KABANATA 46:

431 25 0
                                    

KABANATA 46:

PUNONG-PUNO NA SI Rave ng sugat sa kaniyang braso at likuran. Ang ibang aswang ay napapatingin na sa kaniya dahil sa amoy ng dugo niya. Tao pa rin siya at kahit sinong aswang ay pwede pa ring maakit sa laman niya. Pero binabalewala nila iyon, kung hindi lang siguro matapang ang amoy ng dugo ni Ema, malamang na siya na ang ginawang hapunan ng mga ito.

“R-rayah, ako ito, ang Kuya mo! P-please, k-kontrolin mo ang sarili mo!” sigaw ni Rave, nagbabakasakaling marinig pa siya ng matinong Rayah sa loob ng halimaw na kaharap niya ngayon.

“Rawr!” atungal ni Rayah at muli siyang kinalmot sa balikat.

Sumirit ang dugo niya at naramdaman niya ang unti-unting paglamon ng sakit ng kaniyang mga sugat sa kaniyang sistema.

Kaunti na lang. . .

Makakaapak na sila sa bilog. Sa oras na umapak sila roon, at matikman ni Rayah ang dugo, siguradong wala na silang kawala.

Dahil sa sobrang pagkapagod at sa dami ng sugat na tinamo ni Rave, tuluyang bumigay ang katawan niya. Napabitiw siya kay Rayah sa huling kalmot nito sa kaniya. Bumagsak siya sa damuhan at nakita niya kung paano tumakbo ang kapatid sa loob ng bilog.

Gusto niya pa sanang tumayo, gusto niya pa sanang habulin si Rayah, pero huli na ang lahat dahil unti-unti nang namumuo ang buhawi sa gitna ng bilog kung saan naroon ang dugo ni Ema. . .

At tuluyan siyang napapikit.

“EMA!” HALOS MAPATID na ang litid ni Caelan habang tumatakbo papunta sa ilog kung saan naroon si Ema.

Ilang aswang ang hinawi niya dahil sa pagmamadali, ang iba roon ay tumalsik na dahil sa lakas na ipinuwersa niya. Naisip niya si Ema, mas kailangan siya nito lalo na at malapit lang sa pusod ng Sitio Valiente.

“Ema!”

Natigil siya sa pagtakbo nang makitang halos hindi na makita ang kotse niya dahil sa pagkukumpulan ng mga aswang doon. Nagtiim-bagang siya at kuyom ang kamaong nagkumahog na lumapit doon. Kaagad niyang hinawi ang unang aswang na nahawakan ng kaniyang kamay. Kahit na hawiin niya ito, nagmamadali pa ring bumabalik ang mga 'yon.

“Ema!” sigaw niyang muli.

Walang tigil sa pag-alulong ang mga aswang. Gutom na gutom at tila ba’y mababaliw kung hindi makakatikim ng pagkaing kanina pa nila naaamoy.

Ilan pang aswang ang nahawi niya, unti-unti niya nang naaamoy ang mabangong dugo ni Ema. Ilang beses na namula ang mga mata ni Caelan, ilang beses siyang nawala sa sarili pero pilit niya iyong nilabanan.

Sa huling aswang na hinawi niya, nakita niya mula sa bintana si Ema. Tulala ito habang may kung anong binubulong. Tila wala na ito sa sarili.

“Aperi portal, coepi diluvium. Et introeuntes sinitis intrare nequitias daemonum. Aperi portal, coepi diluvium. Et introeuntes sinitis intrare nequitias daemonum.”

Natigilan siya. Kung hindi siya nagkakamali. . .

May isang ritwal ang sa isang tao lang sinabi ng manghuhula at gabay nila noon. Sinabi iyon sa yumaong ina ni Ema. . .

“Aperi portal, coepi diluvium. Et introeuntes sinitis intrare nequitias daemonum. . .”

Nagsimulang kumulog, kumidlat at natakpan ng maitim at makapal na ulap ang buwan. Lumakas ang ihip ng hangin ang mga aswang ay nagsilayo sa kotse. Nagtakbuhan ang lahat ng 'yon.

Napatingala si Caelan sa kalangitan, may malaking buhawi ang nasa pusod ng gubat!

ANG LAHAT NG ASWANG na tumapak sa bilog na ginawang ng ritwal ay pare-parehong nilamon sa pagbukas 'non. Nagkaroon ng buhawi at unti-unti silang nilamon. Wala silang nagawa, wala nang ibang paraan para makatakas sa paglamon ng impyerno sa mga nagpatuksong aswang.

Ilang minutong umiikot ang buhawi sa iisang pwesto kung saan naroon ang mga aswang. Hanggang sa huminto ang buhawi at umulan. . .

Ang ibang aswang na hindi napasama sa ilalim ng impyerno, pare-parehong natauhan. Hindi nila alam kung bakit sila nagkagano’n, ngunit natatandaan nila kung anong nangyari.

Nagising si Rave nang mabasa siya ng ulan. Pero dahil hindi niya na kaya pang tumayo, nakadapa siyang umiyak at humagulgol dahil sa pagkawala ng kaniyang kapatid.

Nang dahil sa kaniya, nangyari ang lahat ng 'to. Pero hindi siya nagtagumpay.

“Masaya ka ba sa ginawa mo?” narinig niya ang mapanuyang tanong ng Kuya Vane niya. “Sa tingin mo tanga ako para hindi malaman ang lahat ng plano mo?”

Nag-angat ng ulo si Rave at naaninagan ang Kuya niyang wala manlang bahid ng pagsisisi sa lahat.

“Maraming salamat sa 'yo, mas napaaga ang pagkuha ko ng posisyon ni Ama,” anito at 'tsaka siya tinalikuran.

“EMA?! AYOS KA NA BA?”

Pagkatapos ibulong ni Ema ang mga salitang 'yon, nawalan siya ng malay. Nagising na lamang siyang nasa kwarto na siya ni Caelan.

“A-anong nangyari?” nauutal na tanong ni Ema.

Hinaplos ni Caelan ang buhok niya at saka ngumiti. “Ayos na Ema, tapos na. . .” bulong nito at hinalikan ang noo niya.

Napabangon siya nang maalala ang lahat ng nangyari. Napasulyap siya sa binatana at nakitang umaga na.

“Nangyari na ba ang hula?!” gulat na tanong ni Ema. Napahawak siya sa balikat niya at dumaing nang makapa ang sugat niya roon na mayroon lamang benda.

“Magpahinga ka na muna,” ani Caelan.

“B-bakit, p-paanong n-nakaligtas ka?” gulat na tanong niyang muli.

“Huwag ka nang mag-alala, ayos na. Ayos lang ako.”

Pero hindi siya mapakali, pilit siyang bumangon at kahit na tinawag siya ni Caelan, hindi niya ito pinansin.

Pagkalabas niya ng pinto, magulo ang buong bahay nila Caelan. Puro patak din ng dugo ang nasa sahig!

Mabilis na napaupo siya at naalala ang buong pamilya ni Caelan. Napaluha siya at napaluhod dahil sa mga nakikita.

“H-hindi ko alam na para pala 'ron iyong orasyon na sinabi sa akin ni Mama! Hindi ko alam!” napahagulgol si Ema.

Napatakip siya sa kaniyang mukha habang umiiyak. Sising-sisi siya sa lahat ng kaniyang nagawa.

Ngayong namatay ang buong pamilya ni Caelan, dapat masaya na siya dahil patas na sila pero hindi. . . hindi niya alam kung kaya niya pa bang humarap sa lalaki.

Hindi niya inakalang magsisisi siya nang ganito.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon