KABANATA 22:

718 33 6
                                    

KABANATA 22:

UMALIS SIYA. TATLONG ARAW na siyang wala sa bahay. Wala akong balita kung bakit siya umalis. Basta bigla na lang, ni hindi rin naman nag-aalala sa kaniya ang buong pamilya niya na sa tingin ko’y alam nila.

Gusto kong magtanong kay Auntie, pero nahihiya akong tanungin dahil sigurado akong magtataka 'yon. Isa pa, nagtataka na rin ako sa sarili ko, kung bakit ba hinihintay ko siyang umuwi.

Sa totoo lang, ang totoo, nakokonsensya ako sa nangyari noong nakaraang araw. Pakiramdam ko, masyado akong naging masama sa kaniya. Sa tono kasi ng pagkakasabi niya 'nong huling sinabi niya, para bang may hinanakit siya na ewan.

Napailing na lang ako habang nagdidilig ng halaman sa hardin. Oo, hinahayaan na ako ni Sir Trebor na magdilig dito. Hindi niya naman na iniiwanan ang mga kinakain niyang babae kung saan-saan. Minsan, nahuhuli ko pa rin naman siyang kumakain ng tao pero tila ba nasanay na ako. Iniisip ko na lang na nanunuod lang ako ng cannibal movie. Pero ang totoo, kung hindi ko 'yon iisipin, sukang-suka na ako.

“Naku, seryoso ka na naman d’yan,” bungad sa akin ni Sir Trebor. May hawak siyang isang pirasong daliri na nginangatngat niya.

Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Nakakadiri talaga. Narinig kong itinapon niya iyong daliri dahil may hinagis siya.

“Sorry, hindi ko kasi alam na nagdidilig ka pala.”

Hindi ko siya pinansin. Nagpatuloy ako sa pagdidilig at umaktong walang naririnig. Nang makarating na ako sa bandang gate, napatigil ako nang makita ang pamilyar na mukha.

Ang lalaking 'yon ay nakatayo sa harap ng gate. Seryosong nakatingin sa akin.

“Hoy Kuya Vane!” tawag ni Sir Trebor sa lalaki.

Siya iyong lalaking naroon kasama ng Uncle ni Sir Caelan noong bumisita ako sa kanila.

Nag-iwas siya ng tingin sa akin at ngumiti kay Sir Trebor. Para maiwasan sila, nagpatuloy na lang ako sa pagdidilig. Ayokong madamay na naman sa usapan nila, ayokong makarinig na naman ng mga salitang gusto nila akong kainin o ano pa man.

“Kumusta ka na kuya? Bakit bigla ka yatang napadalaw?”

Hindi ko sinasadyang marinig. Wala akong pakialam.

“Ang kuya mo kasi, may nangyaring hindi maganda habang hinahanap niya 'yong. . .”

Hindi ko na narinig ang sumunod niyang sinabi. Nagbulungan na sila, halatang hindi ko maaaring marinig. Pero ang nagpakaba talaga sa akin ay ang isipin na may nangyaring hindi maganda.

Napahamak ba siya? Anong nangyari? Bakit ba kasi siya umalis?

Dahil sa narinig ko, nagmadali akong nagdilig ng mga halaman pagkatapos ay kaagad na umakyat sa kwarto para magbihis at mag-isip.

Paano ko ba malalaman kung nasaan si Sir Caelan?

Naiinis ako sa sarili ko, kung bakit ba kasi nagiging ganito na ako ka-concern sa kaniya. Kung bakit gusto kong malaman kung nasaan siya at kung anong kalagayan niya?!

Bumuntong-hininga ako nahiga sa papag. Paano kung may nangyaring masama sa kaniya? Anong mangyayari? Akala ko ba. . .

Ikakasal siya sa akin?

-
CAELAN POINT OF VIEW:

“Wala akong alam, wala akong sasabihin sa 'yo,” mariing sagot ng anak ng manghuhula na nanghula sa pamilya namin.

Alam kong nagsisinungaling siya. Hindi pwedeng wala siyang alam. Kahit papaano, sigurado akong may sinabi sa kaniya ang nanay niya.

“Makakabuting malaman ko ang totoo, Odessa. Kapag hindi ka nagsalita, hindi namin malalaman kung anong kailangan naming gawin.” Pagpapaliwanag ko sa kaniya.

Humarap siya sa akin na may galit sa mga mata. “Ang kailangan niyo lang gawin ay maghintay sa mangyayari, wala kayong gagawin. Lahat ng nasa Sitio Valiente, sa oras na mangyari ang hula, lalamunin kayo ng lupa.”

“P-pero paano si Ema?”

Nangunot ang noo ni Odessa. “Si Ema? Siya ba ang babaeng pakakasalan mo?”

Pumikit ako nang mariin. Sinasabi ko na nga bang may alam siya.

“Payo lang. Kahit anong gawin ninyong pagpigil, mangyayari ang dapat mangyari. Magiging daan lang naman si Ema.”

“Paano kung patayin ko na lang siya?” buong tapang tanong ko.

Ngumisi si Odessa sa akin. “Iyan ay kung kaya mo.”

Tila tinamaan ako sa puso nang sabihin niya 'yon. Kaya ko nga ba? Maraming pwedeng paraan para patayin si Ema. Na hindi dadanak ang dugo niya at hindi maaamoy ng ibang kapwa ko aswang pero. . .

Kaya ko nga ba?

Sasagot pa sana ako pero nagulat ako nang makarinig ako nang malakas na pagputok ng baril.

“Nandito ang aswang sa Sitio Valiente!” sigaw ng isang lalaki mula sa labas ng bahay.

Nabigla ako roon. Napatingin ako kay Odessa na ngayon ay nakangiti, para bang alam niya iyong nangyayari.

“A-anong–”

Muling nagpaputok ng baril. Nanlaki ang mga mata ko dahil doon. Tangina.

Bago pa man ako makahanap ng pintong lalabasan ay hinawakan na ako ni Odessa sa braso. May asin ang kamay niya na dahilan para umusok ang braso ko at humapdi ang balat ko sa sakit.

“Aahh!”

“Huwag kang mag-alala, Caelan. Kaunting sakit lang 'yan, ganti para sa nangyari kay nanay.”

Itinulak niya ako palabas ng pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang puno ng taong may dalang kahoy ang nasa labas.

“Anong ginagawa ng isang aswang dito?!” sigaw ng lalaking may hawak na baril.

Sinubukan kong umiwas. Pero kahit anong bilis ko, napakarami nila!

“Matagal na kaming nagtitiis sa mga katulad ninyo! Sa wakas nakakita na ulit ako ng aswang, pakilabas nga ang dila mo?”

Muli akong lumingon kay Odessa na ngayon ay ngiting-ngiti. Anong gagawin ko?

Kinasa ng lalaking may baril ang kaniyang baril at itinutok sa akin. Nang iputok niya 'yon, mabilis akong umiwas.

“Putangina, huwag kang malikot!” sigaw niya.

Marami ang humawak sa akin. Kinasa niyang muli ang baril kasabay ng halakhakan ng mga tao sa paligid.

Nang ipinutok niya ang baril, mabilis na hinawi ko ang mga taong nakahawak sa akin at tumakbo ako paalis. Nagsinghapan sila at napasigaw nang tumama iyon sa isang tao.

Nakokonsensya man, nagmamadali kong tinakbo ang palabas ng Sitio nila. Kung akala nila mapapatay ako ng gano’n lang nagkakamali sila.

Nasa pangatlong lahi ako ng pinakamalalakas na aswang. . .

BANG!

Napaigik ako sa sakit nang matamaan ako sa kaliwang balikat. Ramdam na ramdam ko ang unti-unting pagkalat ng sakit at hapdi sa buo kong katawan. Pero hindi ako huminto. Sumakay ako sa kotse ko at pinaharurot iyon kahit ang mga tao’y patuloy pa ring humahabol sa akin.

BANG!

Namamanhid ang balikat ko. Nanlalabo ang mga mata ko.

Nagmamadaling kinuha ko ang cellphone ko sa aking bulsa at tinawagan si Vane. Mas malapit dito ang Sitio nila, mas mabilis nila akong makikita.

Habang. . .

Hindi pa tuluyang kumakalat ang lason.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon