KABANATA 16:

647 35 3
                                    

KABANATA 16:

EMA POINT OF VIEW:

PAANONG KAYANG BALIWIN ang isang aswang sa pamamagitan ng dugo ko?

Oo at may natuklasan ako tungkol sa sarili ko. Hindi ko inaasahan na ganoon pala ang pinanggalingan ng pamilya ko. Buong-buhay ko, pakiramdam ko ay mahirap ako at walang puwang sa mundo. Pero sa unang pagkakataon, pakiramdam ko. . .

Nagkasilbi ako.

Napaisip ako bigla sa sinabi sa akin ni Sir Caelan. Ano kaya 'yong hula na sinasabi nila at kung bakit pilit nila akong isinisiksik sa lugar na 'to? Kung balakid nga talaga ako sa lahi nila, bakit hindi na lang nila ako patayin o palayuin? Ang mas malala’y inilalagak nila ako mismo sa lugar nila.

Nalilito na ako nang husto. Unti-unti akong nauuhaw sa mga sagot. Gustong-gusto kong malaman kung mayroon pa ba akong dapat na malaman. At hindi ako titigil hangga’t hindi ko nalalaman kung ano iyon.

Nang pumasok si Auntie Ida sa kwarto, tahimik akong nakaupo sa papag.

“Bumalik na pala kayo, kumusta?” tanong ni Auntie Ida.

“Kakaiba rin ba ang dugo mo?” Nag-angat ako ng tingin kay Auntie Ida na ngayon ay tila gulat sa biglang sinabi ko.

“E-ema. . .”

“Alam mo ba kung ano 'yong hula? Alam mo ba kung bakit at paanong naging kakaiba ang dugo ng pamilya natin, Auntie? Pagod na ako sa pag-iisip, Auntie. . .”

Nakatitig lang siya sa akin habang patuloy akong nagsasalita, hindi niya siguro inaasahan na malalaman ko ang lahat ng iyon. Kahit pa sabihin niyang wala siyang alam, pakiramdam ko meron.

Pumikit siya nang mariin, “May. . .” Dumilat ang mga mata niya. “May dugo ka ng demonyo.”

Natigilan ako sa sinabi ni Auntie. “Lahat ng unang anak ng salin-lahi ng pamilya natin, katulad ng Papa mo, may dugo ka ng demonyo.”

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya, hindi ko maintindihan! Mas lalo lang niya akong dinadagdagan ng mga tanong sa utak ko!

“Lahat ng kakagat sa bawal, lahat ng gagawa ng kasalanan, napaparusahan.”

Napalunok ako bigla. Kung may dugo akong demonyo, ibig sabihin ba 'non, masama na ako?

“Kung iniisip mong lahat ng demonyo ay masama, nagkakamali ka, Ema. Gusto mo bang malaman kung paano tayo napunta sa ganitong sitwasyon?”

Bumuga ako ng malalim na hininga at marahang tumango. Inabot niya ang upuan na nasa harapan ko at doon ay naupo.

“Makinig kang maigi, Ema, dahil sa oras na sabihin ko ang lahat ng ito sa 'yo, alam kong magbabago ang lahat ng pananaw mo. . .”

Yumuko ako, hindi ko alam kung handa na ba akong malaman pero sa tingin ko ay sapat na ang buong buhay kong walang alam sa lahat. Sa tingin ko, sapat na 'yon para malaman ngayon.

“Ilang daang taon na ang nakalipas, isang demonyo ang nagkagusto sa isang tao. Isa siyang fallen angel, ang mga fallen angel ay naging makasalanan pagkatapos nilang paalisin sa langit. Pero sa tingin mo ba, masama na rin ang mga anak niya? Ang unang anak ng demonyong iyon ay ang lalaking tumapak sa Sitio Valiente, ilang daang taon na ang nakalipas. Naging tagapamagitan siya sa lahi ng aswang at tao. Kumbaga, siya ang dahilan para maging payapa ang lahat. Nagkaroon siya ng asawa at anak na tao, dito rin sa Sitio Valiente. Nagkaroon siya ng apo at nang tumanda na siya, isang aswang ang nakatuklas kung gaano kasarap ang dugo niya. Kinain ng aswang na iyon ang tagapamagitan, inubos niya maski ang kuko. Matapos 'non, nabaliw ang aswang. Namatay siya sa ganoong paraan.” Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, ngumiti siya sa akin. “Iyon lang ang alam ko. Hindi ko na alam ang sumunod na kwento. Siguro kaya ganoon ang epekto ng dugo at laman ninyo sa isang aswang ay dahil makasalanan ang dugong iyon. Ang lahat ng ipinagbabawal, masarap.”

Ibig bang sabihin, “Tao ba ako, Auntie?”

Ngumiti si Auntie Ida at tinapik ang balikat ko. “Tao ka, Ema. Nahaluan lang ang dugo mo ng ganoong klaseng dugo.”

“Pero bakit 'yong dugo mo Auntie, hindi katulad ng sa akin?”

Umiling siya, “Hindi ko rin alam kung paano iyon nangyari.”

Marahan akong tumango, “Iyong tungkol sa hula?”

Hindi nakaimik si Auntie Ida sa sumunod na itinanong ko. Matagal na pinag-isipan niyang maigi bago siya nagsalita.

“H-hindi ko alam. . .”

Tinitigan kong maigi si Auntie, halata sa mukha niyang may alam siya pero ayaw niyang sabihin sa akin. Kumurap ako at humingang-malalim.

“Naiintindihan ko, Auntie.”

-
“Wala ng gamot?” narinig kong tanong ni Sir Caelan kay Auntie nang makababa ako mula sa hagdan.

Matapos kasi ng pag-uusap namin ay nagpaalam na siyang bababa para maglinis sa kusina.

“Iyong huling ibinigay ko sa 'yo noong nakaraan, iyon na ang huli. Namatay na naman iyong halamang gamot sa bakuran,” sagot ni Auntie.

Bumuntong-hininga si Sir Caelan pagkatapos sabihin 'yon ni Auntie Ida. Hahakbang na sana ako ulit para lumapit pero narinig ko pa ang dugtong ni Sir Caelan.

“Nakakaramdam na naman ako ng gutom, Auntie. Kailangan ko 'yon, hindi pwedeng hindi ako uminom.”

“K-kung gusto mo ako na ang kukuha sa Baryo San Rafael Pildera,” ani Auntie.

Nagtaka naman ako, saan 'yong lugar na 'yon?

“Hindi pwede, ako na ang kukuha. Narinig kong may hindi magandang nangyayari sa Baryo na 'yon ngayon,” ani Sir Caelan.

May hindi magandang nangyayari pero pupunta siya? Para saan ba 'yong gamot na 'yon? Gamot ba para sa. . .

“Auntie, kung hindi man ako makakuha ng halamang gamot. Pilitin mo munang ilayo sa akin si Ema, baka hindi ko kayanin,” dagdag niya pa.

Para ba hindi niya ako kainin? Para ba hindi siya magutom at kumain ng tao?

Pero. . .

Bakit?

Bakit kailangan niyang tiisin ang gutom niya? Ngayon ko lang napagtanto na sa lagpas isang buwan na pananatili ko sa bahay na 'to, ni minsan ay hindi ko pa siya nakikitang kumain ng tao.

Ni minsan kahit patak ng dugo, o kahit hayop man, hindi pa.

May dahilan ba kung bakit? Sa tingin ko, meron. . .

“Aalis na ako A-auntie, nahihirapan na ako,” aniya.

Ilang saglit lang ay biglang humangin, pagkatapos 'non ay narinig ko ang pag-tawag ni Auntie sa akin.

“Kanina ka pa ba r’yan? Alam niyang nandyan ka.”

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon