KABANATA 24:

638 34 4
                                    

KABANATA 24:

INIWANAN KAMI NI Sir Trebor sa loob ng kwarto. Hindi ko alam ang dahilan pero nang subukan kong sumunod kay Sir Trebor, pinigilan ako ni Sir Caelan sa pag-labas ng kwarto.

Kabado ako habang nakatalikod na naghihintay habang nagbibihis siya ng damit. Oo at nakita ko na ang pang-itaas niyang katawan pero hindi ko pa rin napigilang tumalikod nang kumuha siya ng dami at nagbihis.

“Humarap ka na, nakita mo naman na bakit kailangan mo pang tumalikod?”

Marahang humarap ako sa kaniya, nahihiya at kinakabahan sa maaaring mangyari. Wala akong iniisip na mangyayari! Ang iniisip ko ngayon ay baka gawin niya akong hapunan!

“B-bakit mo ako p-pinaiwan? G-gusto ko na ring umuwi.” Hindi ko alam kung bakit palagi akong kinakabahn sa tuwing malapit siya. Siguro dahil sa mga nalaman ko, iyon siguro.

“Anong nararamdaman mo?”

Nangunot ang noo ko sa itinanong niya, kasi hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin. Wala akong maintindihan.

“Ano?” takang tanong ko pabalik.

Ngumiti siya at humakbang palapit sa akin. Iyong ngiti niyang 'yon, ngayon ko lang nakita. Para bang tuwang-tuwa siya sa hindi ko naman alam ang dahilan.

“B-bakit?”

Mas kinabahan ako lalo. Gusto kong umatras pero tila napako na ang mga paa ko sa sahig. Tulala lang ako sa kaniya habang papalapit siya sa akin.

“Totoo nga yata talaga 'yong hula. . .” aniya.

Napakurap ako, doon ko lang naigalaw ang mga paa ko paatras mula sa kinatatayuan ko.

“H-hindi kita maintindihan.”

Mas lalo siyang napangiti nang napasandal ako sa dingding katabi ng pinto. Wala na akong kawala nang bumaba ang mukha niya sa akin. Todo-todo ang kaba ng puso ko na halos marinig ko na pati ang paghinga ko.

“Alam mo bang labing-tatlong taon ang tanda ko sa 'yo?”

Napapikit ako dahil hindi ko na makaya pa ang kabang nararamdaman ko. Hindi ko rin kaya ang mga titig na pinupukol niya sa akin.

Humalakhak siya at naramdaman ko ang paghaplos ng mainit na hininga niya sa aking leeg. “Hihintayin kong mag-desi-otso anyos ka. . .” bulong niya.

Doon lang ako nakahinga. Nang dumilat ang mga mata ko’y wala na siya sa harap ko. Malayo na siya sa akin, nasa kama na siya habang nakangiti na para bang may nagawa siyang nakakaloko.

Nagmadali akong tumakbo palabas ng kwarto at naabutan si Sir Trebor na naninigarilyo roon. Nakangiti siya sa akin na puno ng kapilyuhan.

“Ano?!” inis na tanong ko sa kaniya, hindi ko na napigilan.

“Kinilig ka 'no?”

Nanlaki ang mga mata ko. “Nakinig ka?!”

Humagalpak siya nang tawa na kinainis ko. Hinayaan ko siya roon at nagmadaling umalis. Lalabas na lang muna siguro ako para mawala ang inis ko sa magkapatid. Niloloko lang yata ako ni Sir Caelan, e! Para siguro makita niya kung marupok ako!

Pababa na sana ako ng hagdan nang may marinig akong usapan sa baba. Natigil ako sa paglalakad, tila ba may nag-udyok sa akin na makinig sa usapan.

“Oo, narito ang anak ni Erwan. Kahit na may proteksyon na siya ni Caelan, malakas pa rin talaga ang dugong dumadaloy sa batang 'yon,” ani Sir Vane.

“Katulad ng kay Erwan?” tanong ng isang matandang hindi ko kilala.

“Oo, katulad na katulad.”

“Kung gano’n, bakit hindi na lang natin siya patayin? Pwede naman 'yon para hindi na siya maging banta sa atin,” anang matanda.

Naghintay ako ng sagot. Natatakot ako pero hindi ko dapat ipahalata ang takot ko.

“Sa oras na mamatay siya nang wala pa sa oras, masisira ang lahat ng dapat nakatakda. Mas magiging maaga ang pagbura ng Baryo Guerrero.”

“Pero paano? Tila napaka-imposible naman yata ng sinasabi mo. Ngayong wala nang pumuprotekta sa kaniya at sa pamilya niya, magiging madali na lang.”

“Simple lang, sa oras na mamatay siya nang wala sa oras, malalagay tayo sa alanganin tulad ng nangyari sa tatay niya. Ang problema noon, hindi natuloy ang pagkabura ng Baryo Guerrero dahil sa sakripisyo ni Uncle Reynaud. Sa sitwasyon ngayon, wala nang mangangahas magsakripisyo para sa kaniya. Kusang aalingasaw ang amoy niya sa buong Baryo Guerrero, hahanapin siya ng hanggang kahuli-hulihang aswang sa baryong ito hanggang sa ang lahat ay magtitipon-tipon, didilim ang kalangitan kasabay ng malaking delubyo.”

“Iyan ba ang hula?” takang tanong ng matanda.

“Oo.”

Tulala akong umakyat pabalik sa taas. Hindi ko maintindihan ang lahat ng 'yon. Hindi sinabi sa akin ni Sir Caelan ang lahat. Kung ganoon nga ang mangyayari, bakit hindi na lang nila ako paalisin?! Bakit pinananatili pa rin nila ako sa lugar na 'to kung ako pala ang magiging dahilan ng malaking delubyo para sa kanila?!

“Bakit?” tanong ni Sir Trebor nang makabalik ako.

“Gusto ko nang umuwi. . .”

Wala na ako sa sarili, ang daming bumabagabag sa isip ko, paulit-ulit na bumabalik sa akin ang mga sinabi ni Sir Vane. Ganoon ba kalakas ang dugong nananalaytay sa akin?

Bumukas ang pinto ng kwarto at bumungad si Sir Caelan.

“Tara na, umuwi na tayo,” aniya at nauna nang naglakad.

Yumuko ako at sumunod sa kaniya, nakababa kami ng hagdan na nakayuko pa rin ako. Bumati si Sir Vane sa kaniya pero dahil nga tulala ako at wala sa sarili, nabigla ako nang matamaan ko ang isang babasaging vase, bumagsak iyon at tumama sa paa ko.

Dumaloy ang kirot sa aking paa. Nang bumaba ang tingin ko 'ron ay unti-unti nang dumaloy ang dugo sa parte ng nasugatan kong paa at binti.

Hindi ako natakot sa sakit. Ngunit nang mag-angat ako ng tingin, nanghina ako nang makita ang pag-iiba ng anyo ni Sir Vane, Sir Trebor at ng matanda.

Napaatras ako. Pare-parehong nagsilabasan ang mahahaba nilang dila kasabay ng paglitaw ng matatalas nilang pangil. Nagmistulang aso ang kanilang itsura na pare-parehong nakatayo, mahahaba rin ang mga kuko nila.

“T-teka!” umatras ako. Nag-angat ako ng tingin kay Sir Caelan at nakitang nagbabago na rin ang itsura niya.

Ito na ba ang katapusan ko?

Pero. . .

Hindi pa ako handa, ayoko!

Sinubukan kong tumakbo, pero bago ko pa man magawa. . .

May matalas nang kuko ang gumuhit sa likuran ko.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon