit na halos baliin na niya ang mga buto nito kanina.

Pinakawalan ni Caelan ang isang aswang na hinawakan niya para sana pigilan. Hinintay niyang makarating ang motor sa kaniya, nang malapit na ito, halata sa mukha ni Rave ang pagkabigla. Gamit ang isang kamay ni Caelan, pinigilan niya ang motor. Nayupi ang unahan ng motor at tumalsik si Rave mula roon.

“Hindi ka na ba talaga nag-iisip?!” sigaw ni Caelan.

Lalong lumakas ang alulong ng mga aswang. Ang halimuyak ng amoy ng dugo ni Ema, mas lalong tumatapang, mas lalong nagbibigay udyok sa mga aswang na hanapin iyon.

Naglakad siya palapit kay Rave, hindi niya inasahan na makakabangon pa rin ito mula sa pagkakatalsik mula sa sinasakyang motor.

Bumuntong-hininga si Caelan, “Nakikita mo na ba ngayon ang ginawa mo?!” sigaw niya kay Rave.

SA GITNA NG GUBAT ng Valiente, ang lahat ng residenteng aswang na naroon ay unti-unti nang nagsisilapitan si ginawang patibong. Tila mga nababaliw sa matamis at nakakahalinang dugo.

Ang unang nakatapak sa iginuhit na bilog ay mas lalong nabaliw sa amoy at pagkatakam. Gustong-gusto niyang malaman kung nasaan ang naaamoy niyang iyon. Hanggang sa maabot niya gamit ang mahahaba niyang kuko ang garapon ng dugo. Natapon 'yon at nagkumahog siyang tikman. Namula ang mga mata niya, nangitim ang balat at humaba ang dila. Bago niya pa iyon tikman, ang sumunod na aswang ay nagkumahog na agawin iyon sa kanila. Mga sabik, mga gutom sa kakaibang lasa.

NAGSIMULAMG KUMIDLAT. Habang si Ema ay hindi mapakali sa loob ng kotse ni Caelan. Mas lalo siyang kinutuban dahil sa lakas ng alulong ng mga aswang sa buong Sitio. Sunod-sunod ang pagkidlat. Dumidilim ang mga ulap ngunit ang buwan ay nananatiling maliwanag.

Habang taimtim siyang nagdadasal, nabigla siya nang may kumalabog sa pinto ng kotse. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa bintanang may isang aswang doon. Mahaba ang dila, nanlalaki ang mga namumulang mata at ang haba ng dila.

Nanginig sa takot si Ema, hindi niya alam kung anong gagawin. Lalo pa’t palakas nang palakas ang pagkalabog ng mga aswang sa kotse. Hindi na lang isa, hindi na dalawa. . . Hindi niya na mabilang!

Lahat sila ay nagpupumilit buksan ang pinto. Hindi na niya alam kung paano pa makakawala! Iyak siya nang iyak, sa isip niya’y tinatawag niya si Caelan.

“S-sabi niya, b-babalik siya?!” nanginginig at nauutal na tanong niya.

Isang hampas ng aswang sa bintana ng kotse ay nabasag iyon. Mas lalong natakot si Ema lalo na nang. . .

Masugatan siya ng mahabang kuko nito. . .

“HINDI MO ALAM KUNG PAANO patitigilin 'to?!” sigaw ni Caelan kay Rave na ngayon ay halata na ang takot sa mukha.

“H-hindi ko alam, putangina! B-bitiwan mo ako! Kailangan kong balikan ang kapatid ko!” sigaw niya.

“Bakit hindi mo naisip na mangyayari 'to?!”

“P-puta! H-hindi ko alam!” galit na si Rave. Takot na siya lalo na dahil baka maging huli na ang lahat kung hindi niya mapuntahan ang kapatid niya.

Dumadami na ang mga aswang sa paligid. Hindi na lang mga taga Sitio Valiente ang naroon. Halos lahat na ay nagkukumahog na puntahan ang dugo ni Ema.

“Imposibleng walang—”

Hindi naituloy ni Caelan ang sasabihin niya dahil marahas na siyang itinulak ni Rave. Hindi niya inaasahan na maitutulak pa siya nang ganoon ng nanghihinang si Rave.

“Rayah!” sigaw ni Rave.

Nabigla si Caelan, napalingon siya sa tinakbuhan ni Rave at nakita nga si Rayah na iba na ang anyo, katulad na ng karaniwang aswang!

“R-rayah!” nanginginig ang boses ni Rave. Niyakap niya ang kapatid ngunit nagpumiglas ito.

Katulad ng ibang mga aswang na halos mabaliw sa nakahahalinang amoy, ganoon na rin si Rayah.

“Rayah! B-bakit mo tinanggap?! R-rayah!” sigaw ni Rave na halos pumiyok na ang boses.

Kahit ilang beses na pagkakalmutin ni Rayah si Rave, hindi niya iyon ininda. Ayaw niyang tumapak ang kapatid niya sa bilog na ginawa nila.

“Aahhh!” puno ng paghihirap ang sigaw ni Rayah, nahihirapang tiisin ang nararamdamang gutom.

Napatayo si Caelan at napakuyom ang kamao. Naisip niya bigla si Trebor, ang Ama niya at ang kaniyang Ina. . . Lalong-lalo na si Ema!

Hindi niya alam kung sino ang una niyang ililigtas. Sa oras na makalapit sila roon, siguradong mapapasama na sila sa hihigupin ng lupa.

Tiim-bagang na tumakbo si Caelan. Bahala na!

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon