KABANATA 1:
NAPAHILAMOS AKO SA AKING MUKHA. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na talaga akong mapupuntahan kahit saan. Pinuntahan ko na ang lahat ng mga kamag-anak ko. Kung mayroon lang sana akong kaibigan kaso wala, e.
"Hindi ka pwede rito, ayaw namin sa 'yo, pasensya ka na."
Napakagat-labi ako at malungkot na tinitigan ang pinsan ko. "Bakit ba ayaw ninyo sa akin? Kahit gawin n'yo na lang akong katulong, okay lang!"
Umiling siya at hinawakan ang seradura ng pinto. "Pasensya na talaga. Pero iyon ang utos sa akin ng nanay, e." At saka niya ako pinagbagsakan ng pinto.
Pinigilan kong umiyak. Hindi ko alam kung bakit sila ganito sa akin samantalang nakipaglibing naman silang lahat noong namatay ang Mama. Kung may pera lang ako, kung kaya ko lang mag-isa, hindi naman ako makiki-usap na makitira sa kanila, e. . .
Bumuntong-hininga ako at tuluyang lumabas sa gate ng malaking bahay ng huling kakilala kong kamag-anak namin. Wala na talaga akong mapupuntahan. Siguro maghahanap na lang ako ng trabaho na pwede akong mag-stay in? 'Yon ay kung pwede na akong magtrabaho.
Ngumuso ako at nagpatuloy sa paglalakad. Gabi na, wala akong matutulugan. Napatakip ako sa mukha ko at naupo sa gutter. Gusto kong maiyak pero naubos na ang luha ko sa kaiiyak noong namatay ang Mama.
Napakamalas ko nga naman talaga. Pakiramdam ko, sinumpa ang buong buhay ko mula pa noong bata pa ako. Namatay si Papa noong pitong taong gulang pa lamang ako. Si Mama naman ay namatay dahil sa sakit sa baga nito lang nakaraang dalawang linggo. Pagkatapos no'n, huminto na ako sa pag-aaral ko. Kolehiyo na sana ako kaya lang hindi ko pa nga natatapos ang highschool, ganito na ang nangyari. Hindi ko alam na subsob na pala sa pagtatrabaho ang Mama kaya pala nagkasakit siya sa baga. Wala namang tumatanggap sa akin dahil menor de edad pa lang ako, dise-syete. Sa susunod na taon pa ako mag-di-dise-otso.
Buong buhay ko malas ako. Lagi akong pinag-ti-trip-an ng mga kaklase ko. Masyado kasi akong tahimik, loner kumbaga. Hindi ko kayang lumaban. Ang turo kasi sa akin ng Mama, kapag may umaaway sa akin, huwag akong lalaban. Na tanggapin ko lang lahat ng sasabihin nila. Na balang-araw ay may kalalagyan lang din ang mga taong umaapak sa akin. Masasabi kong tama naman si Mama, pero habang nagdadalaga ako, unti-unti kong napagtatanto na may mali pala sa mga tinuro ni Mama.
Na sana pala kahit papaano'y lumaban ako. . .
Nag-angat ako ng ulo at tumingala sa langit. Mabuti pa ang langit, payapa. Ang ganda-ganda ng pagkislap ng mga bituwin sa langit. Bituwin na rin kaya si Mama at Papa? Sana ginagabayan nila ako, alam ko. . . nandyan lang sila.
Papatulo na sana ang luha ko nang biglang tumunong ang cellphone ni Mama. Halos mapatalon pa ako sa gulat dahil ito ang unang pagkakataon na may tumawag sa cellphone niya!
Nagmamadaling binuksan ko ang bag at hinagilap ang cellphone ni Mama. Nagtaka ako dahil hindi nakarehistro ang numero doon. Sino kaya 'to?
Nag-aalangan mang sagutin ang tawag, sinagot ko pa rin. Baka mamaya importante pala.
"H-hello?"
Ilang segundo ang lumipas bago siya sumagot.
"Ikaw na ba 'to, Ema?"
Nagtaka ako sa isang tinig ng babae, parang ka-boses ng Mama ko. . . Napakagat-labi tuloy ako. Na-miss ko si Mama bigla.
"Opo, s-sino po ito?"
Narinig kong may umubo sa kabilang linya pero mukhang hindi iyon ang kausap ko. Para bang may kasama siya roon.
"Ako ito, ang Auntie Ida mo. Kapatid ako ng Papa mo. . . Nabalitaan kong namatay na ang Mama mo, itatanong ko lang sana kung kumusta ka na?"
Nanginig ang labi ko, nangilid ang luha. . . Sa unang pagkakataon, may nagtanong kung kumusta na ako. At kahit halos wala na akong ma-i-luhang luha, kusang tumulo iyon sa aking mga mata.
"H-hindi po a-ako okay. . ."
Hindi siya kaagad sumagot sa kabilang linya pero narinig ko ang marahas na pagbuntong-hininga niya.
"Nasaan ka? Ipapasundo kita."
Napakurap ako bigla at mabilis na napunasan ang mga luha. Agad-agad?
"P-po? S-seryoso po ba kayo?"
"Oo, maghintay ka r'yan at ipapasundo kita."
Sinabi ko kung nasaan ako. Kahit hindi ko siya kilala at ngayon ko pa lang siya makikita, hindi ako nagdalawang-isip na sumang-ayon. Naghintay ako roon, na-e-excite ako dahil sa wakas ay may tutulugan na akong bahay. Akala ko matutulog na naman ako sa kalsada.
Halos kalahating oras akong naghintay bago may dumating na isang lumang jeep. Sa sobrang luma no'n, maririnig na ang maingay na makina. Kinabahan tuloy ako dahil doon! Si Auntie ba 'yan o ibang tao ang magsusundo sa akin?
Mayamaya'y may bumaba sa jeep, iyong driver. Bumungad sa akin ang isang lalaking nakasuot ng kulay puting t-shirt at ripped jeans. Pero hindi ripped jeans na nabibili sa Mall o sa palengke, halatang kusang nasira ang pantalon dahil sa kalumaan. Malapad ang balikat niya, matangkad at katamtaman ang kulay ng balat. Nang mag-angat ako ng tingin sa kaniyang mukha, nakatingin lang siya ng diretso sa akin, ang mga mata niya ay itim na itim at mapungay, matangos ang ilong at manipis ang labi. Magkasalubong din ang makakapal niyang mga kilay. Ang buhok niya'y malinis ang gupit. Mayroon din siyang nakakatakot na awra. Para bang gusto mo nang tumakbo kapag nakita mo siya. Masasabi kong gwapo siya pero hindi ko alam kung bakit may ganoon siyang awra!
"Ikaw ba si Ema?" tanong niya gamit ang malalim at garalgal niyang boses.
Tumango ako kahit na nag-aalinlangan. Bakit naman ako ipapasundo ni Auntie sa lalaking 'to? Naku naman! O baka hindi ko talaga Auntie 'yon? Pero narinig ko noon na may kapatid talaga si Papa na babae. . .
"Halika na at nagmamadali ako," aniya sabay talikod at bumalik sa loob ng jeep.
Napataas naman ang kilay ko. Gusto ko sanang sumagot pero hindi ko na lang ginawa kasi nakakahiya naman. Sinundo na nga ako, tapos mag-iinarte pa?
Tumango na lang ako at diretsong umakyat sa jeep katabi niya. Ngunit bigla akong nagtaka nang makaamoy ako ng kakaiba. . .
Tila ba may amoy ng nabubulok, amoy patay na daga. Kumunot ang noo ko at sinubukang lumingon sa likuran pero napatigil ako dahil hinawakan niya ang balikat ko.
"Huwag kang lilingon kung ayaw mong masuka."
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...