KABANATA 38:
RAVE POINT OF VIEW:
NAG-IGTING ANG PANGA KO nang batukan ako ni Vane. Nakakainis na, hanggang ngayon ni hindi pa rin talaga siya nagbabago at itinuturing niya pa rin akong bata.
“Ano bang problema mo at ayaw mo pa ring tanggapin ang itim na bato?!” inis na bulyaw niya sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin, itinapon ko sa sahig ang sigarilyong kanina ay hinihithit ko pagkatapos ay tinapakan. “Pota, wala ka talagang galang 'no? Sumagot ka nga!”
Hindi pa man ako nakakalagpas sa kaniya, hinila na niya ang buhok ko pabalik. Kung dati, nasasaktan pa 'ko sa ginagawa niyang 'to, ngayon, namamanhid na ang ulo ko. Wala akong ginawa kundi ang titigan siya nang masama.
“Ganyan ka makatingin ha? Kung pwede lang, ipinilit ko nang isalaksak sa bibig mo 'tong bato na 'to, ginawa ko nang hinayupak ka! Alam mo bang galit na galit na sa akin si Ama?” inis na aniya sa akin.
Binitiwan niya ang buhok ko. Pagkabitiw ay diretsong naglakad ako ulit papasok sa loob ng bahay. Hindi ko na pinansin ang panenermon niya dahil baka hindi ko matansya ang galit ko, at baka mauna na siyang mamatay kaysa mga kalahi niyang aswang.
Buong-buhay ko, wala akong naging sandalan ng hinanakit ko sa buhay. Maagang namatay si Mama, kabuwanan na niya sa magiging kapatid ko noong ginawa siyang handa sa kaarawan ni Vane. Wala akong nagawa habang nilalantakan sila ng mga gutom na aswang na 'yon. Limang taon pa lang ako 'non, at kahit ganoon pa lang ang edad ko, tandang-tanda ko ang lahat ng nangyari. Doon din nagsimula ang galit ko para kay Ama. Noong nagpalit siya ng asawa, iyong ina ni Rayah, akala ko huling asawa niya na iyon pero pagkapanganak pa lang kay Rayah, pinatay na nila agad ito.
Lumaki si Rayah na walang ina. Lumaki rin siyang katulad ko, inaabuso at kinakaya-kaya lang ng panganay na kapatid naming si Vane. Lahat kami, mga anak ni Ama sa tao. Pero si Vane lang ang nasulsulan ng magaling naming Ama. Dahil maliit pa lang si Rayah, itinatak ko na sa utak niya kung gaano kasama ang aming Ama.
“Kuya!” tawag sa akin ni Rayah nang makaakyat ako sa second floor.
Naka-uniform pa siya, mukhang kagagaling lang sa eskwelahan dahil maayos pa ang make-up sa mukha.
“Magbihis ka na, may pupuntahan tayo,” utos ko sa kaniya.
Tumango siya at kaagad na dumiretso sa kwarto niya. Ganoon din ang ginawa ko, kailangan ko kasing tawagan si Odessa para sa plano namin. Binago ko ang strategy na gagawin namin.
Sabi ni Odessa, magiging matagal ang proseso kung bubuntisin ko pa si Ema. May naisip daw na ibang paraan ang anak niya. Hindi ko alam na may anak pala ang babaeng 'yon, wala naman kasi siyang asawa.
“Hello, nand’yan na ba ang anak mo?” tanong ko kay Odessa mula sa kabilang linya.
“Oo, nandito na. Bilisan n’yo at mamaya mahaba na naman ang pila rito. Alam mo naman siguro kung bakit,” aniya.
“Sige, bibihis lang ako.”
Pinatay ko na ang tawag. Hinubad ko ang suot kong jacket at t-shirt. Napatigil ako at napahawak sa tiyan ko nang maalala kung paano yumakap sa akin si Ema.
Ngumuso ako at hindi namalayang napangiti. Nakakainis, napakainosente ng babaeng 'yon. . .
Hindi ko talaga masisi si Kuya Caelan.
-
EMA POINT OF VIEW:Ang bilis ng araw, hindi ko na namalayang kaarawan ko na bukas kung hindi pa pinaalala sa akin ni Auntie Ida.
“Gusto mo bang magpansit tayo? Pwede akong mamili mamaya. Sigurado akong ayos lang kay Sir Reynaud,” aniya.
Bahagya akong ngumiti, sumama bigla ang timpla ng sikmura ko nang marinig ang pangalan ni Sir Reynaud na binanggit mismo ni Auntie.
“Okay na po, Auntie. Kahit huwag na po. Sanay naman po akong hindi naghahanda,” sagot ko.
Ipinagpatuloy ko ang pagsusuklay ng buhok. Ilang araw na ang lumipas pero hindi pa rin umuuwi si Sir Caelan. Hindi ko alam kung saan na naman 'yon pumunta. Pinipilit kong huwag pansinin pero hindi ko pa rin maiwasang mapaisip kung saan ba siya pumupunta kapag nawawala siya. Siguro sa trabaho? Katulad ni Sir Reynaud at Sir Trebor. Nagsasalit-salitan silang tatlo. Si Ma’am Lilith lang ang madalas na maiwan dito sa bahay nila. Ni hindi nga lang lumalabas ng kwarto.
“Pero iha, debut mo 'yon. Hindi pwedeng wala. . .” aniya.
Nilingon ko si Auntie na ngayon ay mukhang nag-aalala dahil inayawan ko ang gusto niya.
“Hayaan mo na nga Auntie. Karaniwang araw lang naman 'yon, wala namang bago. May mangyayari bang maganda bukas? Hindi na special ang birthday ko.”
Hindi nakasagot si Auntie. Marahan siyang tumango, tila sumuko na sa pagkumbinse sa akin na paghandaan pa ang birthday ko.
Umalis din si Auntie Ida matapos kaming mag-usap. Ako na lang tuloy ang naglinis sa buong bahay. Hindi ko na rin kinatok si Ma’am Lilith dahil mukhang abala na naman sa loob ng kwarto. Hindi ba siya nababagot doon?
Nagluto ako ng pagkain, nagdilig ng halaman, naglinis at pagkatapos ay umakyat na sa kwarto nang humapon na para magpahinga.
Ang totoo, umaasa pa rin ako na bukas, may mangyayaring maganda. Sino ba naman kasing ayaw maging maganda ang kaarawan nila, 'di ba?
Na-miss ko tuloy si Mama. . .
At si Papa. . .
Pati na rin si Ate. . .
Noong nabubuhay pa sila, ang bawat birthday ko, ang saya. Kahit hindi ganoon kagarbo, masaya.
Kumirot ang puso ko nang maalala ang lahat ng masasayang araw na 'yon.
Ang lahat ng 'to, lahat ng plano namin ni Rave. Gagawin ko 'to para sa pamilya kong sinira lang ng mga aswang.
Ngayon naiintindihan ko na si Rave. Alam kong dapat nilang pagbayaran ang lahat ng sinira nila pero. . .
Bakit may natitira pa ring awa sa puso ko?
Bakit may ganito akong nararamdaman?
Hindi ko dapat sila inaalala dahil hindi naman nila inalala na may masisira silang buhay, e.
Bahala na siguro.
Bahala na.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...