KABANATA 14:
HANGGA'T MAAARI, sinusubukan kong iwasan ang magkapatid. Sa tuwing makakasalubong ko sila, bumabati lang ako ngunit hindi ko sila kinakausap. Diretso ko lang silang nilalampasan. Minsan, kung makikita ko na silang nasa malayo, nag-iiba na ako ng daan para lang hindi ko sila makasalubong. Ganoon ang nangyari sa isang linggong pag-iwas ko sa kanila.
Pero kahit ano yata talagang gawin kong pag-iwas, hindi ko sila maiiwasan dahil nasa iisang bahay lang kami at isa pa, Amo ko sila.
Sabado ng umaga ngayon, pagkababa ko kanina ng hagdan ay naabutan ko si Sir Reynaud na nasa sala at abala sa pagsusulat ng kung ano sa papel niya. Hindi ko sana siya papansinin dahil nakatalikod naman siya sa direksyon ko pero napahinto ako sa paglalakad nang marinig ang tawag niya.
“Emanuella.”
Hindi ko alam na alam niya ang totoong pangalan ko pero sa tingin ko, alam niya na siguro noon pa lalo na at matalik na kaibigan niya nga si Papa. Namatay ang Papa ko noong pitong-taong gulang pa lang ako. . .
“Po?”
Hindi siya lumingon sa akin pero kaagad siyang sumagot.
“Puntahan mo si Caelan sa labas, naghihintay siya sa 'yo at may pupuntahan kayo,” aniya.
Kaya pinuntahan ko nga si Sir Caelan sa labas at ngayon ay papunta kami sa lugar na hindi ko alam. Kung kakainin na nila ako, wala akong kaalam-alam dahil hindi ako nagtatanong. Tahimik lang ako habang nasa byahe. Hindi 'yong jeep ang gamit niya ngayon kundi isang magarang kotse na siguro’y bibihira lang kung magamit dahil tila ba walang gasgas.
“Bakit mo 'ko iniiwasan?” tanong niya, siguro kinse minuto na kaming nasa byahe.
Inaasahan ko na kanina pa na itatanong niya 'yan kasi bago ako sumakay sa kotse ay may kakaiba na siyang tingin sa akin.
“Hindi po ako umiiwas, Sir,” sagot ko.
Lumingon ako sa bintana at napansin kong lumabas na kami ng Sitio Valiente.
“Hindi ka magaling magsinungaling,” tila nang-iinsultong aniya.
Hindi na lang din ako sumagot. Ayoko nang humaba pa ang usapan. Kung sa tingin niya ay nagsisinungaling ako, huwag na siyang magtanong pa. Maiisip niya na rin naman sigurong ayokong sabihin sa kaniya, hindi ba?
Mabuti na lang ay hindi na rin naman niya dinugtungan ang tanong na 'yon. Nagpatuloy siya sa pagda-drive, siguro’y dalawampung minuto ang ibinyahe namin bago kami nakarating. Sinalubong kami ng malaking gate na nakabukas, sa taas 'non ay may nakasulat; Sitio Araceli. Katulad ng Sitio Valiente, liblib din at mukhang probinsya ang lugar kahit na nasa syudad pa rin naman. Ang kaibahan nga lang, mas maraming bahay ang lugar na ito, tila mas malaki.
Ilang minuto pa ay nakarating na kami sa pinakamalaking bahay sa loob ng Sitio. Hindi katulad ng bahay nila Sir Caelan, malaki ito at magarbo kaya napaisip ako kung aswang din kaya ang mga nakatira dito?
Pinagbuksan kami ng gate. Napakataas ng gate na iyon na tila sinadya talaga upang hindi makapasok ang kahit na sino.
Nang makaparada kami sa labas, naaninag ko ang isang matandang lalaki, mas matanda pa yata kay Sir Reynaud dahil puting-puti na ang buhok niya, nakasuot siya ng pormal na damit kagaya ng isang lalaking katabi niya, siguro’y kasing-edad ni Sir Caelan.
Nakakatakot ang tindig nilang dalawa na halos ayaw kong bumaba sa sasakyan kahit na nakababa na si Sir Caelan.
Pilit ko na lamang tinapangan ang sarili ko, bumaba ako ng kotse kahit pa nanginginig ang mga tuhod ko.
“Magandang umaga, Caelan,” bati ng matandang lalaki. Ngumiti siya pero para bang naging ngisi iyon.
“Magandang umaga rin, Uncle Timon.”
Nanatili silang magkatitigan ng ilang segundo, tila ba nag-uusap gamit ang mga mata. Hanggang sa niyaya kami 'nong Uncle Timon niya sa loob ng malaki nilang bahay.
Kinabahan na tuloy ako lalo, kasi kung Uncle Timon ang tawag niya rito, malamang na kamag-anak niya ito!
Nang makapasok kami’y nagpahanda ng meryenda ang Uncle niya. Dumiretso naman kami sa magarbong sala ng bahay. Pakiramdam ko nga, e, nanliliit ako sa lugar dahil sa sobrang laki.
“Siya na ba?” tanong ng matandang lalaking si Uncle Timon nang makaupo kami. Sumulyap pa ito sa akin saglit na nagpabilis ng tibok ng puso ko.
Yumuko ako dahil doon, kakainin na ba talaga ako? Ihahanda sa isang salo-salo? Pero, hindi ko pa natutuklasan ang lahat ng gusto kong matuklasan!
“Opo,” diretsong sagot ni Sir Caelan.
Ano bang meron? Sana kahit papaano’y bigyan nila ako ng kaunting karapatan na malaman.
Napatawa iyong Uncle Timon habang ang katabi niyang lalaki ay nakatitig na sa akin. Nakakatakot ang tingin niya sa akin, matalim. Kaya patuloy akong nakayuko at sumusulyap lang.
“Hindi ko akalain na may matitira pa palang lahi sila Erwan,” natatawang anang matanda.
Napaangat ang ulo ko nang tuluyan. Kilala rin nila ang Papa ko?!
“P-paano n’yo po nakilala si Papa?” kinakabahang tanong ko. Pero kung kakainin na nga nila ako, dapat malaman ko na ang gusto kong tanungin.
Mas lalong natawa ang matanda, “Totoo ngang pinalaki ka nilang walang alam, iha.”
Napakurap ako sa sinabi niya. Siya nama’y sumulyap kay Sir Caelan na tahimik lang sa tabi ko.
“Hindi mo alam na ang pamilya n’yo ang nagsilbing banta sa amin ng ilang daang taon,” sagot niya.
“Hindi ko po kayo maintindihan.” Wala sa sariling sagot ko.
“Malalaman mo rin 'yan, iha,” aniya. “Sa ngayon, gusto kong malaman mo na hangga't maaari, huwag na huwag kang aalis sa Sitio Valiente.”
Nangunot ang noo ko. Hindi ko na maintindihan ang lahat, gulong-gulo na ako! Nagtiim-bagang ako. Kahit gusto ko nang magtanong, tiniis kong hindi gawin. Ilang pag-uusap pa ang ginawa nila bago tumayo si Sir Caelan at iyong Uncle Timon niya.
Hindi ako makapaniwala na iniwan ako ni Sir Caelan dito sa lalaking ang sama kung makatingin. Parang kakainin ako ng buhay. Na sa totoo lang ay alam kong pwedeng-pwede niyang gawin.
“Grabe,” anito.
Yumuko ako nang marinig ko ang baritonong boses ng lalaking kaharap ko.
“Siguro kung hindi ko alam ang hula tungkol sa aming mga aswang na taga-rito, siguro talagang kinain na kita,” dagdag pa niya.
Napaangat ako ng tingin sa kaniya dahil 'don, at mas kinabahan nang makitang pumula ang mga mata niya, umitim at bumalik sa dati.
Wala akong nagawa kundi ang tiisin ang kabang nararamdaman ko hanggang sa bumalik sila Sir Caelan.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...