KABANATA 18:
HINDI KO ALAM KUNG KAYA ko pa bang makita si Sir Caelan matapos ng nangyari kagabi. Buong araw na akong nasa loob ng kwarto at walang balak na lumabas. Tulala lang ako habang nakatingin sa mga gamit na nasira niya kagabi. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ko 'yong nangyari at sa tuwing uulit ay maiiyak ako nang bahagya.
Hindi ko na alam.
Parang ayoko na.
Parang siguro, isusuko ko na lang siguro iyong mga tanong na gusto kong malaman kasi sa totoo lang natatakot na ako. Hindi naman kasi ako ganoon katapang para tiisin at tanggapin ang lahat ng 'to.
“Ema, kumain ka na.”
Nag-angat ko ng tingin kay Auntie nang pumasok siya mula sa pinto. May dala siyang tray ng pagkain.
“Wala po akong ganang kumain, Auntie.”
Marahang nilapag niya ang tray sa ibabaw ng lamesa at tumayo nang diretso. “Pero hindi ka pa kumakain mula pa kaninang umaga.”
“Pasensya na po.”
“Gabi na, kainin mo 'yan at sasamahan na kitang magbanyo. Alam kong naiihi ka na o kailangan mo nang maligo pero tinitiis mo lang.”
Bumuga ako ng malalim na hininga at nag-angat ng tingin sa kaniya. Sa totoo lang, oo, naiihi na nga talaga ako.
Tumayo ako at muling nagbuga ng malalim na hininga. “S-samahan mo akong magbanyo, A-auntie.”
Marahan siyang tumango at siya na mismo ang nagbukas ng pinto para sa akin. “Halika na.”
Matiwasay kaming nakalabas ng kwarto at nakababa ng hagdan. Nakapasok din ko sa banyo at umihi na parang wala lang. Parang walang nangyari sa halos isang araw kong pagtitiis, ni hindi ko sila nasalubong. Nang matapos akong maligo, binuksan ko ang pinto ng banyo at nagtaka nang wala si Auntie.
Unti-unti na namang umusbong ang kaba sa dibdib ko.
Paano ako lalabas nito?
Yumuko ako at tiningnan ang paa ko. Ilang beses akong lumunok bago humakbang palabas.
Isang hakbang. . .
Dalawa. . .
Hindi pa man ako nakakausad ay narinig ko na ang boses ni Ma’am Lilith.
“Hindi ba sabi ko, umalis ka na?” aniya.
Takot na nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Kita sa mga mata niyang iritable siya sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Wala akong masabi sa lahat ng 'to.
“Hindi mo ba naiisip? Na kapag hindi ka umalis dito, mamamatay ka?”
Napatitig ako sa kaniya. Kitang-kita ko sa mga mata niya kung gaano niya kagustong paalisin ako sa bahay na 'to. Na para bang napakalaking pabigat ko kung hindi ako aalis sa bahay nila.
Lumunok ako bago nagsalita, “Aalis lang ako rito kung sasabihin n’yo ho sa akin ang tungkol sa hula.”
Rumehistro ang pagkabigla sa kaniyang mga mata. Tila hindi niya inasahan na iyon kaagad ang itatanong ko. Akala ko hindi siya magsasalita, akala ko iignorahin niya ang itinanong ko pero ngumisi siya.
“Sa tingin mo ba naniniwala ako na aalis ka kapag sinabi ko sa 'yo ang tungkol sa hula? Mas lalo ka lang magkakaroon ng dahilan para manatili kapag sinabi ko sa 'yo,” aniya.
Ngumiti ako, isang matamlay na ngiti. “Kung gano’n, siguro mas maiging dito na lang po muna ako.”
Dumiretso ako sa paglalakad. Nalampasan ko na nga siya ngunit napahinto ako nang hawakan niya ang braso ko. “Huwag mo akong sinusubukan,” banta niya.
Unti-unting bumaon ang mga kuko niya sa balat ko, napakagat-labi ako at handa nang maramdaman ang hapdi 'non ngunit hindi 'yon bumaon. Dumating si Sir Caelan na nagpabitiw sa kamay ni Ma’am Lilith.
Ilang beses akong napakurap habang nakatitig sa mga mata ni Sir Caelan. Alam ko na hindi ko siya maiiwasan, pero hindi ko inaasahan na darating siya ngayon.
“Ina, pwede ko ba siyang makausap?”
Hindi ako halos makakurap habang nakatingin kay Caelan.
“O sige, ano ka ba, bakit kailangan mo pang magpaalam?” biglang lumambing ang boses ni Ma’am Lilith, malayo sa matapang na boses niya kanina.
Hinayaan niya akong patuyuin muna ang buhok ko sa loob ng kwarto. Nagpaalam kasi ako dahil bagong ligo ako. Halos ayaw ko na nga sana siyang siputin, pero nang sumilip ako sa bintana at makita ko siyang nakaupo sa gilid ng maliit na bukal malapit sa puno ng mangga ay bigla akong nakonsensya.
Lumabas ako ng kwarto bitbit sa puso ko ang lakas ng loob. Natatakot ako pero kailangan kong lakasan ang loob ko.
Isa pa. . .
Nang matitigan ko ang mga mata niya, nakita ko kung gaano siya kasinsero.
Pagkalabas ng bahay, ilang lakad pa mula sa bukal, naabutan ko si Sir Caelan na nakatayo na roon habang nakatitig sa buwan. Mabuti at hindi na ito bilog na bilog. Ngayon, alam ko na.
“Pasensya ka na.”
Napatigil ako sa akmang paglapit pa sa kaniya nang marinig iyon. Hindi siya humarap sa akin, pero alam kong totoo iyong sinabi niya.
“Pasensya ka na sa lahat, dahil sa akin nagulo nang husto ang buhay mo.”
Napakurap ako. Paano niya nasasabi ang lahat ng 'yan? Bakit niya sinasabi sa akin ngayon na dahil sa kaniya nagulo ang buhay ko?
Humarap siya sa akin. Hindi ko alam kung paanong tila nagliliwanag siya sa paningin ko. Pakiramdam ko sa tagal ko rito, ngayon ko pa lang siya talagang natitigan. Mula sa buhok niyang maayos ang pagkakagupit, sa mga matang kulay itim na nasa ilalim ng makakapal niyang kilay. Ang matangos niyang ilong pababa sa makurba niyang labi. Ang suot niya, simpleng t-shirt lang at pantalon pero nag-uumapaw ang karisma. Sinong mag-aakalang aswang siya?
“P-paano mo nasabing ginulo mo ang buhay ko?”
Yumuko siya at humakbang palapit sa akin. Palapit nang palapit na habang papalapit, pakaba naman ako nang pakaba.
“Kung hindi dahil sa akin, buhay pa sana ang Ate mo. . .”
Natigilan ako, nangilid ang luha sa gilid ng aking mga mata. Hindi ko inaasahan na babanggitin niya si. . . Ate.
“Kung hindi dahil sa akin, buhay pa sana ang Papa mo, hindi sana magkakasakit ang Mama mo.”
Nanginginig ang labi ko sa bawat salitang sinasabi niya. Hindi ko inaasahan ang lahat ng 'to.
“A-anong ibig mong s-sabihin?”
Tuluyan siyang nakalapit, kaunting distansya na lang at hinawakan niya ang kamay ko. Nanlalamig ang mga 'yon pero hindi ako natakot. Mas naiisip ko ngayon ang lahat ng sinasabi niya.
“Gusto kong malaman mo na ang lahat, Ema. Kung paano ito. . .
nag-umpisa.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...