KABANATA 33:

547 32 0
                                    

KABANATA 33:

“SA KABILUGAN NG BUWAN, sa gitna ng gubat sa Sitio Valiente, kung kailan gutom ang lahat. Nagkukumahog sa paghahanap ng makakain, madidiskubre ng isa ang isang ipinagbabawal na pagkain. Siya ang unang titikim. Pagkatapos ng tikim, mananabik siya at hindi ito titigilan. Lahat sila, magpapaalipin sa mahalimuyak na amoy ng kasalanan. Sa gitna ng isang masaganang kainan, bubukas ang portal sa ilalim ng lupa kasabay ng malaki at malakas na buhawi ay ang paglamon ng lupa sa lahat ng nasa pusod ng Baryo Guerrero. Mabubura ang buong baryo, ni isa, walang matitira.”

“Paano namin 'to maiiwasan?”

“Kung ikakasal ang tagapagmana ng Sitio Valiente sa unang anak ng bawat unang anak ng pamilya Malum, hindi ito matutuloy. Ang pagsasanib-pwersa ng isang aswang at ng taong may dugo ng isang demonyo, iyon ang paraan. Ngunit hindi ito ang magiging huling banta sa Baryo Guerrero, ito pa lang ang una.”


EMA POINT OF VIEW:

Abala ako sa pagdidilig ng halaman. Nang makaalis si Odessa, unti-unti kong binuo ang plano ko sa isip ko. Hindi ako dapat magtiwala sa kahit na sino. Iyan ang unang sumagi sa isip ko.

Kahit na kanino, kahit kila Rave. Dapat may sarili akong plano. Kung matalino sila, dapat maging matalino rin ako.

Tila may ibang pahiwatig ang manghuhulang 'yon. May kakaiba sa habilin niyang mag-ingat ako.

Ipinagpatuloy ko ang pagdidilig, habang nagdidilig, hindi ko inaasahang darating si Rave. Nakakapasok kaagad siya sa gate ng bahay ng mga Valiente, una dahil wala namang nagbabantay at pangalawa, walang lock ang gate. Hindi takot ang mga aswang dito na baka nakawan o ano. Mas nakakatakot sila, e.

“Bakit nandito ka?” tanong ko sa kaniya.

“Ang sungit, bakit? Natatakot ka ba na baka ipakain nga kita sa mga aswang dito?” tanong niya sa akin.

Inirapan ko siya at nagpatuloy sa pagdidilig.

“Huwag kang mag-alala, hindi ako sumisira ng pangako, hindi ako traydor,” aniya pa.

“Tapos?” pambabara ko.

“Pero pwedeng mangyari 'yon, pwedeng traydurin kita.”

Nangunot ang noo ko, tinigil ko ang pagdidilig at nilingon siya.

“Anong sabi mo?”

“Pakasalan mo ako sa araw mismo ng birthday mo. Kailangan nating salungatin ang hula.”

Umawang ang labi ko. Unti-unti akong napangiti hanggang sa tuluyan akong natawa. Ang lakas ng tama nitong lalaking 'to! Ang galing niya magpatawa!

“Loko ka! Bakit ka ba nagbibiro?” tanong ko pa habang natatawa pa rin.

Tumawa rin siya, dahil yata totoong biro 'yon. Pero natigil ako sa pag-tawa nang sumagot siya.

“Hindi ako nagbibiro,” sabi niya sabay ngiti.

Sasagot sana ako pero hindi ko na nagawa dahil may biglang pumagitna sa aming dalawa. Nakatalikod siya sa akin at nakaharap kay Rave.

“Bakit ka nandito?”


CAELAN POINT OF VIEW:

“Ano Kuya? Totohanan na yata iyan, a?” natatawang tanong ni Trebor.

Napalunok ako habang tinatanaw si Ema mula rito sa bintana ng kwarto ko. Abala siya sa pagdidilig ng mga halaman.

Yumuko ako at napangisi. Hindi ko naman inaasahan 'to, una para lang talaga sa kapakanan ng buong Baryo Guerrero.

“Naku po, patay tayo r’yan!” dagdag pa ni Trebor.

“Kung maging totoo nga, may problema ba?” tanong ko sa kaniya at saka siya nilingon.

Nakaupo siya sa kama ko at nang sabihin ko 'yon, umawang ang labi niya na tila hindi inasahan ang isasagot ko.

“So totoo nga?” manghang tanong niya.

Nag-iwas ako ng tingin kasabay ng pagkabog ng puso ko. Wala namang masama kung maramdaman ko 'to. Mas maigi ngang may nararamdaman ako kaysa wala. Mas maiging ganito kaysa naman magpakasal sa taong hindi mo gusto.

“Tandaan mo Kuya, ang sabi ng manghuhula, hindi lang ito ang una. Magkakaroon ng pangalawa, pangatlo at maraming banta para sa Valiente. Kung ikasal nga kayong dalawa, mapipigilan lang natin ang una pero paano kung hindi pala kayo pareho ng nararamdaman?”

Hindi ako sumagot. Nanatiling tikom ang bibig ko sa mga sinabi ni Trebor.

“Huwag kang pakasisiguro, Kuya. Kung magtagumpay man tayo sa una, dapat gawin nating consistent.” Naramdaman kong tumayo na si Trebor sa kama. “Tatapusin ko muna ang trabaho ko, mag-isip ka muna r’yan.”

Hinayaan ko siyang umalis. Nanatili ang tingin ko sa labas ng bintana kung saan naroon si Ema. Tiim-bagang na pinakiramdaman ko ang nararamdaman ko. Totoong hindi ko dapat nararamdaman 'to. Dapat hanggang pakakasalan lang ang tingin ko sa kaniya. . .

Dapat hindi ako naaawa, dapat hindi ako nasasabik na makita siya, dapat hindi ko siya gustuhin, dapat. . .

Natigil ako sa pag-iisip nang biglang bumukas ang gate. Nangunot ang noo ko nang makitang pumasok mula roon si Rave. Ang sabi ni Trebor, dumalaw siya rito noong nakaraan para makausap si Ema. Na sila Trebor at Raya daw ang nagligtas kay Ema at nangungumusta lang sila. Pero bakit ngayon nandito na naman siya? Ano ba talagang sadya niya?

Tahimik na pinagmasdan ko si Rave at Ema. Nakangiti si Rave habang si Ema naman ay seryoso lang na nakatingin sa kaniya.

Hindi sana ako aalma, hahayaan ko sana silang mag-usap pero. . .

Pero kumirot ang puso ko nang makita kong ngumiti si Ema. Hindi lang ngumiti, tumawa pa siya.

Kahit kailan hindi pa siya ngumingiti nang gano'n sa akin. Iyong ngiti at tawa na totoong masaya. . .

Kumuyom ang kamao ko habang nakatingin sa kanila na masayang nagkukwentuhan.

Kailangan kong pigilan ang sarili ko, dapat hindi ako mainis o magalit nang ganito. Kailangan ko lang siyang pakasalan, wala ng iba.

Pakakasalan ko lang dapat siya.

Pero kahit anong pigil ko, sa isang iglap lang naglaho ang lahat ng pagpipigil kong 'yon nang mabilis na hinawi ko ang kurtina ng bintana at mabilis na tinungo ang pagitan nilang dalawa.

“Bakit ka nandito?” tanong ko sa ugok na gusto pa yatang agawin. . .

Ang babaeng para sa akin.

Akin lang!

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon