KABANATA 40:
NAGISING AKO SA KALAGITNAAN ng mahimbing kong tulog nang maramdaman kong wala na akong katabi. Nang tuluyang dumilat ang mga mata napansin kong papasikat na ang araw at nasa kwarto na ako. Kwarto namin ni Auntie Ida. Nangunot ang noo ko, pero hindi ko natandaang bumalik ako rito kagabi. . . Binuhat kaya ako ni Sir Caelan? Nakakahiya. . .
Teka, totoo ba 'yong nangyari? Napabangon ako bigla at nang subukan kong tumayo, naramdaman ko ang sakit na tila ba may napunit sa gitna ng aking mga hita. . . Totoo nga, hindi nga ako nananaginip lang. Nag-iinit ang mga pisngi ko habang inaalala iyong nangyari kagabi. Nakakainis, bakit ba ako bumigay? Napatakip ako sa mukha ko dahil sa sobrang kahihiyan sa sarili. Nang kumalma ako, inalis ko rin iyon at bumuntong-hininga.
Kagat-labing napailing ako, mangiyak-ngiyak na kinuha ko 'yong cellphone ko na binigay ni Rave. Kahit na may nangyari sa amin ni Sir Caelan, hindi ako papayag na mapunta lang sa wala ang lahat ng pinlano namin. Buo na ang desisyon ko kahit na. . .
Mahal ko si Sir Caelan.
Gagawin ko ito hindi para sa akin, kundi para sa namayapa kong pamilya. Pinagbigyan ko lang ang sarili ko kagabi, hinayaan ko lang na kahit papaano, mailabas ko ang nararamdaman ko. . . Iyon lang 'yon, hindi ko na kailangang palawigin pa.
Nabigla ako nang pagbukas ko ng cellphone, puno iyon ng text messages ni Rave. Sunod-sunod iyon. May mga missed calls nga rin. May mga mura siya roon pero iyong huling text niya ang pumukaw ng pansin ko. Halos ilang minuto pa lang ang nakalipas noomg tinext niya 'to.
From Rave:
Gagawin na natin mamaya, magpakasal na tayo. Magreply ka naman, o. Kung tutuloy ba tayo o hindi, para hindi ako mukhang tanga rito. Kagabi pa ako naghihintay sa labas ng gate ng mga Valiente.Napatayo ako bigla. Totoo ba 'to? Kahit masakit pa ang gitna ng mga hita ko, nagmadali akong tumayo. Nag-angat ako ng tingin sa itaas na bahagi ng double deck, mahimbing pa ang tulog ni Auntie. Ano kayang naging reaksyon niya 'nong inihatid ako ni Sir Caelan sa kwarto?
Nagbihis ako, nagsuot ako ng jacket dahil halos alas kwatro pa lang. Nagpalit na rin ako ng lahat ng suot ko dahil kagabi pa ito. Matapos kong magbihis, bumuntong-hininga ako at tumalikod na, nagmadali akong lumabas ng kwarto.
Bawat lakad ko palabas ng bahay, tila may kung anong mabigat na bagay ang nakadagan sa dibdib ko. Parang may ginagawa akong mali. Parang may bagay na pumipigil sa akin. Pero kahit na gano’n, pilit ko pa ring ipinagsawalang-bahala ang nararamdaman ko.
Nang makarating ako sa gate, walang kahit na sino ang naroon. Ilang minuto pa nga akong nagpalinga-linga sa labas kung may tao ba o aswang na naroon pero wala. . . Naiiling na tumalikod ako, siguro umalis na 'yon.
“Psst! Dito!”
Pumihit ako paharap ulit sa gate at nakita kong naroon si Rave. Naanigan ko ang mukha niya, halatang puyat siya dahil sa namumugtong mga mata na tila buong gabing mulat. Nakasuot siya ng itim na leather jacket at itim na pantalon.
“Bakit naman naghintay ka r’yan?” tanong ko.
Binuksan niya iyong gate ay hinatak ako palabas. Hindi na ako umalma dahil akala ko, mag-uusap lang kami. Pero nang makalabas na kami sa gate, napansin ko ang motor niya, 'di kalayuan.
“Halika na, aalis na tayo,” aniya.
Kunot-noong tinitigan ko siya, “Ano? Ano bang sinasabi mo?” gulat na tanong ko. Hindi ako makapaniwala na ganito ang mangyayari.
“Magpapakasal tayo mamaya, hindi pwedeng malaman nila Kuya Caelan na ikakasal tayo. Kapag nalaman niya, siguradong pipigilan niya.”
Umawang ang labi ko.
“Sige na, Ema. . .”
Hawak niya ang kamay ko habang nakatitig sa akin, halata sa mga mata niya na pagod na siya at inaantok. Lumingon ako sa bahay at diretsong dumapo ang tingin ko sa bintana kung saan naroon ang kwarto ni Sir Caelan.
“Pauuwiin din kita rito mamaya, kailangan lang nating magpakasal.”
Ibinalik ko ang tingin ko sa kaniya, “Paano kung hanapin nila ako?”
Ngumiti siya, “Ako ang bahala.”
Kahit nag-aalangan, sumama ako sa kaniya. Hindi ko naiwasang kabahan habang umaandar ng motor. May mali talaga rito, hindi ko lang talaga mawari kung ano.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko sa kaniya.
“Pupunta tayo sa Alkalde ng Baryo Guerrero,” sagot niya.
Hindi ko alam kung ano ang plano niya pero wala na akong magawa. Nandito na ako, dapat hindi ko na iniisip pa kung may mali ba sa gagawin ko. Sigurado akong tama ito dahil para 'to sa pamilya ko.
Nang makarating kami sa sinasabi niyang bahay ng Alkalde, sabi niya dito rin daw ang opisina nito. Nagtanong ako kung aswang din ba ang Alkalde, umiling siya at sinabing tao. Papasok na sana kami pero pinigilan ko siya.
“Magpapakasal tayo nang ganito lang ang itsura natin? Hindi manlang tayo magbibihis?” tanong ko sa kaniya. Bigla ko lang naisip 'yon.
Lumingon siya sa akin. Galit na ang mukha niya, “Nagmamadali tayo! Bakit ba ang kulit mo? Kahit magpakasal tayo ng nakahubad, ayos lang, Ema!” inis na bulyaw niya sa akin.
Natigilan ako sa inasal niya. Mabilis na gumapang ang kaba sa dibdib ko dahil ito yata iyong mali na nararamdaman ko kanina pa.
“R-rave. . .” usal ko.
Natigilan siya at biglang nawala ang pagkakakunot ng noo niya at mas humigpit ngayon ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
“Sorry, hindi ko sinasadya na sigawan ka, pagod lang ako at masama ang pakiramdam dahil buong gabi akong naghintay sa 'yo, sorry.” Pilit niyang pinahinahon ang sarili niya pero hindi na ako maloloko 'non.
Sapat na ang ipinakita niya sa akin para umatras sa kasal na 'to. Ito 'yong nararamdaman kong kaba kanina pa, mali 'to.
Masamang gumanti. Kahit pa masamang mga nilalang ang mga naninirahan sa lugar na 'to, wala akong karapatan na paghigantihan ang lahat. Ang pamilyang Valiente lang ang may sala sa akin, at lahat ng pagkakamali, dapat bigyan ng pagkakataon.
“Rave, mali 'to, pasensya na pero ayoko na, hindi na ako papayag sa—”
“Putangina naman, e! Putangina nandito na tayo ba’t ngayon ka pa aatras?”
“Rave kasi bakit hindi mo na lang bigyan ng pagkakataon ang tatay mo at ang kuya mo, hindi masamang magsabi ka sa kanila—”
Nag-igting ang panga niya at marahas na hinila ako papasok sa loob ng gate. “Rave, ano ba?!”
Nanginginig na ako sa takot. Kanina ko pa nararamdaman na may kakaiba, may mali pero hindi ko 'yon pinansin dahil buong akala ko tama ito. Bakit ngayon ko lang naisip ang lahat?! Bakit ngayon lang, na nandito na kami?!
“Manahimik ka!”
Mabilis na lumapat ang malapad niyang palad sa pisngi ko, sa lakas ng sampal, nahilo ako, nanlabo ang mga mata at. . .
Hinimatay.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...